7.09.2003

July 9, 2003 || 4:02 pm


May aleng sira-ulo na tumatambay sa harap ng Angelicum College. Dalawang estudyanteng babae na ang sinapak nito. Tumakbo silang luhaan. Ang isa'y naglalakad kasama ng kaniyang guro nang walang kaabog-abog lumapit ang loka-loka, inglasera pa man din, sinabing "you daughter of a bitch" at saka sinapak sa mukha ang dalaga. Malas na nga lang at ang kasama ng dalaga'y baklang guro. Hindi makaganti ng upak, tumili ang titser ng "ay loka-loka loka-loka!" at saka pinagpapalo ng payong ang sira-ulo habang tumatakbo papaalis.

Sinubukan nang minsan na pulutin siya ng mga barangay tanod ngunit nanlaban ito. Hindi ako magugulat kung isang araw basag ang ulo ng sira-ulong ale. Mabilis kung uminit ang ulo ng mga tinedyer at madaling bumuo ng resbak. Kahit sabihin na kulang-kulang siya, hindi ako maaawa sa kaniya. May pisi ang pasensiya at madali itong mapatid kung makikita mo ang isang luhaang 15 anyos na nanginginig sa takot at asar; naghihinaing, "kahit ang tatay ko hindi ako sinasapak, siya pa. Wala naman akong ginagawa."

Hindi na siya nakakatawa.

Ernan at 4:05 PM

0   comments

0 Comments

Post a Comment