7.29.2003
July 29, 2003 || 4:29 amSa payat kong 'to, nagiging insomniac pa ako. Kapag wala kang ginagawa, nagpapatong-patong ang oras. Di mo namamalayan baka buong buhay mo na ang lumilipas. Wala ring bisa ang pagtatakda ng mga gawain, na dapat makagawa ng ganito o ganoon ng ganito o ganoong oras. Lahat naisasantabi.
Dumarami nang dumarami ang dapat gawin samantalang kahit isiping dapat nang simulan, may mga bagay na nagpapabinbin na maliliit o malalaki (kadalasan maliliit). Sa pagdami ng dapat gawin, lalo kang tinatamad.
Pinangalanan ko na ang ganito kong tendency ng inertia. Na kapag at rest ka, at rest ka na lang parati. Hindi ko alam kung saan dapat manggaling ang tulak na magpasimula ng gulong. Matagal ko nang nadiskubre na kapag sarili ang pinag-uusapan, nawawala ang disiplina ko.
Ang disiplina at sakripisyo sa akin ay magka-akibat. Ako na pinapabayaan ang sariling mag-enjoy at laging spur of the moment at impulsive. Kung saan masaya, doon ako. Ang pilosopiya nga noong nag-aaral e kung papasa naman bakit pa pahihirapan ang sarili para habulin ang mga letseng grades.
Kaya nga sinusubukan ko ang sarili. Magastos kasi ako. Basta may pera sa bulsa, dukot lang. Hindi naman maluho. Pagkain, libro, musika at sine lang naman ang pinagkakagastusan. Ginagaya ko ang kaibigan na si Ronald na basta may baryang limang piso ay hindi ginagastos at inihuhulog niya sa alkansiya. Aba! malaki rin ang naipon niya.
Manggagaya na rin lang ako, pinagbuti ko na. Kaya ako, basta may 10 piso at 50 pesos na matanggap hindi ko gagastusin. Kahit iyon na ang huling barya at kailangang i-break ang 1,000 pesos ginagawa ko.
Pakonti-konti at baka tumatak ang pagiging tihik sa akin.
Mga napupulot:
Sabi ni Jackie Chan, "I don't think. I just do."
Sabi ni Hammerstein, "Fools give reason, wise men never try."
Sabi ko naman, "Putsa, nakakapagod nang maghanap."
Sabak!
May dahilan talaga kung bakit laging maayos dapat ang bihis mo. Hindi mo alam kung sino ang makakatagpo mo.
Ang buong araw kahapon ay isang leksiyon sa kagandahan ng pagiging banidoso. Mula sa Provocative, ang tsokolateng t-shirt at ngiting pulpol.
Huwag daw pangunahan pero babanggitin ko na rin kahit wala pang official announcement.
Congrats kay Alwynn dahil nanalo siya ng 1st Place sa Tula sa Palanca.
Congrats kay Jing dahil nanalo siya ng 3rd Place sa Tula sa Palanca.
Husay niyo!
Naka-dale rin tayo Jing sa tula (hehe). At hindi ako naniniwala sa'yo na karambola at jackpotan ang Palanca. O sige na nga, ngunit nagpapadagdag ng odds ang husay at talento. At iyon, marami kayo.
Naku, sigurado ako at magpapapista ang nanay ni Jing. Ihahanda ko na ang tiyan ko. At malamang, may banda na namang sasalubong kay Alwynn kapag bumalik siya sa Ilocos.
Ernan at 4:44 AM
7.28.2003
July 28, 2003 || 2:07 amNong isang gabi lang sa Eastwood nagbubulung-bulungan na ang tao. Patakang nagtatanong kung totoong mayroon ngang coup. Naka-red alert nga ba talaga ang Malacañan? Dahil mga bata, wala gaanong nakikinig ng balita kaya't saan paraan pa makokonpirma ang haka-haka—panaka-nakang text na nagsasabing mag-ingat o umuwi na dahil ngang may nagbabantang coup at may prayer rally sa EDSA shrine. Na naman?
Na naman. Ngunit walang nabahala. O kung meron man, di ko nahalata. Dahil hanggang lumalim ang gabi'y patuloy ang kasiyahan. War is coming, party harder.
Alas-singko na ng madaling araw na nang malaman na may mga nagtanim ng bomba sa Glorietta at mga junior officers ng militar ang may pakana. Natulog akong nasa isip na sana kapag nasira ang Glorietta at ayusin muli nang mga Ayala, baka naman puwedeng isama na nila ang mga sinehan nila na bulok.
Tanghali na nang magising ako at narinig ko ang buong kuwento. Hindi raw coup ngunit isang sigaw para mailabas ang hinaing. Walang ibang hiling kundi ang reporma. Maginoo nilang pinalipat ang mga tao sa Eastwood. Ipinabababa sa puwesto si Reyes, nagbebenta daw ito di-umano ng mga armas sa mga terorista.
