12.28.2002
December 28, 2002 || 2:32 amBibihira ang pelikulang Pinoy na nagugustuhan ko. Hindi naman ito dahil maka-kanluran ang taste ko. Kundi sadya lang talaga yatang yayat ang film industry natin.
Hindi rin ako madaling mabulag sa star power ng isang pelikula. Di porke sikat ang mga artista o nagkamit na ng madaming awards e maganda na. Tignan na lang ang kaso ng A Beautiful Mind.
Mas mataas din ang panuntunan ko kapag halaw sa isang magandang libro ang pelikula. Kinakailangan kasing mapantayan niya ang libro.
Kaya nga ba't nagulat ako at nagustuhan ko ang Dekada '70.
Una'y hindi ako fan ni Ate Vi. Hindi ako na-iimpress sa pasigaw at papalahaw niyang acting. Pangalawa, wala na bang ibang artista at si Carlos Agassi at Marvin Agustin ang kinuhang mga anak. Pangatlo, sa totoo lang, hindi ako bilib kay Chito Roño. At higit sa lahat, mahal ko ang nobelang Dekada '70 ni Lualhati Bautista. Isa siguro ito sa mga rason kung bakit naging masugid akong mambabasa ng mga Filipinong nobela. Inaasahan ko nang bababuyin nila ito gaya ng sa Bata, Bata.
Ngunit nagkamali ako. Sapagkat nagustuhan ko ang Dekada '70. Pati si Ate Vi. Oo na, maayos ang pagganap ni Carlos Agassi. Nagustihan ko ang pelikula. Higit pa sa inaasahan ko. Maganda ang timpla ni Lualhati ngayon ng propaganda at human drama.
Kaya nga ba't inaasahan kong magwagi ito sa MMFFP.
Ngunit nagulat ako at Mano Po ang nagtagumpay. Isa lang ang natamo nila, ang Best Child Performer ni John Wayne Sace. Hindi ko alam kung bakit pero hindi isinama sa nominasyon ng Screenplay at Story ang Dekada. Nag-ala-Rosanna tuloy si Lualhati at nag-walk out. Samantalang ang Mano Po ay nagwagi sa editing, screenplay, story, actor, actress, director at film.
Kalokohan! Dahil kapangit ng Mano Po. Sige na nga, hindi pangit ang Mano Po ngunit hindi rin siya maganda.
Heto na lang, ang pangit ng screenplay. Hindi nito alam kung saan tututok. Para sa akin hindi umuubra ang non-linear na format. Mas maigi siguro kung ginawa niyang linear na lamang nang mailarawan ng husto ang bawat karakter na pinagpipilitan niyang bigyan ng puwang sa bawat eksena. O kaya'y tumutok muna siya sa isang karakter. Hindi tuloy maintindihan nang husto kung bakit ganoon sila magkikilos at magpasiya.
Parang gusto kong pabalikin sa college ang nagsulat at pag-aralin ng point of view. Kabod na lang ililipat ang point of view. Ni hindi mo alam kung bakit. At kadalasan hindi naman kinakailangan.
Hindi ko alam, ngunit wala pa akong nakikilalang Fil-Chi na mahusay sa Pinoy. Sabi nga ni Ara Mina, matatas siya Filipino. Matatas? Ni tubong Maynila hindi alam kung ano ang ibig sabihin ng matatas. Oo, tinanong ko ang mga kakilala ko. Iilan lang sa kanila ang nakababatid ng salitang iyon. Si Maricel, isang CEO ng isang malaking kumpanya, mas nanagalog kaysa Ingles. Gumagamit pa ng mga salita tulad ng lubusan.
Hindi ko na papansinin ang accent dahil hindi naman ako eksperto dun e. Ngunit pansin g isang kakilalang intsik, tama nga't pinaghahalo nila ang Ingles, Filipino at Chinese kung magkuwentuhan sila. Ngunit kadalasan, halo ito sa isang pangungusap. Hindi Mandarin muna tapos Filipino. Parang Taglish. Bigla na lang sumusulpot ang ibang salitang banyaga sa kalagitnaan. Tipong "Pumunta ka ba sa party yesterday? Ang daming magagandang balloons 'no?" At hindi "Did you go the party yesterday. Ang daming magagandang lobo 'no?"
Hindi nitpicking o kapritsuhan punain ito kasi isang kultura ang gusto niyang palabasin. Naroroon, sa mga maliliit na bagay,sa mga nuances at detalye, ang pagiging Fil-Chi. Doon niya maipalalabas ng husto ang kulay, ang paglalarawan.
