7.30.2004

Fuck the vote!

Kakaibang tactics at pangangampanya. May isang grupo ng mga Liberal sa Amerika na handang kantutin ang isang Conservative para lang masiguro na hindi ito boboto kay Bush sa darating na eleksiyon. Ikaw, ibebenta mo ba ang katawan mo para sa kapanan ng bayan?

Pero kung ganito ang presidente ko:

       

baka nga.


Pero sayang, dapat naisip ng kampo ni FPJ, lalo na ng Mga Artista Para Kay FPJ, noong nakaraang eleksiyon ang ganyang tactic. Boto Mo, Blowjob Ko. Iboto mo si FPJ kapalit ng blowjob ng artistang gusto mo.

Mamili ka kina Ara Mina, Sunshine Dizon, Marjorie Baretto, Armida Siguion-Reyna, Melanie Marquez, Lorna Tolentino, Dolphy, Nino Muhlach, Richard Gomez, Eddie Guttierez, Rez Cortez, Eddie Garcia, Baldo Marro. Aba, marami pa. Marami kang choices. Ano man ang trip mo, bata, gurang, lalaki, babae, bakla, lesbiyana, sexy starlet, veteran actor, pang-horror, pang-comedy, pangromansa, pang-aksiyon, lahat puwede mong ikama! Tignan lang natin kung hindi bumenta. Masaya 'yun. Pupunta sila sa bara-baranggay, magtatayo ng booths. Tapos pipila na lang ang tao. Siguradong mas patok pa ito sa takilya, at kakabugin ang nangampanyang Viva Hot Babes para kay Tita Glo, si Ate Glow at ang Gloria-robics.

Sigurado kahit gaano kadaming dayaan, panalo si FPJ nun.

<<

Ernan at 1:00 AM

0   comments


7.25.2004

Nagpadala ng package si Tessa sa'kin. Sosorpresahin niya siguro ako pero siya ang nagulat. Mali kasi ang numero ng bahay na pinadalhan niya. Sa number 29 P. Florentino niya ipinadala ang package. E hindi naman ako nakatira doon. Hindi na niya mabawi pa sa post office dahil matagal na niyang naipadala. Malamang ang padala niya'y tumatawid na ng napakalawak na karagatan para marating ang #29. Kaya minabuti kong ako na ang maghahanap sa package. Hahanapin ko na lang ang #29 at ipagtatanong kung may natanggap silang package o kung may matatanggap sila ay kontakin ako.

Ang kalye namin ay ipinangalan sa isang tauhan ni Rizal sa El Filibusterismo. Si Padre Florentino. Ang makabayang Filipinong pari. Ang huling tauhan na makikita sa El Fili. Siya na naglakas na magtapon ng baul na puno ng yaman, ang nangahas at nanawagan sa kabataan, si Padre Florentino, sa kanyang ngalan ako lumaki.

Mahaba-haba ang kalye ng P. Florentino. Dalawang lungsod ang tinatawid nito, ang Maynila at Quezon City. Sa Maynila inaabot nito ang Sampaloc at dito naman sa'min sa Quezon City, dire-diretso hanggang Roosevelt yata. Mahaba ang P. Florentino kaso hindi ito dire-diretso. Tatlong putol ito: ang sa Sampaloc na napuputol na ng Mayon, ang sa Quezon City mula sa D. Tuazon hanggang Biak-na-Bato, at ang huli sa tabi ng Sto. Domingo na nilalampasan pa ang Araneta.

Doon kami sa P. Florentino na malapit sa Biak-na-Bato. Ang huling bahay sa Biak-na-Bato ay 97. At dahil pababa ang numero ng mga bahay habang lumalapit ng Maynila, naisip ko na nandoon ang #29. May baong kendi at dala-dalang ID, sinimulan kong hanapin ang #29.

Habang naglalakad, bumalik ang alaala ko ng kabataan. Ang daan kasing ito ang tinatahak namin kapag kumakain kami ng Smokey's Hotdogs sa may Caltex sa Banawe. Hilig ko noon ang Pizza Dog at Wrap Around Dog. O kung walang gaanong pera at gustong gumala, sa may Sunshine Market kami bumibili na dalawang bloke ang layo sa bahay namin. Nilalakad namin ang P. Florentino.