Natulog uli ako ng hapon. Ano pa nga ba? Batugan ako, hayaan na silang magkagulo. Inaantok ako. At sa paggising ng mga alas-diyes o alas-onse, iniinit ko ang ulam at iniinit din ang tenga ko ng balitang sumuko na ang mga sundalo. Kaagad? Iyon lang naman daw ang kahilingan nila, ang marinig sila. Sabi pa ni Ltsg. Trillanes, ang isa sa liderato ng tinatawag na rebelde (at ang makulit na dagdag ng nanay ko lagi kapag nakikita siya, "gumradweyt 'yan ng Angelicum" -- ka-batch kaya niya si Bernadette Sembrano? kung oo, sana sumulat na lang siya sa Wish Ko Lang), na the people has chosen their path at they deserve the government. Hindi rin daw silang umaasa na bababa si Reyes o tutuparin ng pamahalaan ang hinaing nila.
Mukha nga talagang gusto lang nilang maglabas ng sama ng loob. Ngunit hindi siyempre mawawala ang mga bali-balitang ma bahid politika pa rin ito. Sa tono ni Trillanes, hindi ako magtatako kung tatakbo siya. Lalo pa't sinabi niyang nag-iisip na siya sa ikalawa niyang propesyon. Nasangkot din ang pangalan nina Enrile, Honassan at Erap.
Ano pa man ang dahilan ng mga nag-take over ng Oakwood, gusto kong maniwala na sa mabuti nila ito ginawa. Kahit may mga caution na baka phase I lang ito ng magarbong campaign ng isang political megalomaniac na tao. Isa lang ang maliwanag para sa akin ngayon, matagal na namang nabubulok ang sandaliang administrasyong Arroyo. Ngayon, mapipilitan silang kalkalin ito. Basura o katiwalian ang matagpuan, mabuti na ang sigurado.
At kung ang mga rebeldeng sundalo'y ninais lamang ipaalam ang hinaing nila. Sila pa rin ang nagwagi.
Ernan at 3:04 AM
7.25.2003
July 25, 2003 || 1:51 am"Mete na pala y Apong Biring nandin," simpleng sambit ni Mommy para ipaalam sa amin na namatay na si Lola Biring. Kumakain ako at nanonood naman ang tatay ko ng Laban o Bawi ng Eat Bulaga.
"Huh? Kapilan?," tanging tanong ng tatay ko.
"Nandin pin. Alas-onse ka'no."
"Uwi tayo mamaya," at nag-ayos ng upo ang tatay ko. Samantalang tuloy lang ako sa kain ko. Matinik ang isda.
Hindi ko talaga lola si Apong Biring. Dati namin siyang cook at ilang taon ring namasukan sa amin. Sa tagal, hindi na cook ang turing namin, kapamilya na. Tuwing uuwi kami ng Magalang, sinisigurado naming bisitahin siya. Kadalasa'y may dala pa kaming pasalubong. At pagkagaling namin sa kanila, lagi kaming may bitbit pauwi ng kung anu-ano. Minsan isang kaing ng saging, dalawang balde ng kaimito, isang sakong santol, karton ng pastilyas, o simpleng luto niya na nilaga o pinakbet.
Nakakagulat pa ang pagkamatay niya dahil wala siyang sakit na malubha. Rayuma at sakit ng likod ang lagi niyang daing, mga sakit na kasabay ng pagtanda. Naaksidente pala siya at nabagok an ulo. Itinakbo siya sa ospital ng anak niyang si Kuya Bong at kinailangang tahiin ang ulo. Doon bumigay ang katawan niya.
Hindi nagparamdam si Apong Biring. Siguro siya ma'y nagulat sa sariling kamatayan. Bagkus, isang tawag ang natanggap ni Mommy kay Kuya Bong para ipaalam na pumanaw na si Apong Biring ilang oras na ang nakalipas. Hindi raw nakapagpaalam kaagad kasi walang signal sa ospital.
At nadatnan nga ako ni Mommy na nanananghalian at si Daddy nama'y nakaharap sa TV. Walang humagulgol sa amin. O pumalahaw. Walang hinimatay. Bumagsak lang ang aming mga mukha. Huminto saglit bago nagsalita. Nagkapatlang sa ere ng sansaglit, wala pang segundo. Naroroon ang aming kalungkutan. Hindi sa tagal, hindi sa hikbi, nasusukat ang lungkot.
Matapos ipaalam sa amin, umalis na si Mommy. Pinanood ni Daddy na lumaban ang isang ale, bokya ang labas. Hinimay-himay kong mabuti ang ulam. Matinik ang isda.
Ernan at 3:22 AM
7.24.2003
July 23, 2003 || 11:33 pmAyaw ko mang aminin, bookworm talaga ako. Iba ang pagpapahalaga ko sa libro. Hindi na maitanggi dahil napakaraming senyales:
Pumunta ng Cavite para makipagsaya sa Indepence Day. Nilakad ang mga magkakalayong shrines. At tila ginawang shrine ang isang tindahan doon dahil hinintuan ko para sa mga second hand books. Umuwi akong may bitbit na libro, Pilgrim's Progress. Na alam ko namang itatambak ko muna dahil marami pang nakapila na babasahin.
