12.28.2002
December 28, 2002 || 2:32 amBibihira ang pelikulang Pinoy na nagugustuhan ko. Hindi naman ito dahil maka-kanluran ang taste ko. Kundi sadya lang talaga yatang yayat ang film industry natin.
Hindi rin ako madaling mabulag sa star power ng isang pelikula. Di porke sikat ang mga artista o nagkamit na ng madaming awards e maganda na. Tignan na lang ang kaso ng A Beautiful Mind.
Mas mataas din ang panuntunan ko kapag halaw sa isang magandang libro ang pelikula. Kinakailangan kasing mapantayan niya ang libro.
Kaya nga ba't nagulat ako at nagustuhan ko ang Dekada '70.
Una'y hindi ako fan ni Ate Vi. Hindi ako na-iimpress sa pasigaw at papalahaw niyang acting. Pangalawa, wala na bang ibang artista at si Carlos Agassi at Marvin Agustin ang kinuhang mga anak. Pangatlo, sa totoo lang, hindi ako bilib kay Chito Roño. At higit sa lahat, mahal ko ang nobelang Dekada '70 ni Lualhati Bautista. Isa siguro ito sa mga rason kung bakit naging masugid akong mambabasa ng mga Filipinong nobela. Inaasahan ko nang bababuyin nila ito gaya ng sa Bata, Bata.
Ngunit nagkamali ako. Sapagkat nagustuhan ko ang Dekada '70. Pati si Ate Vi. Oo na, maayos ang pagganap ni Carlos Agassi. Nagustihan ko ang pelikula. Higit pa sa inaasahan ko. Maganda ang timpla ni Lualhati ngayon ng propaganda at human drama.
Kaya nga ba't inaasahan kong magwagi ito sa MMFFP.
Ngunit nagulat ako at Mano Po ang nagtagumpay. Isa lang ang natamo nila, ang Best Child Performer ni John Wayne Sace. Hindi ko alam kung bakit pero hindi isinama sa nominasyon ng Screenplay at Story ang Dekada. Nag-ala-Rosanna tuloy si Lualhati at nag-walk out. Samantalang ang Mano Po ay nagwagi sa editing, screenplay, story, actor, actress, director at film.
Kalokohan! Dahil kapangit ng Mano Po. Sige na nga, hindi pangit ang Mano Po ngunit hindi rin siya maganda.
Heto na lang, ang pangit ng screenplay. Hindi nito alam kung saan tututok. Para sa akin hindi umuubra ang non-linear na format. Mas maigi siguro kung ginawa niyang linear na lamang nang mailarawan ng husto ang bawat karakter na pinagpipilitan niyang bigyan ng puwang sa bawat eksena. O kaya'y tumutok muna siya sa isang karakter. Hindi tuloy maintindihan nang husto kung bakit ganoon sila magkikilos at magpasiya.
Parang gusto kong pabalikin sa college ang nagsulat at pag-aralin ng point of view. Kabod na lang ililipat ang point of view. Ni hindi mo alam kung bakit. At kadalasan hindi naman kinakailangan.
Hindi ko alam, ngunit wala pa akong nakikilalang Fil-Chi na mahusay sa Pinoy. Sabi nga ni Ara Mina, matatas siya Filipino. Matatas? Ni tubong Maynila hindi alam kung ano ang ibig sabihin ng matatas. Oo, tinanong ko ang mga kakilala ko. Iilan lang sa kanila ang nakababatid ng salitang iyon. Si Maricel, isang CEO ng isang malaking kumpanya, mas nanagalog kaysa Ingles. Gumagamit pa ng mga salita tulad ng lubusan.
Hindi ko na papansinin ang accent dahil hindi naman ako eksperto dun e. Ngunit pansin g isang kakilalang intsik, tama nga't pinaghahalo nila ang Ingles, Filipino at Chinese kung magkuwentuhan sila. Ngunit kadalasan, halo ito sa isang pangungusap. Hindi Mandarin muna tapos Filipino. Parang Taglish. Bigla na lang sumusulpot ang ibang salitang banyaga sa kalagitnaan. Tipong "Pumunta ka ba sa party yesterday? Ang daming magagandang balloons 'no?" At hindi "Did you go the party yesterday. Ang daming magagandang lobo 'no?"
Hindi nitpicking o kapritsuhan punain ito kasi isang kultura ang gusto niyang palabasin. Naroroon, sa mga maliliit na bagay,sa mga nuances at detalye, ang pagiging Fil-Chi. Doon niya maipalalabas ng husto ang kulay, ang paglalarawan.
Walang naidulot na mabuti ang pelikula. Ni hindi ko naintindihan kung bakit ganoon ang mga intsik dito sa Pinas. Sabi nga ulit ng kaibigan kong intsik, plastik ang pelikula. Hindi nito naipakita ang tunay na mukha ng mga Fil-Chi. Hindi na ako iyon a, isang tsinoy na ang nagsabi nun.
Nakikita ko't nararamdaman ko naman ang puso ng mga gumawa. Ngunit hindi sumasapat ang kakayahan nila. Tila sinasalok nila ang karagatan sa kanilang mga palad. Hindi nila mahawakan ang materyal, ang lawak at lalim nito. Kaya nga't kalat-kalat na butil at alat lang ang natira.
Ernan at 3:07 AM