12.25.2002
December 25, 2002 || 4:31 pmNanaginip ako kahapon. Naidlip ako sandali nang papalubog ang araw.
Sa panaginip, nanggigigil ako't madiin kong pinagbabangga ang ngipin ko. Nagulat ako't natanggal ang dalawang ngipin ko sa harapan. Bumulwak ang dugo, dugong malalim na pula ang kulay. Naramdaman kong natatagpas din ang bagang ko. Hanggang sa isa-isang natanggal. Naraaramdaman ko at sa di maipaliwanag na kadahilanan, nakikita ko ang sarili—puno ang bibig ng dugo. Sinubukan kong pasakan ng bulak ngunit patuloy ang daloy ng dugo.
Paggising ko, kumagat na ang dilim sa bisperas ng Pasko. Mas pagod kaysa nakapagpahinga. Inisip ko agad kung sino kaya ang mamamatay. Ngunit nakatatamad at hindi rin naman talaga ako naniniwala sa mga ganoong mga pamahiin kaya tumindig ako't hinarap ang kasiyahan sa ibaba.
At kanina, nagulat ako nang mag-text si Jenny Go. Pagkatapos ng kolehiyo, isang beses ko lang siya nakita. Sandali pa. Sa lumang Shakey's sa lumang Greenbelt. Parang ang tagal-tagal na noon. Abuhin na sa alaala ko't matamlay ang mga kulay ng tagpo.
Hindi pala number ni Jerilee ang nasa phonebook ko, kay Jenny pala. Kung hindi pa ako nagpalit ng number, hindi pa kami makakapag-usap. May asawa na siya, si Jasper na kasintahan ng walong taon; may anak na't dalawa pa. Nakatutuwa.
Naniniwala akong si Jenny ang tinutukoy ng panaginip kahapon. Hindi kamatayan ngunit muling pagkabuhay. Sa isang banda.
At dahil hindi ako magkandaugaga kay Cate Blanchett, kailangang i-post ko itong poster ng pelikula niya para sa susunod na taon na idinerehe ni Joel Schumacher, ang Veronica Guerin.
PASKO! nga pala...
Ernan at 4:36 PM