10.03.2003
October 3, 2003 || 10:45 amNapasadahan ko na ang ganitong sentimyento dati. Inuulit ko lang.
Galing sa opisina'y naglalakad ako sa Ortigas. May pumuna na madilim na pero maaga pa naman. May nagsabing malapit na kasi ang Disyembre. Maagang lumalatag ang dilim ngunit wala pa rin ang kagat ng lamig.
Kasing dilim ng paligid ang takbo ng utak. Kasing tayog ng mga gusali ang nililipad ng isip. Tumatawid ako ng kalye at tumatawid din ang isipan.
Kinakailangan ko ng hangganan. Hindi ako makagalaw kung bibitiwan at iiwan mo ako sa isang malaking espasyo. Walang mangyayari sa akin. Malulunod ako ng lahat.
Sumisisirit sa isip ang isang episode sa Evangelion. Kung saan tinatalakay niya ang freedom. Kung saan sa kawalan hindi maintindihan ni Shinji ang gagawin. Ngunit nang siya' binigyan ng hangganan, ng isang lupang matatapakan, nagkaroon ng kabuluhan kahit papaano. Natuto siyang lumakad. Natuto siyang tumakbo. Natuto siyang tumalon.
Paniniwala ko'y existenz na ayon kay Jaspers. Isang hangganan na hindi pumipigil ngunit nagpapayabong.
Naisulat ko na nga noon:
"Lahat maaring mangyari. Sa harap ng napakaraming posibilidad para na ring walang posibilidad." (20 Mar 99)
Nakahiga sa sahig at iniisip iyan. Nakahiga sa sahig para may makapitan.
Ernan at 10:32 AM