10.29.2003

October 29, 2003 || 3:01 am


May palaisipang moral na gumagambala sa akin. Tignan ang kaso ng isang Adolf Hitler o Mahatma Gandhi sa mga alternatibong takbo ng buhay. Mga hypotheses lamang, pangkukunwari.

1) Sabihin nating si Adolf Hitler ay mabait noong kabataan niya. Huwaran at walang hinangad kundi kabutihan. Tumutulong sa mga nangangailangan, nangangalaga ng hayop, kumbaga mala-santo. Ngunit sa huling tagpo ng kanyang buhay, may bumigay at siya ang punong dahilan kung bakit namatay at naghirap ang milyun-milyong hudyo.

2) Sabihin nating si Mahatma Gandhi ay ang kabaliktaran ni Adolf Hitler. Masama noong kabataan. Lahat ng luho ay alam. Makamundo, puno ng galit at sidhi sa kapuwa't mundo. Ngunit sa huling tagpo ng kanyang buhay, may bumigay at siya ay naging lubos na mabuti at mala-santo.

Ang tanong ko ngayo'y sino sa kanila ang masasabi mong mabuting tao? Si Adolf Hitler ba o si Mahatma Gandhi? O wala? O parehas sila?

Ang isang tagpo ba ng buhay ay sapat na para mabago ang pagkatao mo? Dapat ang husgahan ang tao sa isang tagpo, sa isang aksiyon, sa isang pagkakataon?

Hindi naman yata makatarungan na sabihing masama si Adolf at mabuti si Mahatma. Ngunit hindi rin maaawas ang bigat ng nagawa ni Adolf at ang mabuting naidulot ni Mahatma. Kung gayon, ang huling tagpo lamang ba ang pagtutuunan ng pansin? Paano ang simula. Hindi man lang ba iyon papansinin?

Walang absoluto. At palagay ko'y nasa paniniwala na ng tao kung sino ang sasabihin niyang masama. O sa pagpapahalaga niya. Na kung naniniwala ka sa kabutihan ng bawat isa, mabuti silang dalawa.

Tulad ng paniniwala ko. Na papanigan ko ang kabutihan sa kanila at hindi ang kasamaan. Hindi isasawalang bahala ang kasamaan ngunit tignan ang potensyal at magtiwala sa kabutihan sa buod ng pagkatao natin.

Na ang kaligtasan ay makakamit lang kung ang bawat isa sa ati'y ligtas. Na higit sa pagkapantay-pantay ng bawat isa, nakatali tayong lahat sa isa't isa. Nakabigkis. Isang komunidad. Isang mundo. Isang kapatiran. Ang tunay at ganap na kasiyahan ay makakamit lamang kung ang lahat ay masaya.

Sa kahuli-hulihan, ang ako'y mapapalitan ng tayo. Ako'y ikaw din. Ikaw ay tayo. Ganap na pagkakakilala. At pati ang Diyos ay katuwang natin. Siya ang nagbibigkis sa ating lahat.

Ernan at 3:01 AM

0   comments

0 Comments

Post a Comment