Sa paglalakad, nakita ko uli ang dalawang malaking bahay ng intsik. Na hilig naming pinangangarolingan tuwing magpapasko. Kasi kapag nakatsamba ka, namimigay sila ng bente pesos. Kapag nakatawid ka ng Banawe, makikita mo na ang Manila Fidelity o Surety ba? Na hanggang ngayon ay hindi ko alam kung ano iyon. Sa tabi noon ay ang Bookman Publishing. Basag pa rin ang bintana nito. Pagkatapos nito ay mga bahay na. Mga bahay na maaayos. Mga bahay na ang mga nakatira ay hindi namin kakilala. May mga bahay na tila inabandona na. Na kapag nakitaan mong nilabasan ng tao ay aakalaing mong multo. Mga bahay na mukhang itinayo noong 1960's o 1970's. May bungalow. May mga ukit sa veranda. May terrace. Ang napansin ko'y ang iba'y nagtaas na ng tarangkahan at nagtayo ng mas matataas na sementadong bakod. Noon ko rin lang napansin na may townhouse na palang nakatayo sa kahabaan ng P. Florentino. Inabot ko ang D. Tuazon pero natapos ang putol na ito ng P. Florentino sa #33.

Minabuti ko nang diretsuhin hanggang Maynila. Nilakad ko hanggang Welcome. Dumaan ako sa may Cuenco. Sa pagtawid ko sa Mayon, kumilimlim ang langit at nagbadya ito ng patak ng paparating na ulan. Noon ko naisip na kapag umulan wala akong magagawa. Dahil wala akong dalang jacket o payong. Wala rin akong dalang pera, ni isang kusing, para makapag-jeep man lang papauwi. Kapag pumatak ang ulan, siguradong mababasa ako. Sigurado akong maiinip ako kung patitilain ko ito at maghihintay ako sa isang silong. Bubutihin ko na lang na tumakbo pauwi, mabasa at maligo sa ulan. Natawa ako sa sitwasyon ko. Papunta ako sa isang bahay na hindi ko alam kung saan, na hindi ko kilala kung sino, at ito't nagbabanta ang panahon ng ulan at wala akong panakbong man lang. Natawa ako sa sarili.

Sa parte na ito ng P. Florentino, hindi bahay ang sumalubong sa'kin. Mga malalaking gusali na tila pabrika. At ang simulang numero ay 13. Ibig sabihin nawawala ang #29. Pero naintriga pa rin ako kasi mahaba ang parte na ito ng P. Florentino. Baka ka'ko pataas ang numero dito at hindi pababa. Kasi kung mahaba ito, paano na lang ang mga nasa dulong bahay na malapit na sa UST, ano na ang numero nila? -29? Kaya tinuloy ko. At umabot nga ako sa #1. Nasa corner ito. Pagtawid mo ng kalye, napipinturahan na ng kahel ang sidewalk at kahel na rin ang street sign na nagsasabing P. Florentino. Sa parte ng Quezon City kasi'y bughaw ito. Ang #1 ay sakop pa ng Brgy. Teresita. Sa pagtawid mo sa kahel, ibang barangay na. Sampaloc na.

Nagsimula ang numero sa Sampaloc sa 2129. Napailing ako. Pagdating din dito, iba na ang timpla ng paligid. Mas maliit at masinsin ang mga bahay. Mas maraming bata. Mas maingay. Sabado iyon ng hapon at marami ang nakaupo sa labas ng bahay nila at nakatambay lang. May mga batang naglalaro ng tsinelas, may videokarera sa isang tabi, may nagtsitsismisan sa may tindahan.

Timpla ito ng buhay namin dati sa apartment. Ang bawat tao sa maliliit na eskinita at kalye ay magkakakilala. Iyong tipo na kapag umuwi ka ay alam mong nasa bahay ka na kapag apak mo pa lang sa kalye. Alam mong kilala ka ng lahat ng makakasalubong at hindi ka man batiin ay hindi na kailangan pa. Na kapag may naligaw na ibang tao ay mahihiya dahil alam niyang hindi siya taga-roon. Mas magaan ang kalooban mo, nawawala ang kaba. Sa ganyang mga kalye at lugar, gaya ng sa'min dati, kapag wala kang magawa lumabas ka lang. Ang kapitbahay ay talagang kapitbahay. Laging may tao sa labas, anumang oras. Marami rin siyempreng away at tsismis. Ngunit pampasaya at pampadagdag ito ng timpla ng buhay.

