7.28.2003

July 28, 2003 || 2:07 am


Nong isang gabi lang sa Eastwood nagbubulung-bulungan na ang tao. Patakang nagtatanong kung totoong mayroon ngang coup. Naka-red alert nga ba talaga ang Malacañan? Dahil mga bata, wala gaanong nakikinig ng balita kaya't saan paraan pa makokonpirma ang haka-haka—panaka-nakang text na nagsasabing mag-ingat o umuwi na dahil ngang may nagbabantang coup at may prayer rally sa EDSA shrine. Na naman?

Na naman. Ngunit walang nabahala. O kung meron man, di ko nahalata. Dahil hanggang lumalim ang gabi'y patuloy ang kasiyahan. War is coming, party harder.

Alas-singko na ng madaling araw na nang malaman na may mga nagtanim ng bomba sa Glorietta at mga junior officers ng militar ang may pakana. Natulog akong nasa isip na sana kapag nasira ang Glorietta at ayusin muli nang mga Ayala, baka naman puwedeng isama na nila ang mga sinehan nila na bulok.

Tanghali na nang magising ako at narinig ko ang buong kuwento. Hindi raw coup ngunit isang sigaw para mailabas ang hinaing. Walang ibang hiling kundi ang reporma. Maginoo nilang pinalipat ang mga tao sa Eastwood. Ipinabababa sa puwesto si Reyes, nagbebenta daw ito di-umano ng mga armas sa mga terorista.

Natulog uli ako ng hapon. Ano pa nga ba? Batugan ako, hayaan na silang magkagulo. Inaantok ako. At sa paggising ng mga alas-diyes o alas-onse, iniinit ko ang ulam at iniinit din ang tenga ko ng balitang sumuko na ang mga sundalo. Kaagad? Iyon lang naman daw ang kahilingan nila, ang marinig sila. Sabi pa ni Ltsg. Trillanes, ang isa sa liderato ng tinatawag na rebelde (at ang makulit na dagdag ng nanay ko lagi kapag nakikita siya, "gumradweyt 'yan ng Angelicum" -- ka-batch kaya niya si Bernadette Sembrano? kung oo, sana sumulat na lang siya sa Wish Ko Lang), na the people has chosen their path at they deserve the government. Hindi rin daw silang umaasa na bababa si Reyes o tutuparin ng pamahalaan ang hinaing nila.

Mukha nga talagang gusto lang nilang maglabas ng sama ng loob. Ngunit hindi siyempre mawawala ang mga bali-balitang ma bahid politika pa rin ito. Sa tono ni Trillanes, hindi ako magtatako kung tatakbo siya. Lalo pa't sinabi niyang nag-iisip na siya sa ikalawa niyang propesyon. Nasangkot din ang pangalan nina Enrile, Honassan at Erap.

Ano pa man ang dahilan ng mga nag-take over ng Oakwood, gusto kong maniwala na sa mabuti nila ito ginawa. Kahit may mga caution na baka phase I lang ito ng magarbong campaign ng isang political megalomaniac na tao. Isa lang ang maliwanag para sa akin ngayon, matagal na namang nabubulok ang sandaliang administrasyong Arroyo. Ngayon, mapipilitan silang kalkalin ito. Basura o katiwalian ang matagpuan, mabuti na ang sigurado.

At kung ang mga rebeldeng sundalo'y ninais lamang ipaalam ang hinaing nila. Sila pa rin ang nagwagi.

Ernan at 3:04 AM

0   comments

0 Comments

Post a Comment