10.26.2003

October 26, 2003 || 11:19 am


Madalas ako mawalan ng gamit. Kadalasan kasi wala ang isip ko sa mga hawak na bagay kaya di ko alam kung ano na ang nadadampot ko o kung saan ko na naiiwan.

Bolpen. Lapis. Notebook. Barya. Tissue. Gunting. Wallet. CD. Cellphone. Flashlight. Stapler. Lahat na yata e naiwala ko. Basta mabubuhat at mabibitbit.

Ilang beses ko nang sinubukang maging masinop. Ngunit walang ubra. Kahit gaano ako maglinis at magpataw ng sistema, walang nangyayari. Hindi ang pagiging maayos ang kasagutan. Ang ugat kasi e ang lumulutang-lutang na isipan. Maayos nga ang lalagyan. Kapag magsusulat alam ko kung saan pupunta para makakuha ng bolpen. Dadamputin ko at kapag hawak ko na, iba na ang tuon ng isipan. Hindi ko namamalayan, maya-maya, nailapag ko na kung saan. Sa stove, sa lalagyan ng brip, sa ibabaw ng stereo, naisingit ko sa keyboard, sa tabi ng telepono, sa bulsa ng shorts. Maari rin namang habang nag-iisip o iba ang ginagawa, mapapadaan ako sa desk ko at di mamalayang may dadamputin ako. Paglalaruan ko pa iyon bago ko ilalapag kung saan-saan uli.

Ganyan kadali sa akin mawala ang mga gamit. Kaya nga natututunan ko nang mawalan. Isasawalang-kibit na lang at sasambit ng standard na mura habang hinahanap ang mga ito. Minsan nahahanap. O gaya ng wallet ko at isang journal, hindi pa rin. O hindi na talaga.

Ngunit kahit ganito, paulit-ulit pa rin akong tinatamaan ng gulat at lumbay kapag naiisip ang isang bagay na talagang nawawala sa atin. At walang pag-asa nating maibalik. Ang segundo, minuto, oras. Unti-unti tayong pinipingas at hindi natin namamalayan. Kadalasan, wala ang tuon ng isip natin doon. Kung maari nga, tatalikuran natin ang katotohanang iyon.

Hindi ako masanay-sanay. Naglalakad sa lansangan o nakaupo sa opisina, maiisip na lang na unti-unting nawawaglit sa akin ang oras. Susulpot, nasaan ako ngayon at ano ang ginagawa ko? Sinusulit ko ba ang oras? Laging walang kasagutan.

Hanggang Mayo.

Ernan at 11:08 AM

0   comments

0 Comments

Post a Comment