Walang naidulot na mabuti ang pelikula. Ni hindi ko naintindihan kung bakit ganoon ang mga intsik dito sa Pinas. Sabi nga ulit ng kaibigan kong intsik, plastik ang pelikula. Hindi nito naipakita ang tunay na mukha ng mga Fil-Chi. Hindi na ako iyon a, isang tsinoy na ang nagsabi nun.
Nakikita ko't nararamdaman ko naman ang puso ng mga gumawa. Ngunit hindi sumasapat ang kakayahan nila. Tila sinasalok nila ang karagatan sa kanilang mga palad. Hindi nila mahawakan ang materyal, ang lawak at lalim nito. Kaya nga't kalat-kalat na butil at alat lang ang natira.
Ernan at 3:07 AM
12.27.2002
December 27, 2002 || 11:44 pmI believe everyone had a sucky Christmas. The holiday just gets worse as you age. Days like these you wish you were young again. It's not just about the gifts and pamasko. Or maybe that's all there is to it.
Because, honestly, more than the birth of Christ or a sense of family, I looked forward to the parties and gifts when I was young. That's why when somebody mentions Christmas I always think of Santa Claus and the Christmas tree. Now that I'm of age, I worry about the fiesta ham and make sure my younger siblings are present at the noche buena and not outside partying.
But it wasn't the responsibilities that made this Christmas dragging. There was no festive spirit. There were fewer carolers. Decorations seem less livelier. Everyone was rushing around buying things, stuck in the horrendous traffic, or complaining about the lack of money.
At least there was enough booze to go around. That's the one good thing, it's okay to get drunk. A cheers to ice cold beer!
Ernan at 11:56 PM
12.25.2002
December 25, 2002 || 4:31 pmNanaginip ako kahapon. Naidlip ako sandali nang papalubog ang araw.
Sa panaginip, nanggigigil ako't madiin kong pinagbabangga ang ngipin ko. Nagulat ako't natanggal ang dalawang ngipin ko sa harapan. Bumulwak ang dugo, dugong malalim na pula ang kulay. Naramdaman kong natatagpas din ang bagang ko. Hanggang sa isa-isang natanggal. Naraaramdaman ko at sa di maipaliwanag na kadahilanan, nakikita ko ang sarili—puno ang bibig ng dugo. Sinubukan kong pasakan ng bulak ngunit patuloy ang daloy ng dugo.
Paggising ko, kumagat na ang dilim sa bisperas ng Pasko. Mas pagod kaysa nakapagpahinga. Inisip ko agad kung sino kaya ang mamamatay. Ngunit nakatatamad at hindi rin naman talaga ako naniniwala sa mga ganoong mga pamahiin kaya tumindig ako't hinarap ang kasiyahan sa ibaba.
At kanina, nagulat ako nang mag-text si Jenny Go. Pagkatapos ng kolehiyo, isang beses ko lang siya nakita. Sandali pa. Sa lumang Shakey's sa lumang Greenbelt. Parang ang tagal-tagal na noon. Abuhin na sa alaala ko't matamlay ang mga kulay ng tagpo.
Hindi pala number ni Jerilee ang nasa phonebook ko, kay Jenny pala. Kung hindi pa ako nagpalit ng number, hindi pa kami makakapag-usap. May asawa na siya, si Jasper na kasintahan ng walong taon; may anak na't dalawa pa. Nakatutuwa.
Naniniwala akong si Jenny ang tinutukoy ng panaginip kahapon. Hindi kamatayan ngunit muling pagkabuhay. Sa isang banda.
At dahil hindi ako magkandaugaga kay Cate Blanchett, kailangang i-post ko itong poster ng pelikula niya para sa susunod na taon na idinerehe ni Joel Schumacher, ang Veronica Guerin.
PASKO! nga pala...
Ernan at 4:36 PM
12.24.2002
December 23, 2002 || 11:30 pmMay mga kantang nakapagpapaalala sa akin ng mga tagpo o tao. Tulad ng pagtatapat na ginagawa ng isang litrato, may muling ipinakikilala ang ilang mga himig. Kung ang sa litrato'y mga mukha't bagay sa paligid, ang sa mga kanta'y mas sa damdamin. Isang pagyakap at pagtanggap sa damdamin noon at pagkilala sa damdamin ngayon tungo sa nakalipas.
