10.29.2003
October 29, 2003 || 3:01 amMay palaisipang moral na gumagambala sa akin. Tignan ang kaso ng isang Adolf Hitler o Mahatma Gandhi sa mga alternatibong takbo ng buhay. Mga hypotheses lamang, pangkukunwari.
1) Sabihin nating si Adolf Hitler ay mabait noong kabataan niya. Huwaran at walang hinangad kundi kabutihan. Tumutulong sa mga nangangailangan, nangangalaga ng hayop, kumbaga mala-santo. Ngunit sa huling tagpo ng kanyang buhay, may bumigay at siya ang punong dahilan kung bakit namatay at naghirap ang milyun-milyong hudyo.
2) Sabihin nating si Mahatma Gandhi ay ang kabaliktaran ni Adolf Hitler. Masama noong kabataan. Lahat ng luho ay alam. Makamundo, puno ng galit at sidhi sa kapuwa't mundo. Ngunit sa huling tagpo ng kanyang buhay, may bumigay at siya ay naging lubos na mabuti at mala-santo.
Ang tanong ko ngayo'y sino sa kanila ang masasabi mong mabuting tao? Si Adolf Hitler ba o si Mahatma Gandhi? O wala? O parehas sila?
Ang isang tagpo ba ng buhay ay sapat na para mabago ang pagkatao mo? Dapat ang husgahan ang tao sa isang tagpo, sa isang aksiyon, sa isang pagkakataon?
Hindi naman yata makatarungan na sabihing masama si Adolf at mabuti si Mahatma. Ngunit hindi rin maaawas ang bigat ng nagawa ni Adolf at ang mabuting naidulot ni Mahatma. Kung gayon, ang huling tagpo lamang ba ang pagtutuunan ng pansin? Paano ang simula. Hindi man lang ba iyon papansinin?
Walang absoluto. At palagay ko'y nasa paniniwala na ng tao kung sino ang sasabihin niyang masama. O sa pagpapahalaga niya. Na kung naniniwala ka sa kabutihan ng bawat isa, mabuti silang dalawa.
Tulad ng paniniwala ko. Na papanigan ko ang kabutihan sa kanila at hindi ang kasamaan. Hindi isasawalang bahala ang kasamaan ngunit tignan ang potensyal at magtiwala sa kabutihan sa buod ng pagkatao natin.
Na ang kaligtasan ay makakamit lang kung ang bawat isa sa ati'y ligtas. Na higit sa pagkapantay-pantay ng bawat isa, nakatali tayong lahat sa isa't isa. Nakabigkis. Isang komunidad. Isang mundo. Isang kapatiran. Ang tunay at ganap na kasiyahan ay makakamit lamang kung ang lahat ay masaya.
Sa kahuli-hulihan, ang ako'y mapapalitan ng tayo. Ako'y ikaw din. Ikaw ay tayo. Ganap na pagkakakilala. At pati ang Diyos ay katuwang natin. Siya ang nagbibigkis sa ating lahat.
Ernan at 3:01 AM
10.26.2003
October 26, 2003 || 11:19 amMadalas ako mawalan ng gamit. Kadalasan kasi wala ang isip ko sa mga hawak na bagay kaya di ko alam kung ano na ang nadadampot ko o kung saan ko na naiiwan.
Bolpen. Lapis. Notebook. Barya. Tissue. Gunting. Wallet. CD. Cellphone. Flashlight. Stapler. Lahat na yata e naiwala ko. Basta mabubuhat at mabibitbit.