Isang mainit na tanghali, napagtripan na maglakad sa Quiapo hanggang Ongpin. Dahil nagtitipid ayaw kong gumastos, hindi ako huminto para magmerienda o uminom man lang ng Coke o kahit palamig na tigdalawang piso. Gayong basang-basa sa pawis ang suot kong polo. At tuyung-tuyo ang dila. Pinagtiisan ko ang uhaw, pinagkasya ang sarili sa dalang kendi. Ngunit nang naparaan ng Escolta, nakita ang Booksale. Ano pa ba't umuwi ako ng bahay na uhaw na uhaw at nahihilo ngunit may bitbit na dalawang libro.
At kanina, pauwi na lang galing sa Glorietta, naparaan ako sa harap ng Goodwill Bookstore. Sale pala. At may mga librong 50 pesos lang. Nabinbin ako ng isang oras. Pitong libro ngayon ang nakatambak. Mga librong hindi ko naman talaga bibilhin kapag normal ang presyo pero dahil 50 pesos na lang at alam ko rin namang babasahin ko kapagdaka, e binili ko na:
The Secret Agent - Joseph Conrad
Power Lines - Anne McCaffrey and Elizabeth Ann Scarborough
The Facts Speak For Themselves - Brock Cole
Last Go Round - Ken Kesey with Ken Babbs
The Innocent - Ian McEwan
Going Native - Stephen Wright
Bikol Maharlika - Jose Calleja Reyes.
348 pesos para sa 7 libro. Not bad, di ba? Parang coffeetable book pa ang isa. Problema ko ngayon, di ko alam kung saan ko isisiksik itong mga ito. Napuno ko na ang shelf ko. Pero hindi ako mahihinto. Napkarami pang librong kailangan at gustong mabasa.
Dati'y saulado ko ang tulang ito. Ngunit ngayo'y kinakapa-kapa ko na lang. Minsa'y napadalaw si Ma'm Edith sa Ateneo (hindi pa rin malilimutan ang pagbabasa niya ng Bonsai), siyempre pa, inihanda ko na ang kopya ko ng libro niya para sa autograph (fanboy! fanboy!). Ang isinulat niya,
"Ernan,Sa tuwing nababasa ko iyon napapangiti ako. Naalala ko kasi kung papaano kami noong kolehiyo.
What do you do in between hymns, sobs, psalms?
Mom E."
Between-Living
Edith L. Tiempo
When we love a wanderer,
We wait for footsteps
That may, or may not, come:
Firs the hours-the days-
Then-years. Then, never.
Yet always we do know
Whereof we wait:
The creaking gate
The scraping on the steps
And at the door the level gaze;
For these we wait to know
The roving one is home.
We boast of a green thumb
And coax the stems to bloom:
Hibiscus, santan, the wholesome
Cabbage rose; and make ambitious room
For gardenias, irises, and orchids,
(Taking time to scour the aphids)
And maybe, soon or late
The flowers show;
But always we do know
Whereof we wait:
The nectar and the odors,
And the windblown blazing colors.
So it's the space between
The wishing and the end
That is the true unknown;
The massive world's timekeeping
And our own agile flow
Never to blend.
And thus we care,
And thus we live
Not for the end
(Since that is not unknown),
It is the wait, creative
Life and love in full;
Unfinished, uncertain, unknown,
Yet mocking the known end
That comes sooner,
Later, or not at all.
Haaay! Ang mabuhay sa bingit, para sa bingit. Papaano kung dumating na? Iikot, hilong-talilong na naman.
Ernan at 12:57 AM
7.22.2003
July 22, 2003 || 1:29 amRagnarok's got me addicted. So here I am squeezing this entry while playing, while waiting for my character to heal fully. It takes a goddamned awfully long time. I have to be a hunter before the pay for play kicks in. Want to get an RO fix, go here.
So I was floored by 28 Days Later. Seriously. I loved it. Restored my faith in Danny Boyle. I heard that the official DVD release would have a director's cut. Danny Boyle wanted to end it quite differently and the film outfit wanted to pare it down. Hope to see that ending.
Overheard in a Quiapo stall:
Overly buffed teen chinese guy: (holding a 28 Days Later pirated DVD copy) Miss wala ba kayong 28 Days lang?
Tindera: (pointing to the DVD OBTC guy is holding) Ayan o.
OBTC guy: Hindi. 28 days lang. Kasi part 2 na ito e, may later. Iyong walang later. Iyong part one.
At this point, I walked over to the other stall and laughed out loud. So it seems that Sandra Bullock was the cause of the rage virus. Wouldn't surprise me.
Certain parts of 28 Days Later reminded me of a Cortazar story, which led me to asking why haven't they done a surrealist film? Aside from Like Water For Chocolate, what other film took on the surrealist frame? Quite surprising since I believe that movie magic can pull the thing off, audiences have been suspending belief. Though admittedly, surrealism would be harder to achieve than an altogether full-blown fantasy.