Gaya na lamang ng mga unang himig ng This Charming Man ng The Smiths na ibinabalik ako sa V, o mas payak, sa harapan ng computer ni Kuya Miko. Ang Shakey song na nagpapatawa sa akin sapagkat muli kong nadarama ang galak sa panonood kay Rocky na kumekendeng sa Pubroom. Kung papaanong may humihila sa aking kabataan tuwing naririnig ang Today ng Smashing Pumpkins, naiisip ko kung papaano akong humalukipkip sa tapat ng simbahan ng Bacolor habang inaawit ng pinsan kong si Jelly ang "Today is the greatest day I've ever known" noong Visita Iglesia ilang taon na ang nakaraan. Ang biglang panghihinayang sabay ng pagkasabik sa tsansahang marinig ang Just the Two of Us na version ng Sonia sapagkat minsan sa kawalang pag-asa natanggap ang mga linyang "I hear the crystal raindrops fall on the window down the hall and it becomes the morning dew, when the morning comes and I see the morning sun I want to be the one with you." Kapag nangungulila sa gabi, isa lang ang kaagapay, si Tom Jobim; bumabalik lahat ng lungkot at pag-iisa habang nagsusulat sa ilalim ng dilaw na ilaw.
Dumarami ang mga kantang nagbabadya ng nakalipas. Tulad kahapon sa party ng Every Wednesday, ang Wild Night ni Van Morrison. Lagi ko nang maikakabit ang kantang iyon sa paghead bang ni Joey habang lamukos ang buhok sa ulo, sa plaid pants na suot ni Carlo, sa pagbuhos ng red wine sa palda ni Mich, sa pagbabasa ni Mark Lavin sa gilid samantalang nalalasing na ang lahat, sa dalawang pizza na inagaw ni Oz, sa walong oras na lumipas isang Linggo sa Brash Young Cinema.
Siguro'y kapag tumanda, maririnig ako ng mga apo kong laging kumakanta sa isang tabi. Mga awit na hindi nila kilala, mga awit sa mga taong hindi nila kilala. Wala pa ring magbabago.
Ernan at 1:19 AM
12.20.2002
December 20, 2002 || 8:19 pmSa hindi ko alam na kadahilanan, maaga ang prom ng mga kapatid kong nasa highschool pa. Nabanggit ko na bang kambal sila? At babae't lalake?
At dahil ang pamilya nami'y sadyang usyusero, sumama kaming lahat para magmiron. Hindi naman sinasadya ngunit ganoon na nga ang nangyari. Sinamahan ko ang ate kong maghatid sa kanila sa may New World Hotel. Binalak naming manood ng sine kaso pagdating doo'y mas nakatutuwang panoorin ang mga batang nagsisihaliparot.
At dahil wala akong kuwentang kuya, wala akong ginawa kundi sundan sila sa likod habang kinukuhanan ng cam. Siyempre, asar talo sila. Iyon lang naman ang silbi ko bilang kuya. Mang-asar. At mag-utos.
At dahil huling prom na ito sa pamilya (at dalawa pa sila), na-excite ang nanay ko at sumunod sila ng tatay ko. Kasama pa ang pamilya ng kuya ko. Isipin mo na lang, andun kaming lahat sa labas ng function room—naghihintay, pasilip-silip, at pinagtatanong kung nasaan na ang kapatid namin. Hindi naman kami nag-iisa at ilang magulang rin ang nakatambay sa lobby.
At dahil may hiya naman kami kahit papaano (at nagutom din), nagliwaliw muna kami sa Greenbelt 3. Pero pagbalik namin, bad trip ang utol kong lalake. Paano ba naman nabasted ng gabing iyon at di man lang nasayaw ang sinta. Kahit one dance lang di pumayag.
At dahil kahit papaano'y may kuwenta naman akong kuya, inaya kong uminom kaso ayaw ng tatay ko. Kaya't umuwi na lamang kami at natulog.
Ernan at 8:36 PM
12.15.2002
December 15, 2002 || 1:04 amIt did eventually. Watched some flicks. Atlantis. Dr. No. Family was back from wherever they came from. People do eventually. Hearing the Falconer as someone who'd say poetically. Watched some more flicks with them. Shaolin Soccer. In the Mood for Love. Bad move. Had to explain the story to my family. They don't like reading the subtitles. Mom stood up in the middle of the film. She does that, eventually. Stand up, walk away and sleep.