Ilang beses ko nang sinubukang maging masinop. Ngunit walang ubra. Kahit gaano ako maglinis at magpataw ng sistema, walang nangyayari. Hindi ang pagiging maayos ang kasagutan. Ang ugat kasi e ang lumulutang-lutang na isipan. Maayos nga ang lalagyan. Kapag magsusulat alam ko kung saan pupunta para makakuha ng bolpen. Dadamputin ko at kapag hawak ko na, iba na ang tuon ng isipan. Hindi ko namamalayan, maya-maya, nailapag ko na kung saan. Sa stove, sa lalagyan ng brip, sa ibabaw ng stereo, naisingit ko sa keyboard, sa tabi ng telepono, sa bulsa ng shorts. Maari rin namang habang nag-iisip o iba ang ginagawa, mapapadaan ako sa desk ko at di mamalayang may dadamputin ako. Paglalaruan ko pa iyon bago ko ilalapag kung saan-saan uli.
Ganyan kadali sa akin mawala ang mga gamit. Kaya nga natututunan ko nang mawalan. Isasawalang-kibit na lang at sasambit ng standard na mura habang hinahanap ang mga ito. Minsan nahahanap. O gaya ng wallet ko at isang journal, hindi pa rin. O hindi na talaga.
Ngunit kahit ganito, paulit-ulit pa rin akong tinatamaan ng gulat at lumbay kapag naiisip ang isang bagay na talagang nawawala sa atin. At walang pag-asa nating maibalik. Ang segundo, minuto, oras. Unti-unti tayong pinipingas at hindi natin namamalayan. Kadalasan, wala ang tuon ng isip natin doon. Kung maari nga, tatalikuran natin ang katotohanang iyon.
Hindi ako masanay-sanay. Naglalakad sa lansangan o nakaupo sa opisina, maiisip na lang na unti-unting nawawaglit sa akin ang oras. Susulpot, nasaan ako ngayon at ano ang ginagawa ko? Sinusulit ko ba ang oras? Laging walang kasagutan.
Hanggang Mayo.
Ernan at 11:08 AM
10.23.2003
October 23, 2003 || 3:15 amAng pinakamahirap sa lahat ay ang magpaalam. Lalo kung hindi inaasahan, biglaang pamamaalam.
Nakatanggap ako ng text message kagabi mula kay Ramon. Sabi, "Elliott Smith killed himself."
Banggit ng mga balita, sinaksak niya ang sarili sa dibdib. Gaano kalubha kaya ang lungkot na nadama niya? Isang saksak sa dibdib. Isa lang. Sapat na para kitilin ang buhay. Ganoon kalalim. Ganoon kasakit.
Sa palagay ko, ang lalim ng iwa niya sa dibdib ay ganoon ang lalim din ng iwa at pitak sa mundo ng musika ngayon. Isa siyang mahusay na manlilikha. Ngayon lang ako nalungkot nang ganito para sa pagkawala ng taong hindi ko pa nakikita ng harapan. Ngunit ang mga likha niya'y personal kong kilala. Kaakbay sa malalamig na gabi, kausap sa mga tahimik na umaga.
Paalam Elliott Smith.
"Next door the tv’s flashing
Blue frames on the wall
It’s a comedy of errors, you see
It’s about taking a fall
To vanish into oblivion
Is easy to do
And I try to be but you know me
I come back when you want me to
Do you miss me miss misery
Like you say you do?"
Kahapon din nang mabalitaan ko na nakunan si Joyce na nobya ni Jon. Kahit hindi ko sila talagang kilala, nakikiramay ako. Dalawang buwan pa lang sa tiyan ang bata at bumitiw na ito sa buhay.
Leave-Taking
Ma. Luisa Igloria
Child
Your name dies
Upon my lips
As though the very air
Had taken its
Substance.
Henceforth
No one
Shall say it
Except in pained
Whispers,
Or when a census is taken
And we who live
Must account
For this moment
When you
Are severed from me
Forever.
Ernan at 3:03 AM
10.20.2003
October 20, 2003 || 4:51 pmMarami na ang pumupuna na marami akong sapatos. Hindi ko namamalayan, lampas sampu na ang bilang ng mga ito. Puwede nang magsuot ng sapatos ang bawat daliri ko sa paa at may sobra pa.
