7.25.2003

July 25, 2003 || 1:51 am


"Mete na pala y Apong Biring nandin," simpleng sambit ni Mommy para ipaalam sa amin na namatay na si Lola Biring. Kumakain ako at nanonood naman ang tatay ko ng Laban o Bawi ng Eat Bulaga.

"Huh? Kapilan?," tanging tanong ng tatay ko.

"Nandin pin. Alas-onse ka'no."

"Uwi tayo mamaya," at nag-ayos ng upo ang tatay ko. Samantalang tuloy lang ako sa kain ko. Matinik ang isda.

Hindi ko talaga lola si Apong Biring. Dati namin siyang cook at ilang taon ring namasukan sa amin. Sa tagal, hindi na cook ang turing namin, kapamilya na. Tuwing uuwi kami ng Magalang, sinisigurado naming bisitahin siya. Kadalasa'y may dala pa kaming pasalubong. At pagkagaling namin sa kanila, lagi kaming may bitbit pauwi ng kung anu-ano. Minsan isang kaing ng saging, dalawang balde ng kaimito, isang sakong santol, karton ng pastilyas, o simpleng luto niya na nilaga o pinakbet.

Nakakagulat pa ang pagkamatay niya dahil wala siyang sakit na malubha. Rayuma at sakit ng likod ang lagi niyang daing, mga sakit na kasabay ng pagtanda. Naaksidente pala siya at nabagok an ulo. Itinakbo siya sa ospital ng anak niyang si Kuya Bong at kinailangang tahiin ang ulo. Doon bumigay ang katawan niya.

Hindi nagparamdam si Apong Biring. Siguro siya ma'y nagulat sa sariling kamatayan. Bagkus, isang tawag ang natanggap ni Mommy kay Kuya Bong para ipaalam na pumanaw na si Apong Biring ilang oras na ang nakalipas. Hindi raw nakapagpaalam kaagad kasi walang signal sa ospital.

At nadatnan nga ako ni Mommy na nanananghalian at si Daddy nama'y nakaharap sa TV. Walang humagulgol sa amin. O pumalahaw. Walang hinimatay. Bumagsak lang ang aming mga mukha. Huminto saglit bago nagsalita. Nagkapatlang sa ere ng sansaglit, wala pang segundo. Naroroon ang aming kalungkutan. Hindi sa tagal, hindi sa hikbi, nasusukat ang lungkot.

Matapos ipaalam sa amin, umalis na si Mommy. Pinanood ni Daddy na lumaban ang isang ale, bokya ang labas. Hinimay-himay kong mabuti ang ulam. Matinik ang isda.

Ernan at 3:22 AM

0   comments

0 Comments

Post a Comment