7.07.2003
July 7, 2003 || 1:35 pmDapat may iba akong ginagawa ngunit nandito na naman ako sa harap ng computer. Nasasanay na akong buong maghapon at buong magdamag na naglalaro. Napakaganda kasing dahilan ng Ragnarok na dahilan para mag-procastinate. Eh ano ngayon kung walang natatapos, onemeanass Archer naman ako.
Katatapos ko lang nung weekend ang Harry Potter 5. At sumakit ang mata ko kasi wala akong libro, binabasa ko lang sa computer screen ko mula sa nagkalat na mga email forwards ng soft copy ng libro.
Hindi ako fan fan pero nag-enjoy ako sa libro. Sa katunayan, sa dami ng plot twists and hooks, hindi ako makatayo sa harap ng monitor ko. Natuwa ako sa development ng character ni Harry at cute si Cho. Pero na-disappoint ako sa ending. Lalo na sa parte ng ipinangakong pagkamatay. At ang mga kasunod na eksena noon.
Nang sa pagsulat ko kanina ng katatapos ko lang basahin ang Harry Potter 5, nahulo ko na ang dami ko palang libro na sabay-sabay na binabasa. Dati'y hindi ako makapaniwala sa mga taong ganyan, yung iba-iba ang binabasa ng sabay-sabay. Sabi ko'y mas mainam ang paias-isa muna. Nang maintindihan maigi, nang hindi nalilito.
Ngunit nagbago rin pala ako. A Heartbreaking Work of Staggering Genius - Dave Eggers, Death in Venice - Thomas Mann, A Pale View of the Hills - Kazuo Ishiguro, Where the Jackals Howl - Amos Oz, Ulysses - James Joyce, Labyrinths - Jorge Luis Borges. Iyan lahat ang binabasa. Ilan iyan? Anim. Ang dami. Hanggang ngayon, namamangha ako.
Magaling akong magpilit ng sarili magbasa. Kaya nga high school pa lang dalawang beses ko nang nabasa ang One Hundred Years of Solitude. Binasa ko dahil naghahanap ako ng sex scenes, kopya kasi nami'y Avon Books na ang cover ay isang babae't isang lalaking hubo't hubad na magkayakap. At ang pangalawang beses ay para intindihin na nang maayos ang libro.
Dahil kaya ko ngang pilitin ang sarili basahin kahit ang mga mahahabang diskurso ni Levin sa estado ng pagsasaka sa Ana Karenina, mula bata naitatak na sa'kin na dapat magbasa ng isang libro lang. Tapusin ang isa, bago pumunta sa isa.
Ngunit kapag marami-rami ka na rin palang librong nabasa, sa gitna ng pagbabasa, bigla maghahanap ka ng iba. Tipong kung seryoso ang binabasa ko, gusto ko naman ng fluff sa utak. At bago ko pa man pigilan, palipat-lipat na ako ng libro. Depende na sa mood. Kaya hayan, anim, anim! na libro ang binabasa sabay-sabay.
Hindi pa rin ako makapaniwala.
Ernan at 1:59 PM