Ang totoo'y hindi naman talaga ako mahilig sa sapatos. Nagkataon lang na nagagamit ko pa ang mga sapatos ko mula noong 1st year college pa ako. Oo, may dalawa pa akong sapatos na buhay pa (bagkus gusgusin) na una kong ipinangapak sa shooting range ng ARPT at mga klase sa Gonzaga.
Bukod doon, ang mga lalaki sa pamilya nami'y halos magkakasinlaki ng paa. (Nakakatawa nga na ang pinakabata pa sa amin ang may pinakamalaki ang paa.) Kaya't mayroon kaming mga sapatos na panglahat. Kadalasan ama ko ang bumibili ng mga sapatos na iyon. Sa kanya ang mga sapatos na iyon pero nagkakaintindihan na kami na puwede naming gamitin ang mga iyon, hindi off limits at walang paalam na kailangan.
Kung sinuma mo nga ang mga iyon, marami akong sapatos at hindi ko makakaila iyon. Rubber shoes at sneakers pa lang ata'y may mga 7 na yata akong puwedeng gamitin.
Kaya nga nag-aalinlangan akong bumili ng bagong sneakers. Kahit hindi gaanong kamahalan, andami ko kasing magagamit pa at isa pa nawala ko ang cellphone ko sa katangahan. Kaya tintipid ko ang sarili bilang kaparusahan.
May minamataan kasi akong Converse na Chucks sa may Cinderella sa Megamall. Oo, oo Chucks na naman. Sa buong buhay ko yata, anim na ang naging Chucks ko. Ang una'y asul na high cut, pulang high cut, itim na low cut, asul na low cut, pula na low cut, at isang berdeng low cut. Ngunit iba ito, kulay tinubigan na lupa at temang balat ang dating. P1,800 siya at madalas kapag napapadaan akong Megamall, binibisita ko at sinusukat ang guilt sa sarili. Impulse buyer kasi ako.
Matapos bilhin ang mga kailangan, siyempre pa, dinaanan ko ang sapatos. Sale e. Naisip-isip ko kahit 20% o 10% off, makakamura pa rin ako ng kulang-kulang dalawang daan. Ayos na iyon. Sapat na iyon para humupa ang guilt ko.
Huwebes lang ako ng huling dumaan uli para silipin ang sapatos, isang araw bago ang 3-day sale. Hindi natinag sa presyong P1,800 ang sapatos. Kaya laking gulat ko ng lapitan ko ang sapatos, P1,980 na ang presyo. Puta, akala ko sale. Mas nagmahal pa. Anong katarantaduhan 'to.
Tinignan ko ang pulang karatulang nakapaskil na nag-aanunsiyo kung ilang porsyente ang iaawas. 10% ang sigaw nito. Ay putsa, ang 10% off ng P,1980 ay P1,800. Madugas. Itinaas nila ang presyo at nugkanwaring may awas para kunyaring nakakatipid ang mga tao. Pero ang totoo, walang nagbago sa presyo. Sale man o hindi.
Isang malaking kahungkagan ang sale. Hindi na ako uli maniniwala. Isa pa, walang kuwenta ang mga libro na nasa sale bin box ng National at Goodwill.
Ernan at 4:40 PM
10.16.2003
October 16, 2003 || 1:11 amNapagod na ako.
Naririto na naman ako at kasa-kasama ko si Astrud at David na binubuno ang mahabang gabi. Ang tumigil at umupo lang, nakatanghod sa wala sa paligid.
Inihihinga ang loob at pinaluluwag ang puso. Humihilig paminsan-minsan sa di na gaanong malamig na pader. Isinasawalang bahala ang lahat.
Ang mahalaga ay ang ngayon. Na walang inaaalala. Na walang lubhang iniisip. O dinaramdam.
Tila sinasabi, "Gusto kong mawala. Huwag niyo akong hanapin."
Matagal na ang panahon na hindi ako nakakapagsulat. Minsan may dumarating, manaka-naka. Wala na ang regularidad ng dati.