I want to see children riding a boat in a pool of light, an hotel floor that houses a sheepman, a traffic that lasts for months, to believe in a reality that is almost but not quite. I want to see all that in the big screen. It is capable.
Someone once wrote me that I'm always faster than my words. That they are the ones trying to catch up with me. I think it was Neva who wrote that, in a dedication in a book she gave me. We had that phase, giving books to each other as presents. We'd go book hunting and surprise one another with books. It was far lovelier time than this.
But back to the words. There is a certain truth to that. Reading back journals and entries, I always find missing words and letters. Articles, conjuctions, prepositions, punctuations sometimes even nouns and verbs. It is that where my fingers fail. In the moment of writing, I am less conscious of my finger, what I type or if it's legible, rather the mind jumps from thought to thought. My fingers, apparently, are less dextruous and sometimes skip words to follow.
And I, being lazy, rarely read what I have written. A habit I picked up from writing journals. Rereading only makes me want to edit and slash at the words, rephrase, etc. But I don't want to do that. Not in a journal. I always wanted to present the first. Unlike poetry, in personal journals, I believe that the first word is the best word. Is the sincerest.
If I want to change my thought or revise. I write another entry. Not write over the one that has been written.
Well, I just hope that the fingers never tire of runningafter the thoughts. Or that my thoughts never tire of running. As long as my fingers and my thoughts are playing tag and catch-up, I'll be alright. Even with missing words.
Ernan at 2:52 AM
7.16.2003
July 16, 2003 | 11:06 amSalamat kay Jake at nadiskubre kong muli ang bisa ng Vicks Vapor Rub. Sa akin na laging barado ang ilong o tagas gripo sa sipon ang ilong, na nakakaubos ng dalawang box o isang rolyo ng tissue araw-araw, laking ginhawa iyon.
Sa bahay kasi halos lahat kami'y araw-araw may sipon. Paggising sa umaga, tissue kaagad ang kapa ko. Minsan, sa sobrang haba ng tulog at katamaran tumayo, ang pagbara ng ilong na tila di makahinga ang siyang gumigising sa akin at nakakapilit sa aking hatakin ang katawan mula sa kama.
Kuya, ate, si Mairene at ako, lahat kami'y may sipon tuwing umaga. Parang smoker's cough kaso sipon sa'min at di nga lang kami smokers.
Kagabi kinikuwento ng ama ko na pinipick-up siya dati ni Lino Brocka. Hindi ko alam kung papaano o kung saan. Ni hindi ko nga alam na kakilala pala niya si Lino Brocka, na kilala niya si Lino Brocka. Hindi ko na napakinggan kasi naglalaro ako ng Ragnarok, ang daming vampires sa Payon Cave e.
Natagpuan kong muli ang isang tulang ninenok sa may Fat Michael's. Muli kong pinulot ang Where the Jackals Howl at ipinagpatuloy ang pagbabasa. Naka-ipit pala dun ang tula.
Naghihintay kami ng pagkain at binalingan ko agad ang mga librong naka-dekorasyon sa paligid. Kilala niyo naman ako, pakialamero, mabusisi at mahilig sa libro. Habang pinapabasa kay Kim ang The Missing Piece ni Shel Silverstein, hinugot ko ang The English Patient ni Oondatje.
Nakaipit sa libro ang isang pahina ng organizer, may nakakopyang tula:
Preface to a Twenty-Volume Suicide Note
Leroi Jones
for Kellie Jones, Born 16 May, 1959
Lately, I've become accustomed to the way
The ground opens up and envelopes me
Each time I go out to walk the dog.
Or the broad edged silly music the wind
Makes when I run for a bus...
Things have come to that.
And now, each night I count the stars.
And each night I get the same number.
Hindi ko alam kung bitin o may karugtong pa ang tula. Ngunit mas maganda siya dahil hindi ko alam kung meron. Parang naki-ayon sa akto ng pagkakakita sa kaniya ng di inaasahan.
Pero ngayon, hinanap ko na kung sino si Leroi Jones. Aba, siya pala si Baraka. Medyo kilala ko pala, narinig ko na ang pangalan at may nabasa na yata akong tula niya.
Tama nga, bitin ang tula. Heto ang karugtong:
And when they will not come to be counted,
I count the holes they leave.
Nobody sings anymore.
And then last night I tiptoed up
To my daughter's room and heard her
Talking to someone, and when I opened
The door, there was no one there...
Only she on her knees, peeking into
Her own clasped hands
Nakakaaliw isipin na sa magkaibang oras ko nabasa ang dalawang bahagi ng tula. Ngunit tumama ang tula sa bawat pagkakataon. Parang isang kanta na narinig mo habang naglalakad at itinago ng isipan ng di nalalaman. At maaalala lang uli kapag muling narinig ang himig nito.
Masayang makatagpo ng mga ganito. Minsan napapaisip ka kung pinagpala ka at sa kalat ng buhay, nakatiyempo ka.
