10.20.2003
October 20, 2003 || 4:51 pmMarami na ang pumupuna na marami akong sapatos. Hindi ko namamalayan, lampas sampu na ang bilang ng mga ito. Puwede nang magsuot ng sapatos ang bawat daliri ko sa paa at may sobra pa.
Ang totoo'y hindi naman talaga ako mahilig sa sapatos. Nagkataon lang na nagagamit ko pa ang mga sapatos ko mula noong 1st year college pa ako. Oo, may dalawa pa akong sapatos na buhay pa (bagkus gusgusin) na una kong ipinangapak sa shooting range ng ARPT at mga klase sa Gonzaga.
Bukod doon, ang mga lalaki sa pamilya nami'y halos magkakasinlaki ng paa. (Nakakatawa nga na ang pinakabata pa sa amin ang may pinakamalaki ang paa.) Kaya't mayroon kaming mga sapatos na panglahat. Kadalasan ama ko ang bumibili ng mga sapatos na iyon. Sa kanya ang mga sapatos na iyon pero nagkakaintindihan na kami na puwede naming gamitin ang mga iyon, hindi off limits at walang paalam na kailangan.
Kung sinuma mo nga ang mga iyon, marami akong sapatos at hindi ko makakaila iyon. Rubber shoes at sneakers pa lang ata'y may mga 7 na yata akong puwedeng gamitin.
Kaya nga nag-aalinlangan akong bumili ng bagong sneakers. Kahit hindi gaanong kamahalan, andami ko kasing magagamit pa at isa pa nawala ko ang cellphone ko sa katangahan. Kaya tintipid ko ang sarili bilang kaparusahan.
May minamataan kasi akong Converse na Chucks sa may Cinderella sa Megamall. Oo, oo Chucks na naman. Sa buong buhay ko yata, anim na ang naging Chucks ko. Ang una'y asul na high cut, pulang high cut, itim na low cut, asul na low cut, pula na low cut, at isang berdeng low cut. Ngunit iba ito, kulay tinubigan na lupa at temang balat ang dating. P1,800 siya at madalas kapag napapadaan akong Megamall, binibisita ko at sinusukat ang guilt sa sarili. Impulse buyer kasi ako.
Matapos bilhin ang mga kailangan, siyempre pa, dinaanan ko ang sapatos. Sale e. Naisip-isip ko kahit 20% o 10% off, makakamura pa rin ako ng kulang-kulang dalawang daan. Ayos na iyon. Sapat na iyon para humupa ang guilt ko.
Huwebes lang ako ng huling dumaan uli para silipin ang sapatos, isang araw bago ang 3-day sale. Hindi natinag sa presyong P1,800 ang sapatos. Kaya laking gulat ko ng lapitan ko ang sapatos, P1,980 na ang presyo. Puta, akala ko sale. Mas nagmahal pa. Anong katarantaduhan 'to.
Tinignan ko ang pulang karatulang nakapaskil na nag-aanunsiyo kung ilang porsyente ang iaawas. 10% ang sigaw nito. Ay putsa, ang 10% off ng P,1980 ay P1,800. Madugas. Itinaas nila ang presyo at nugkanwaring may awas para kunyaring nakakatipid ang mga tao. Pero ang totoo, walang nagbago sa presyo. Sale man o hindi.
Isang malaking kahungkagan ang sale. Hindi na ako uli maniniwala. Isa pa, walang kuwenta ang mga libro na nasa sale bin box ng National at Goodwill.
Ernan at 4:40 PM