Higit sa ganda ng salita o tuwa sa pagbuo, namimiss ko ang pagtingin. Ang tignan ang mundo at buhay sa ibang mata. Hindi lamang isang nakikisalamuha kundi'y isang tumutugon din.
Na pansinin ang mga bagay at mabatid na may iba itong hatid. Na lampasan ang hetong nandirito at umabot kung saanman doon.
Sana parehas naming matagpuan ang isa't isa ngayong gabi, ngayong araw.
Ernan at 1:00 AM
10.07.2003
October 7, 2003 || 11:01 ppmKapag dumating nga naman ang trabaho dagsa. Kinukutuban na akong walang tulog hanggang isang linggo.
Higit pa kung ang nakiipag-usap sa kliyente'y pulpol. Ang binobosing bosing mo, dapat tirisin. Todo postura kung mangako at ikaw ang gigipitin. Wala ka namang ibang masasandalan o mababalingan dahil sa'yo rin naman lalagapak ang lahat.
Hirap sa gobiyerno. Iba talaga ang ma pulitko. Sila-sila na lang nagbobolohan. Lusutan ng lusutan. Mga gunggong na nagmamarunong.
Kultura na talaga nila ang mangako at ipapapako ka. Hindi lang pala sa eleksiyon uso iyon. Inaagahan at pinangkukumot nila ang maninipis na pangako sa gabi.
Isa pa ang paggamit ng superlatibo. Lahat na lang to the max. Kung umasta akala mo buong Pilipinas ang babaguhin. Walang simpleng good job or nice. Lahat wonderful at the bestest. Ang papuri'y umaabot hanggang langit sa haba. Ngunit kapag inusyoso mo, naknampating, buti kung umangat sa nguso ng putikan ang kagandahan at kaayusan.
Buhutan ng buhatan ng bangko. Tawagan ng tawagan. Lahat idinaraan sa byuratiko at palakasan. Kung sinu-sino ang kakausapin, kung saan-saan ka ipapasa. Ka-simpleng bagay, palalakahin. Tuliro ka kapag labas at di mo na alam ang puwet mo sa noo.
Di ka maka-alma dahil lahat ng kausap mo opisyales. Aba, sino ka? simpleng mamayan lang naman na dapat nilang pinagsisilbihan. Na nakikibola-bola na rin. Hala, talbog. Hala, gulong.
Ernan at 10:50 PM
10.03.2003
October 3, 2003 || 10:45 amNapasadahan ko na ang ganitong sentimyento dati. Inuulit ko lang.
Galing sa opisina'y naglalakad ako sa Ortigas. May pumuna na madilim na pero maaga pa naman. May nagsabing malapit na kasi ang Disyembre. Maagang lumalatag ang dilim ngunit wala pa rin ang kagat ng lamig.
Kasing dilim ng paligid ang takbo ng utak. Kasing tayog ng mga gusali ang nililipad ng isip. Tumatawid ako ng kalye at tumatawid din ang isipan.
Kinakailangan ko ng hangganan. Hindi ako makagalaw kung bibitiwan at iiwan mo ako sa isang malaking espasyo. Walang mangyayari sa akin. Malulunod ako ng lahat.
Sumisisirit sa isip ang isang episode sa Evangelion. Kung saan tinatalakay niya ang freedom. Kung saan sa kawalan hindi maintindihan ni Shinji ang gagawin. Ngunit nang siya' binigyan ng hangganan, ng isang lupang matatapakan, nagkaroon ng kabuluhan kahit papaano. Natuto siyang lumakad. Natuto siyang tumakbo. Natuto siyang tumalon.
Paniniwala ko'y existenz na ayon kay Jaspers. Isang hangganan na hindi pumipigil ngunit nagpapayabong.
Naisulat ko na nga noon:
"Lahat maaring mangyari. Sa harap ng napakaraming posibilidad para na ring walang posibilidad." (20 Mar 99)
Nakahiga sa sahig at iniisip iyan. Nakahiga sa sahig para may makapitan.
Ernan at 10:32 AM