7.04.2003
July 4, 2003 || 1:36 amNabanggit na ni Nietzsche at Kundera ang Myth of Eternal Return na naayon sa kabaliktaran nitong paglipas ng bawat sandali at hindi na, hindi na muling babalik.
Itinalaga na nila ang kabigatan sa walang katapusan na paguulit-ulit ng isang tagpo. Na kung ang isang tagpo ay mangyayari ng isang beses at isa pa at isa pa, napapako tayo sa pagkakataon. At ang simpleng akto ng pagkain ko ng Quarter Pounder and Cheese sa hapunan ay isang mabigat na suliranin sapagkat muli't muli akong kakain ng Quarter Pounder and Cheese. Na ang isang maliit na pagkakamali, ang sandaling pagbitak sa puso ng kapuwa o ng sarili ay uugong sa sangkatapusan.
Sa ganoon, ang kabaliktaran, ang katotohanan ay kaluwagan. Mga pagkakataong walang bigat, magaan. Walang saysay ang pagkain ko ng Quarter Pounder and Cheese sapagkat hindi na muli babalik ang gabing iyon at mabubura at matatakpan ng iba pang pagkakataon. Ang isang maliit na pagkakamali ay kaagad nang pinapatawad at hindi problema ang pagbitak ng isang puso. Sapagkat hindi na babalik. Wala na ang pagkakataon, lumipad na sa hangin ng oras, aagnasin ng panahon.
Ngunit nga ba? Nalilimot nga ba? Hindi yata.
Nabibingit tayo sa kabigatan at kaluwagan lagi. Kaluwagan sapagkat tunay ngang hindi na babalik ang pagkakaton. Hindi ko na muling malalasap ang Quarter Pounder and Cheese bilang hapunan sa mismong gabing iyon. Maari ngang malimot ang pagkakamali at mawala ang pagbitak ng puso. Ngunit ikaw, sa iyong sarili, makakalimutan mo ba?
Madugas at masalimuot ang alaala. Wala itong binabalewala. Lagi tayong pinapako sa isang ginawa natin mula noon. Pagsisihan natin ang pag-agaw sa kendi ng kalaro noon pa. O mumultuhin tayo ng isang pangongopya noong kabataan. O kahit paulit-ulit tayong pupukawin ng isang tingin ng pulubing hindi nilimusan. Sa iba't ibang pagkakataon, sa oras na inaasahan o hindi, sinusumpungan tayo ng alaala natin. Itinatala sa atin ang nakaraan. Wala mang ibang makaaalala, limutin man ng serbidora sa McDo, sigurado ako, naalala ko, isinantabi ang pagkakataon na pagkagat ko sa Quarter Pounder and Cheese isang hapunan. Handang multuhin ako isang araw.
Isang kabigatan na pasan-pasan natin na nagiging maari lang sa kaluwagan na hindi muling babalik.
Ernan at 1:30 AM