Matapos maglibut-libot sandali sa Sampaloc, bumalik na ako. Pinagbigyan ako ng langit dahil sa Banawe na bumuhos ang ulan. Pagdating sa bahay, tumawag ako sa barangay hall. Itinanong ko kung may number 29 nga ba talaga sa P. Florentino. Mayroon daw ang sabi ng nakasagot sa'kin na babae. Doon raw banda sa talipapa. Nagpasalamat ako at ibinababa ang telepono.

Naguluhan ako. Hindi ko kasi alam kung saan ang talipapa. Tinanong ko sa nanay ko, doon raw sa kabilang putol ng Sto. Domingo ang talipapa. Bigla nagliwanag, baka ang naputol na numero na #32 hanggang #14 ay inilipat doon sa P. Florentino na iyon.

Kinabukasan ng umaga, sinuyod ko ang putol na iyo ng P. Florentino. Kung sa ibang parte ng P. Florentino ay mga naglalaking bahay at mga kabit-kabit na bahay. Doon sa parteng iyon ng P. Florentino, parang squatter na. Mga hollow blocks na hindi napinturahan, mga karton at plywood ang bahay. Nasa kalagitnaan na ako ng kalye e wala pa rin akong nakitang bahay na nagdidisplay ng numero ng bahay. Kaya't minabuti kong itanong sa isang tindahan. #92 raw sila. Naguluhan ako. Dahil sa putol ng P. Florentino namin ay may #92 din. Magulong bilangan ito. Pero hindi iyon ang problema ko ngayon. Ang package at #29 ang nangingibabaw. Tanong ko kung asan ang #29. Doon daw iyon sa may talipapa. Tinanong ko kung saan ang talipapa, lampas pa raw iyon ng Araneta.

Tinawid ko ang Araneta, may talipapa nga. At dito, lalo pang mahihirap at marurusing ang mga bahay. Ang dulo nito ay sa pagtawid ng malaking kanal. Sa dulo ay may malaking gate na laging nakasara na naghahati sa lunos na lugar na ito at sa maaayos na bahay sa subdibisyon sa kabila.

Bumalik ako sa gitna. Nagtanong uli ako sa isang tindahan. Hinanap ko ang #29. Hindi alam ng tindera kung saan ang #29. Ni hindi niya alam kung ano ang numero ng bahay nila. Saktong may lumabas na mama. Tinanong ng tindera ang mukhang utol nito. At sa laking suwerte ko naman, ang tindahan na iyon ang #29. Pero walang package ang dumating. Iniwan ko na lang ang pangalan at numero ko. Baka sakaling i-deliver ang package. Ka'ko'y pakitawagan na lang ako.

Matapos ang mahabang prusisyon at paghahanap sa #29 natagpuan ko rin. Hindi ko nahanap ang package at parang may kumukulit sa dibdib ko na baka natanggap na nila ang package o may nakakuha na at hindi nila ito ibibigay sa'kin. Susubukan kong hanapin ito sa post office. Good luck sa'kin. Ngunit kahit hindi naresolbahan ang isyu ng package ko, may natagpuan naman ako. Nakilala kong uli ang kalye na kinalakhan ko. Ang Padre Florentino na kumukupkop sa samu't saring kabataan, sa ilang Isagani at Simoun, ang maikli't mahabang kuwento ng buhay sa tatlong putol na daan.

<<

Ernan at 7:17 PM

0   comments


7.24.2004

Mahilig ako sa mga listahan. Hindi listahan ng utang kundi mga kung anong bagay na nakatala na nagpapahiwatig ng interes o kalooban ng mga tao. Mga Top 10, Top 5, Top 40, Top 100 ng kung sinu-sino, ng kung anu-ano. O mga personality quizzes, mga likes at dislikes. Mga listahang binubutingting ang sarili o hinihimay ang interes.

Sa mga ganyang listahan kasi mabilis kong nahahawakan ang katauhan ng isang tao. Naikukumpara ko sa iba at sa sarili. Tipong gusto rin niya yun. O ayaw niya iyon. Kaya nga aliw naman ako magbasa paminsan-minsan ng mga bulletin board sa friendster. At nagagalak malaman ang mga year-ender charts ng kung anong magazine o ng kung sinong kilalang kritiko.

May mga taong iwas sa mga ganitong listahan. Lalo na yaong tungkol sa mga personalidad ng tao. Na sinasabing kinukulong ang tao sa mga nakatala roon o sa kahon na ginawa mo.

Maarte. Madaldal. Mayabang. Mabait. Mahilig sa emo. Coffee person. Paborito si Billy Ray Cyrus. Idol si Hero Angeles. Likes: trees and rainbows. Dislikes: plastic people.