Ernan at 11:18 AM
7.14.2003
July 14, 2003 || 2:39 pmNakasagap ako ng balita na matagal na palang nagbabalak ang Gainax na gumawa ng live action na pelikula ng Evangelion. Iyon nga lang ayaw nilang mahulog sa bitag ng Hollywood rip-offs. Ang gusto nila'y iyong magiging matapat sa series. Kasalukuyan raw nilang kinakausap ang mga tao sa WETA, ang special effects group ng Lord of the Rings, para sa mga paunang konsepto.
Hindi ko alam kung totoo o tsimsis iyan. Pero maigi nang may inaabangan. Sana nga. Kung sakali, sino kaya ang gaganap na Ayanami Rei?
Nakakalito ang panahon. Hindi mapagdesisyunan kung iinit o uulan. May mga araw na halos igapang mo na lang ang sarili sa nakakapanglupaypay na init. May ibang araw naman na di mo alam kung saan ka sisilong sa hagupit ng ulan.
At dahil dito, na-miss ko tuloy ang beach. Na-miss ko na naman ang buhangin. Siyempre, ang bato.
Ilang buwan nang huli. Pero heto lang naman talaga ang ginawa ko sa Galera trip. Ang akyatin ang maaakyat na bato. Umupo sa tuktok at panoorin ang mga papalapit na alon.
Ernan at 3:05 PM
7.12.2003
July 12, 2003 || 3:10 amKung papaanong laging salitang mura o bastos ang natutunan sa isang bagong wika. Bago pa man ang salitang kaibigan o pag-ibig o pagtulong, kapalaluhan ng wika ang inaatupag.
Mas madaling lumabas sa bibig ko ang mura kaysa sa salamat o mahal. Mas madulas sa dila ang gago at kumakayod naman ang papuri. Hindi ko alam kung bakit pero nakasanayan na ng lahat na huwag damdamin kung masabihan ng tarantado.
Napakaraming mura na ang pinagdaanan. Nahalo na sa araw-araw na pananalita at pamumuhay. Putsa, putsa nga ang pamagat ng blog na 'to. At bawat mura ay isang yugto sa pinagdaanan ko. May mga kuwento, mukha o pagkakataon na lumalabas kapag pinag-isipan ang salita.
Mula sa napakasimpleng tanga ng kabataan. Na nang mga panahong iyon ay nagbibigay kaba pa sa dibdib kapag sinabing, "isusumbong kita sa mommy mo, sabi mo tanga ako." At ang bentesingkong katumbas ng bawat Fuck You sa english class. Hindi ko namamalayan, napakarami ko na palang naimbak na pagmumura sa bokabularyo ko. Heto nga't itinala ko sa baba ang lahat ng naaalala:
tanga, gago, tarantado, shit, fuck, fuck you, pakinangshet, pakingshet, pakshet, tang ina, putang ina, sira ulo, letse, bal, balalu, tae mo, murit, tongek, tongengerts, taragis, putragis, damn you, damnit, dangit, darn, fudge, asshole, ass, bitch, butthole ka, walang hiya, bastard, jologs, estupido, stupid, dumb ass, putsa!
Ernan at 3:19 AM
7.10.2003
July 10, 2003 || 4:49 pmKagagaling ko lang sa pinakamalalang interview ko. Lahat ng mali sinabi ko. Isipin mo na lang si Spud sa Trainspotting noong naka-speed siya sa interview. Parang ganoon pero hindi naka-speed, antok. Mabilis na pagsambit — "I beg to disagree but I think you're targetting the B/C crowd as opposed to your A; they may aspire for A but it's still the B/C as opposed say to..." — babagal hihinto mag-iisip — "...uhm did I answer your question?" — kamot-ulo ngiting tanga — "...what's the question again?"
Parang kotseng start ng start at kadyot ng kadyot. Sa gitna ng isang pangungusap, hihinto bigla. Sasagutin ang tanong sa napakaraming halimbawa at matapos magsalita ng 1 minutong non-stop, babalik lang sa "Sorry...I forgot the question, what was it?" At roronda kami uli.
Hindi ko naman sinasadya na magkaganoon. Na pumalpak at pangit. Ngunit wala akong tulog kagabi at pinaghintay niya ako ng halos isang oras. Dala ang isang libro, nakabasa ako ng 114 pages habang naghihintay. Mainit ang hapon at ang gusto ko lang ay humiga. At matulog. Kaya inaantok. Kaya may pauses. Kaya wala akong pakialam. Basta matapos na lang.
Ibinasura ko ang lahat ng mga pasabi na always lead to concrete examples, never gripe about your old job, show them your a leader by recounting past projects, give problems and the measures you made to address them, etc etc. S halip, sa loob ng 30 minutos ay nasabi kong wala akong plano sa buhay, hindi ko alam ang gagawin ko, hindi ko naman talaga kailangan at gusto ang trabahong ibinibigay niya, wala akong kaalaman sa industry at field na kinabibilangan ng trabaho, nakuwento ko ang mga masasamang karanasan sa dating trabaho, at ang pinakamahalaga sa'kin ay ang poetry.