Despite being December, it was hot. Noticed my hair was too long. Too makapal. Looked for some scissors. Cut it. Myself. Now it's too short. Hair sticking out like pins. Hair shorn like Picasso's late paintings. Square and fluffly. I look uglier than usual. I'm not posting any picture. I'm scheduling an appointment with the barber tomorrow. My back's itchy. Bad moves. Tsk, tsk.
Ernan at 1:07 AM
12.12.2002
December 12 || 12:41 amI never thought it was possible. But here it is. This feeling of dislike. I actually dislike something made by David Fincher.
I don't like Panic Room. People might crucify me but I don't and there's nothing I can do to dispel it.
And it's not supposed to happen. The movie had a lot going for it. It starred Jodie Foster. It had support from Jared Leto and Forest Whitaker. It had an interesting albeit rehashed plot. For crying out loud, it's directed by David Fincher.
But it failed. The action wasn't active enough. The suspense wasn't thrilling enough. The direction not as original. But I'm pointing the biggest finger on the script. I shouldn't have expected much from David Koepp. There was no story to push. And frankly, it did not try to push anything at all. Much less work on characterization. The characters are running around like headless chickens. Especially Jodie's character. No backbone and pure stupidity.
Sigh. It's just that I really want to like this film. Sayang. It has a nice opening credit pa man din.
Sa mga hindi nakababatid, Human Rights Day noong isang araw. At nagtungo akong Mendiola. Hindi para makipag-ra-ra-ra-rally kundi may nilakad sa isa sa mga kolehiyo sa U-Belt.
Kakaiba ang nadatnan ko. Bukod sa tumpok ng mga estudyante na nagkalat sa Recto, mapapansin kaagad ang mga rallyista. Mga matatanda't bata na sa isang tingin pa lang, mapapatango ka't masasabing aah! aktibista.
Ngunit ang masayang pansinin ay ang reaksiyon ng mga estudyante. Kung sakali kasing sa Katipunan iyan nangyari, malamang sa malamang marami na ang kinakabahan at baka magkagulo. Ngunit sa kalye ni pareng Claro, klarong sanay na ang mga bata natin. Balewala sa kanila. Sanay na. Ika nga ng isang babaeng narinig ko, "hirap na naman nito sumakay." O ang isa na, "maya na tayo umuwi. May rally pa. Traffic."
Hanggang doon lang. Hindi sila nababagabag kahit maraming mga pulis. At sa panulukan ng CEU at San Beda'y may barikada na barb wire at nagkalat ang mga kalasag at batuta. Handa na sa riot na mangyayari. Hindi na sila naaantig. Hinahakbangan na lang nila ang mga nakalapag na kalasag tulad ng paghakbang nila sa mga nakatilapon na slogan o ng basurang nakahandusay sa sahig.
Mas nakakatawa pa na pagkatapos ng mga nagrarally ay ang barikada. At matapos ang barikada at mga pulis? Sa harap ng gate ng Malacanan Palace? Mga magagarang kotse ng mga taga Beda at College of the Holy Spirit. Mga kotseng dilaw, matingkad na berde, pink. May mga spoiler, naka-lowered, atbp. Tipong ang ginaguwardiyahan ng mga pulis ay hindi si Ate Glo kund ang mga kotseng ito.
Hindi na rin sila nakikinig sa rally. Sa tapat nga mismo ng monumento, ang sentro ng rally, ang McDonnel's Stationery Store. Sa labas nito'y linya ng mga photocopiers. Nagpapaypay ang mga manang pa-xerox at tuloy sa pagkopya ng libro tungkol sa mga sakit at notes sa apdo samantalang sumisigaw ang tagapagsalita sa rally na si Gloria ay tuta ng kano at ni Bush.
Tuloy ang ikot ng mundo nila. Kung sa bagay, ang edukasiyon nga naman ang susi sa kinabukasan, ang sabi nila.
Ernan at 1:06 AM
12.08.2002
December 8, 2002 || 12:20 pmBiyernes at Ramadan. Sarado ang mga opisina at walang pasok. Binalak kong dumito lang sa bahay at magpahinga ngunit sadyang makati ang talampakan ko. 30 minuto pa lang mula pagkagising, di na ako mapirme sa bahay.
