7.01.2003
July 1, 2003 || 4:22 pmNakakainis at ala-una ng tanghali na naman ako nagising. Wala tuloy akong magagawa buong araw. Nasira ang lahat ng plano.
Unang araw pa man din ng Hulyo at unang araw ng ikalawang bahagi ng taon.
Lagi na siyang may nakakabangga na kakilala. Parang sumikip ang mundo o sadya lang bang ganoon na karami ang nakatagpo niya sa buhay.
Minsan sa MRT, naka-usap niya ang isang kaklase, si Corazon. Noon lang niya napagtanto na naging kaklase niya ito mula elementarya, at kaparehas ng unibersidad sa kolehiyo. Ngunit nagulat siya na ni minsan hindi niya ito naging matalik na kaibigan. Halos 20 taon na silang magkakilala ngunit hindi talaga sila magkakilala. Kahit na noong pumasok sila sa kolehiyo, kahit tatlo lang sila mula sa high school nila.
Gaya ng mga magkakilala, nakipaghabulan sila sa kani-kanilang buhay, nag-balitaan. Nalaman niyang marami na rin palang kasal, may anak, at nag-migrate sa ibang bansa sa high school batch nila.
Pagkatapos ng pagkikita, binalikan ng isipan niya ang mga taong interesante na kilala niya.
Si Arlene.
Kababata at kalaro. Na lagi nang inaasar dahil ampon ng isang pamilyang intsik at may peklat sa mukha dahil naaksidente noong bata pa siya habang paakyat ng Baguio.
Pinaniwalaan naming nakikipag-usap sa multo at mga duwende. Inuto kaming lahat at bawat isa'y pinapulot ng buhay na bato. Ipinababad ang bato sa tubig ng isang araw at saka ipinatago sa pulang tela. Ipinalagay ito sa ilalim ng unan. Kapag natupad naming lahat ito, sinabi niyang magpapakita ang mga duwende.
Hawak-hawak namin ang bato at sabay-sabay kaming tumalon, sa paniniwalang makalilipad kami. Kinabukasan, sabi niya na bawat isa sa amin ay nanaginip ng mga duwende. Hindi raw iyon isang panaginip, napunta raw kami sa lupain ng mga duwende at lumipad kami. Wala kaming maalala sa panaginip namin. Naniwala naman kami.
Siya rin sa barkada ang nagmulat ng mata namin sa mga bastos na bagay. Ang unang nakipaghalikan. Ang unang nakipag-petting. Ang unang nakipagkantutan. At kinukuwento niya sa amin lahat. Kung masakit. Ano ang masarap. Mga tips. Hindi pa siya gradweyt ng high school noon ngunit pinagod na siya kaagad ng buhay.
May asawa't anak na siya ngayon. Nasa Laguna yata nakatira. Minsan, sana makapag-inuman kami uli.
Si Hans Michael Lim.
Kaklase ng high school. Naging kaklase ko lang siguro ng dalawang taon. L ang simula ng apelyido niya at ako nama'y M kaya't parehas ang moderator namin. Tahimik at mahiyain. Kapag nagsalita'y nauutal.
Hindi ko siya masyadong kakilala ngunit kapag sa isang kuwarto at nababato ako, siya ang isa sa mga tao na titignan ko, ang kumukuha sa interes ko.
Huli kong kita' sa kanya'y sa may bus sa Ayala. Ilang beses ko siyang nakasabay ngunit hindi ko siya binati. Siguro sa susunod kakaway na ako.
Si Sheryll.
Kaklase at kabarkada sa kolehiyo. Nagkakilala sa Heights at mahusay na manunulat sa Ingles. Unang tao na nakilala ko na nakapunta ng Africa. Masalimuot ang buhay. Kahit 24 a?os noo'y mukha pa rin siyang high school student.
Kausap sa mga gabi at sinasamahang magkape sa McDo kapag wala nang pera para bumili sa Cravings. Siya ang unang naalala kapag naririnig ang Pasko Na, Sinta Ko.
Nasa Cebu siya ngayon at inaalagaan si Mikey. Sana mabisita ko minsan at makapagkape kami uli.
Si Weng.
Resident loka-loka ng Heights. Karaniwang porma (dati) ay t-shirt, shorts at leather shoes (naka-medyas pa).
Sala sa lamig, sala sa init. Nagsusulat sa Pilipino at maramdamin. Isa sa mga huling kita nami'y sa loob ng sinehan. Magnolia. Papasok kami at siya palabas. Umiiyak siya nang makita niya kami. Sinamahan niya kami at pinanood ang Magnolia uli.
Ngayo'y nagtetext siya sa akin para itanong ang mga samu't saring bagay. Kung ano ba raw ang palabas sa Megamall. Ang nanalo sa tennis. Ang magandang kulay. Ngunit hindi pa kami nagkikita. Loko sa kaniya'y puta siya ng airport dahil translator siya para sa Air France. Malupit nga pala siyang mag-French. Dapat minsan sabay kami uli manood ng sine.
Si Jeline.
Ka-org at kaibigan. Nakilala sa Heights. Tumutula sa ingles. Naging malapit ako dahil nalaman kong kilala niya ang Smoke City at nagababasa siya ng Murakami. Iyon pa ang mga panahong mahirap hagilapin ang libro ni Murakami at hindi pa hip gawing background music ang bossa nova sa mga restawran, fashion show at bars.
Lalo pang nagiliw dahil magaling siyang kumanta. Natuwa at nakakita ng bata na kilala ang sarili, hindi mabuway ang desisyon. Kahit ayaw niyang paniwalaan ito minsan.
Sayang at ni minsan di ko siya nabisita sa Angelino's sa may Katipunan noong tumutugtog pa sila ni Aste doon. Kinakailangang mag-perform siya uli at makikinig ako sa kaniya. Magre-request ng mga kanta, Astrud Gilberto siyempre.
Bakit ganoon? Hindi ako naghahanap ng trabaho pero sila ang lumalapit.
Mukhang mabisa ang jobstreet dahil may dalawa na akong interview. At wala naman akong ina-applyan. Wala naman akong balak tanggapin ito kung sakali.
Pero pupuntahan ko pa rin ang interviews. Hindi mo alam ang maaring ihatid ng bawat pagkikita.
Nakalimutan ko palang batiin ang Ate ko ng Happy Birthday.
Birthday niya last week, di ko alam kung anong saktong araw, basta Hunyo, basta last week.
Happy Birthday.
Ernan at 5:31 PM