Bago ko namalayan, gumamit ako ng mga salitang nary, affectation, concurrence, boredom. Sino ang nagsasabi ng mga iyan sa interview? Sa una'y tinatama ko pa. Ngunit nakakatamad at inaantok ako. Sa pangalawang tanong niya'y, natuwa na ako sa pagkakamali. At lalong pinabuti ang pagsasalaysay ng mga maling bagay. Sasabihin ang unang pumasok, magtatanong ng kahit ano, kahit hindi kailangan gaya ng "how about religious communities?", magkukuwento, magkukuwento, magkukuwento, hanggang makalimutan ko na kung bakit ko kinukuwento in the first place.
Nang sa huli tinanong niya ako kung I want to grow with a company daw. Ngumiti ako. Napaisip. Hinawakan ang batok. Ngumiti uli. Sumagot ng "Yes". Ano pa ba ang masasabi ko kundi oo, ang rude ko naman kapag sabihin ko no. Kaya kumabig ako at "That's frankly speaking [pause] yes [pause] yes [nodding] I do and I'm not saying that because to get the job or anything." Haha!
Tawagan pa kaya nila ako uli? Ewan. Oks lang. Masarap pa naman ang buhay.
"I’m gonna make a mistake. I’m gonna do it on purpose. I’m gonna waste my time." Fiona Apple, A Mistake, When the pawn...
Ernan at 5:10 PM
7.09.2003
July 9, 2003 || 4:02 pmMay aleng sira-ulo na tumatambay sa harap ng Angelicum College. Dalawang estudyanteng babae na ang sinapak nito. Tumakbo silang luhaan. Ang isa'y naglalakad kasama ng kaniyang guro nang walang kaabog-abog lumapit ang loka-loka, inglasera pa man din, sinabing "you daughter of a bitch" at saka sinapak sa mukha ang dalaga. Malas na nga lang at ang kasama ng dalaga'y baklang guro. Hindi makaganti ng upak, tumili ang titser ng "ay loka-loka loka-loka!" at saka pinagpapalo ng payong ang sira-ulo habang tumatakbo papaalis.
Sinubukan nang minsan na pulutin siya ng mga barangay tanod ngunit nanlaban ito. Hindi ako magugulat kung isang araw basag ang ulo ng sira-ulong ale. Mabilis kung uminit ang ulo ng mga tinedyer at madaling bumuo ng resbak. Kahit sabihin na kulang-kulang siya, hindi ako maaawa sa kaniya. May pisi ang pasensiya at madali itong mapatid kung makikita mo ang isang luhaang 15 anyos na nanginginig sa takot at asar; naghihinaing, "kahit ang tatay ko hindi ako sinasapak, siya pa. Wala naman akong ginagawa."
Hindi na siya nakakatawa.
Ernan at 4:05 PM
7.07.2003
July 7, 2003 || 1:35 pmDapat may iba akong ginagawa ngunit nandito na naman ako sa harap ng computer. Nasasanay na akong buong maghapon at buong magdamag na naglalaro. Napakaganda kasing dahilan ng Ragnarok na dahilan para mag-procastinate. Eh ano ngayon kung walang natatapos, onemeanass Archer naman ako.
Katatapos ko lang nung weekend ang Harry Potter 5. At sumakit ang mata ko kasi wala akong libro, binabasa ko lang sa computer screen ko mula sa nagkalat na mga email forwards ng soft copy ng libro.
Hindi ako fan fan pero nag-enjoy ako sa libro. Sa katunayan, sa dami ng plot twists and hooks, hindi ako makatayo sa harap ng monitor ko. Natuwa ako sa development ng character ni Harry at cute si Cho. Pero na-disappoint ako sa ending. Lalo na sa parte ng ipinangakong pagkamatay. At ang mga kasunod na eksena noon.
Nang sa pagsulat ko kanina ng katatapos ko lang basahin ang Harry Potter 5, nahulo ko na ang dami ko palang libro na sabay-sabay na binabasa. Dati'y hindi ako makapaniwala sa mga taong ganyan, yung iba-iba ang binabasa ng sabay-sabay. Sabi ko'y mas mainam ang paias-isa muna. Nang maintindihan maigi, nang hindi nalilito.
Ngunit nagbago rin pala ako. A Heartbreaking Work of Staggering Genius - Dave Eggers, Death in Venice - Thomas Mann, A Pale View of the Hills - Kazuo Ishiguro, Where the Jackals Howl - Amos Oz, Ulysses - James Joyce, Labyrinths - Jorge Luis Borges. Iyan lahat ang binabasa. Ilan iyan? Anim. Ang dami. Hanggang ngayon, namamangha ako.
Magaling akong magpilit ng sarili magbasa. Kaya nga high school pa lang dalawang beses ko nang nabasa ang One Hundred Years of Solitude. Binasa ko dahil naghahanap ako ng sex scenes, kopya kasi nami'y Avon Books na ang cover ay isang babae't isang lalaking hubo't hubad na magkayakap. At ang pangalawang beses ay para intindihin na nang maayos ang libro.