Naghanap ako ng makakasama lumabas pero nakalarga na o tinatamad o walang kotse. Kaya't nauwi ako sa family bonding kuno at hinatak ang dalawang mas nakababatang kapatid para manood ng Shaolin Soccer. Natutuwa naman ako at patok na patok sa Pinoy ang pelikula.
Pagkatapos ng sine'y sumunod ang ama ko at ipamimili pala ang dalawa kong kapatid. Sapatos para sa utol ko na may laban bukas at damit kay Mai na may Youth's night daw. Parang high school ako ulit dahil habang namimili ang dalawa kong kapatid naghahanap din ako ng sa akin. Kailan nga ba ako uli nagshopping ng kasama ang magulang ko? Pag-apak ng kolehiyo, humihingi na lang ako ng pera at nagpapasabay sa mga kabarkada bumili ng pangangailangan.
Nakalimutan ko na ang mga bilin na "baka mas sakto ang susunod na shoe size," "ilakad mo pa," "naka-medyas ka ba na makapal?" "anong kulay 'yan? kapag naglakad ka sa dilim parang discotheque." Walang katapusan na pangungulit na nakapanliliit sapagkat pinagtitinginan na kami ng tao. Paano'y di marunong mag-modulate ng boses.
Lagi akong umaalma sa presyo. Palibhasa'y tihik ako sa mga bagay na hindi libro, pelikula, pagkain at musika. Nang makita kong lampas tatlong libo ang napupusuang sapatos, aba'y ako na ang unang nagreklamo sa presyo. Di lang miminsan kong nabanggit na hindi ako bibili ng sapatos na lampas dalawang libo, hanggang doon lang ang limit ko. Ngunit para saan pa ba ang mga ama? Animo'y 14 anyos ako uli at ngumiti. Wala na siyang nagawa kundi dumukot sa bulsa at bayaran ang sapatos.
Ang hindi ko alam, Writer's Night ng gabing iyon. Nag-text lang si Alwynn na sumunod ako. At sumunod naman ako.
Doon, nakita ko ang mga matagal nang di nakikita at nakakamusta. Si Gaba'y magkakalibro na at masigla pa rin ang High Chair. Lasing halos lahat ng matatanda at kahit papatid-patid ang dating ng beer, libre naman. Maraming wala ngunit marami rin ang nagparamdam. Kung anu-anong balita, tsismis at intriga ang nasagap. Si Alwynn ba naman ang kasama mo. Naging kulot na si Randy Garlitos at nagkabalikan na muli si Jing at Gil. Naroroon si Peach at kumanta. Sayang at di ko naabutan.
Matapos ay nagtungo kami sa Whistle Stop sa Libis. Dahil ang kasama'y si Jing at Peach, walang sawang kuwentong pag-ibig at seks na ang usapan. Batuhan na ng mga linya nina Amichai at Auden. Kami naman ni Gil ay ang workshop ang pinagusapan. Kung papaanong suwerte raw ang batch namin at magaganda ang kasama at kung papaanong suwerte silang tatlo ni Vim dahil dalawang beses nakapag-workshop. Dugas! Lahat ito habang food trip kami sa omelette, dinuguan at puto, goto arroz caldo at tapa.
Natapos ang gabi na puno ang tiyan at maliwanag ang mga mata. Ang inaasahang pagpapahinga sa Ramadan ay nauwi sa salu-salo at serbesa.
Ernan at 1:27 PM
12.02.2002
December 1, 2002 || 11:48 pmIt's 12 minutes before midnight so it's still officially
And Tesch, in exchange for the much loved African Shakey song, I offer:
Leron, Leron, Sinta
Leron, leron sinta
Buko ng papaya,
Dala-dala’y buslo,
Sisidlan ng bunga
Pagdating sa dulo,
Nabali ang sanga
Kapos kapalaran,
Humanap ng iba.
Gumising ka, Neneng,
Tayo’y manampalok,
Dalhin mo ang buslong
Sisidlan ng hinog.
Pagdating sa dulo,
Lalamba-lambayog,
Kumapit ka, Neneng,
Baka ka mahulog.
Ako’y ibigin mo’t
Lalaking matapang,
Ang baril ko’y pito,
Ang sundang ko’y siyam.
Ang lalakarin ko’y
Parte ng dinulang
Isang pinggang pansit
Ang aking kalaban.
It's almost Christmas and I miss you singing Pasko na Sinta Ko. I'll sing a Deck the Halls and a fa la la la la la for you this Christmas. I might even ask Ceres to join in.
Ernan at 12:01 AM