Dahil kaya ko ngang pilitin ang sarili basahin kahit ang mga mahahabang diskurso ni Levin sa estado ng pagsasaka sa Ana Karenina, mula bata naitatak na sa'kin na dapat magbasa ng isang libro lang. Tapusin ang isa, bago pumunta sa isa.
Ngunit kapag marami-rami ka na rin palang librong nabasa, sa gitna ng pagbabasa, bigla maghahanap ka ng iba. Tipong kung seryoso ang binabasa ko, gusto ko naman ng fluff sa utak. At bago ko pa man pigilan, palipat-lipat na ako ng libro. Depende na sa mood. Kaya hayan, anim, anim! na libro ang binabasa sabay-sabay.
Hindi pa rin ako makapaniwala.
Ernan at 1:59 PM
7.04.2003
July 4, 2003 || 1:36 amNabanggit na ni Nietzsche at Kundera ang Myth of Eternal Return na naayon sa kabaliktaran nitong paglipas ng bawat sandali at hindi na, hindi na muling babalik.
Itinalaga na nila ang kabigatan sa walang katapusan na paguulit-ulit ng isang tagpo. Na kung ang isang tagpo ay mangyayari ng isang beses at isa pa at isa pa, napapako tayo sa pagkakataon. At ang simpleng akto ng pagkain ko ng Quarter Pounder and Cheese sa hapunan ay isang mabigat na suliranin sapagkat muli't muli akong kakain ng Quarter Pounder and Cheese. Na ang isang maliit na pagkakamali, ang sandaling pagbitak sa puso ng kapuwa o ng sarili ay uugong sa sangkatapusan.
Sa ganoon, ang kabaliktaran, ang katotohanan ay kaluwagan. Mga pagkakataong walang bigat, magaan. Walang saysay ang pagkain ko ng Quarter Pounder and Cheese sapagkat hindi na muli babalik ang gabing iyon at mabubura at matatakpan ng iba pang pagkakataon. Ang isang maliit na pagkakamali ay kaagad nang pinapatawad at hindi problema ang pagbitak ng isang puso. Sapagkat hindi na babalik. Wala na ang pagkakataon, lumipad na sa hangin ng oras, aagnasin ng panahon.
Ngunit nga ba? Nalilimot nga ba? Hindi yata.
Nabibingit tayo sa kabigatan at kaluwagan lagi. Kaluwagan sapagkat tunay ngang hindi na babalik ang pagkakaton. Hindi ko na muling malalasap ang Quarter Pounder and Cheese bilang hapunan sa mismong gabing iyon. Maari ngang malimot ang pagkakamali at mawala ang pagbitak ng puso. Ngunit ikaw, sa iyong sarili, makakalimutan mo ba?
Madugas at masalimuot ang alaala. Wala itong binabalewala. Lagi tayong pinapako sa isang ginawa natin mula noon. Pagsisihan natin ang pag-agaw sa kendi ng kalaro noon pa. O mumultuhin tayo ng isang pangongopya noong kabataan. O kahit paulit-ulit tayong pupukawin ng isang tingin ng pulubing hindi nilimusan. Sa iba't ibang pagkakataon, sa oras na inaasahan o hindi, sinusumpungan tayo ng alaala natin. Itinatala sa atin ang nakaraan. Wala mang ibang makaaalala, limutin man ng serbidora sa McDo, sigurado ako, naalala ko, isinantabi ang pagkakataon na pagkagat ko sa Quarter Pounder and Cheese isang hapunan. Handang multuhin ako isang araw.
Isang kabigatan na pasan-pasan natin na nagiging maari lang sa kaluwagan na hindi muling babalik.
Ernan at 1:30 AM
7.01.2003
July 1, 2003 || 4:22 pmNakakainis at ala-una ng tanghali na naman ako nagising. Wala tuloy akong magagawa buong araw. Nasira ang lahat ng plano.
Unang araw pa man din ng Hulyo at unang araw ng ikalawang bahagi ng taon.
Lagi na siyang may nakakabangga na kakilala. Parang sumikip ang mundo o sadya lang bang ganoon na karami ang nakatagpo niya sa buhay.
Minsan sa MRT, naka-usap niya ang isang kaklase, si Corazon. Noon lang niya napagtanto na naging kaklase niya ito mula elementarya, at kaparehas ng unibersidad sa kolehiyo. Ngunit nagulat siya na ni minsan hindi niya ito naging matalik na kaibigan. Halos 20 taon na silang magkakilala ngunit hindi talaga sila magkakilala. Kahit na noong pumasok sila sa kolehiyo, kahit tatlo lang sila mula sa high school nila.
Gaya ng mga magkakilala, nakipaghabulan sila sa kani-kanilang buhay, nag-balitaan. Nalaman niyang marami na rin palang kasal, may anak, at nag-migrate sa ibang bansa sa high school batch nila.
Pagkatapos ng pagkikita, binalikan ng isipan niya ang mga taong interesante na kilala niya.
Si Arlene.
Kababata at kalaro. Na lagi nang inaasar dahil ampon ng isang pamilyang intsik at may peklat sa mukha dahil naaksidente noong bata pa siya habang paakyat ng Baguio.
Pinaniwalaan naming nakikipag-usap sa multo at mga duwende. Inuto kaming lahat at bawat isa'y pinapulot ng buhay na bato. Ipinababad ang bato sa tubig ng isang araw at saka ipinatago sa pulang tela. Ipinalagay ito sa ilalim ng unan. Kapag natupad naming lahat ito, sinabi niyang magpapakita ang mga duwende.
Hawak-hawak namin ang bato at sabay-sabay kaming tumalon, sa paniniwalang makalilipad kami. Kinabukasan, sabi niya na bawat isa sa amin ay nanaginip ng mga duwende. Hindi raw iyon isang panaginip, napunta raw kami sa lupain ng mga duwende at lumipad kami. Wala kaming maalala sa panaginip namin. Naniwala naman kami.
Siya rin sa barkada ang nagmulat ng mata namin sa mga bastos na bagay. Ang unang nakipaghalikan. Ang unang nakipag-petting. Ang unang nakipagkantutan. At kinukuwento niya sa amin lahat. Kung masakit. Ano ang masarap. Mga tips. Hindi pa siya gradweyt ng high school noon ngunit pinagod na siya kaagad ng buhay.
May asawa't anak na siya ngayon. Nasa Laguna yata nakatira. Minsan, sana makapag-inuman kami uli.
Si Hans Michael Lim.
Kaklase ng high school. Naging kaklase ko lang siguro ng dalawang taon. L ang simula ng apelyido niya at ako nama'y M kaya't parehas ang moderator namin. Tahimik at mahiyain. Kapag nagsalita'y nauutal.
Hindi ko siya masyadong kakilala ngunit kapag sa isang kuwarto at nababato ako, siya ang isa sa mga tao na titignan ko, ang kumukuha sa interes ko.
Huli kong kita' sa kanya'y sa may bus sa Ayala. Ilang beses ko siyang nakasabay ngunit hindi ko siya binati. Siguro sa susunod kakaway na ako.
Si Sheryll.
Kaklase at kabarkada sa kolehiyo. Nagkakilala sa Heights at mahusay na manunulat sa Ingles. Unang tao na nakilala ko na nakapunta ng Africa. Masalimuot ang buhay. Kahit 24 a?os noo'y mukha pa rin siyang high school student.
Kausap sa mga gabi at sinasamahang magkape sa McDo kapag wala nang pera para bumili sa Cravings. Siya ang unang naalala kapag naririnig ang Pasko Na, Sinta Ko.
Nasa Cebu siya ngayon at inaalagaan si Mikey. Sana mabisita ko minsan at makapagkape kami uli.
Si Weng.
Resident loka-loka ng Heights. Karaniwang porma (dati) ay t-shirt, shorts at leather shoes (naka-medyas pa).
Sala sa lamig, sala sa init. Nagsusulat sa Pilipino at maramdamin. Isa sa mga huling kita nami'y sa loob ng sinehan. Magnolia. Papasok kami at siya palabas. Umiiyak siya nang makita niya kami. Sinamahan niya kami at pinanood ang Magnolia uli.
Ngayo'y nagtetext siya sa akin para itanong ang mga samu't saring bagay. Kung ano ba raw ang palabas sa Megamall. Ang nanalo sa tennis. Ang magandang kulay. Ngunit hindi pa kami nagkikita. Loko sa kaniya'y puta siya ng airport dahil translator siya para sa Air France. Malupit nga pala siyang mag-French. Dapat minsan sabay kami uli manood ng sine.
Si Jeline.
Ka-org at kaibigan. Nakilala sa Heights. Tumutula sa ingles. Naging malapit ako dahil nalaman kong kilala niya ang Smoke City at nagababasa siya ng Murakami. Iyon pa ang mga panahong mahirap hagilapin ang libro ni Murakami at hindi pa hip gawing background music ang bossa nova sa mga restawran, fashion show at bars.
Lalo pang nagiliw dahil magaling siyang kumanta. Natuwa at nakakita ng bata na kilala ang sarili, hindi mabuway ang desisyon. Kahit ayaw niyang paniwalaan ito minsan.
Sayang at ni minsan di ko siya nabisita sa Angelino's sa may Katipunan noong tumutugtog pa sila ni Aste doon. Kinakailangang mag-perform siya uli at makikinig ako sa kaniya. Magre-request ng mga kanta, Astrud Gilberto siyempre.
Bakit ganoon? Hindi ako naghahanap ng trabaho pero sila ang lumalapit.
Mukhang mabisa ang jobstreet dahil may dalawa na akong interview. At wala naman akong ina-applyan. Wala naman akong balak tanggapin ito kung sakali.
Pero pupuntahan ko pa rin ang interviews. Hindi mo alam ang maaring ihatid ng bawat pagkikita.
Nakalimutan ko palang batiin ang Ate ko ng Happy Birthday.
Birthday niya last week, di ko alam kung anong saktong araw, basta Hunyo, basta last week.
Happy Birthday.
Ernan at 5:31 PM