Sinasabi na matapos ang lahat, hindi mo pa rin kilala ang tao. Na hindi lang siya 'yan. Na hindi mo makikita ang lahat ng angulo niya sa listahan. Tama nga. Hindi naman kasi nangangahulugan kapag gumawa ka ng isang tala, o inilarawan mo ang isang tao ay siya na iyon at iyon lang. Hindi.

At hindi rin naman nakakalimutan iyon. Na kapag isinulat mo na love is blind. At sa tingin ko'y love is blind din ay soulmates na tayo. Ang mga bagay na tulad ng slumbooks, Top 5, quizzes at kung ano pa ay isang paraan lang para simulang hawakan ang katauhan ng isang tao. Isang panimula. Isang kamayan.

Lahat tayo doon nagsisimula mangilala. Bumuo ng mga unang ideya tungkol sa isang tao. Isama mo na rito ang sabi-sabi ng ibang tao, mga tsismis na para ring isang tala ng katauhan ng isang tao. Mahilig manood ng sine, palangiti. At sa pakikisalimuha mo sa kanya, doon mo nalalaman ang katauhan niya. Itatambis mo ito sa alam mo na. Hindi naman pala siya mataray, mahilig pala siya sa mga kotse.

Ang mga listahan at mga sabi-sabi ay hindi nangangailangang maging kahon, maari itong maging susi. Pokpok ang isang babae, sabi nila. At gigi mo itong lalapitan. Hanggang makilala na oo nga pokpok siya. Pero hindi lang siya pokpok. Mabait din siya at matulungin.

Ang pagkukulong at pagkakahon ay hindi na sa mismong sabi-sabi o tala. Ngunit nasa paraan kung paano mo ito gagamitin.

At dahil mahilig nga ako sa mga tala. Ito ang Top 10 ko ng 2003. (Napansin mo ba na isang walang kuwentang rationalization at introduction lang ang nasa itaas para maisulat ko ito)


Music
1. Like the Deserts Miss the Rain - Everything But the Girl
2. Give Up - Postal Service
3. Chutes Too Narrow - The Shins
4. Fever to Tell - Yeah Yeah Yeahs
5. Long Knives Drawn - Rainer Maria
6. Elephant - The White Stripes
7. Speakerboxxx/The Love Below - OutKast
8. Sa Wakas - Sugarfree
9. Songs for Jane - Maroon 5
10. Nocturama - Nick Cave


Film
1. Lost in Translation
2. Lord of the Rings: The Return of the King
3. City of God
4. Kill Bill: Vol. 1
5. Finding Nemo
6. Big Fish
7. 28 Days Later
8. 21 Grams
9. Mystic River
10. The Station Agent





At matapos ang kalokohan ko. Magbasa naman kayo ng may kabuluhan. Bisitahin ang Favorite Poem Project.

Isang proyekto sa America na naglalayong ipakita ang kagandahan ng tula. Manood kayo ng mga videos at mga basa ng mga tula sa site. Kahit isa lang, panoorin niyo.

<<

Ernan at 12:56 PM

0   comments


7.19.2004

Kakaiba ang panaginip ko kagabi.

Nagsimula sa isang tindahan sa sidewalk. Tindahan na parang sa divisoria. Iyong nakasalampak sa sahig ang nagtitinda at napapayungan o naka-tolda ang paninda. Sa panaginip, dalawang tindahan lang ang ipinakita. Ngunit kutob ko marami sila. Hindi ko alam kung lalake o babae ang nagbebenta. Walang gaanong ingay, walang gaanong gulo. Pero palengke iyon.

Ang tinitinda ay mga pinatuyong isda. Mga isdang pinaarawan. Mga isdang inasnan. Mga isdang nakatuhog sa stick. Iihawin o kaya piprituhin.

Pero may isang bumili. Hindi ko siya kilala. Isang mama. Katabi ko lang. Pinili niya ang isang tumpok sa gawing kanan. Bumili siya ng isa. Kumuha. Kinagat. Kinain.

Laking gulat ko ng sinabi niyang hindi naman ito isda. Mga sanggol 'to na pinitpit niyo. Sigurado ako dahil sa mga ngipin. Matitigas. Hindi ito tinik. Ngipin 'to ng sanggol.

Tinignan ko ang tumpok. May ngipin nga sa gitna. Akala mo'y tinik. Pero kung susuyurin mo ng tingin, ngipin nga.

Binalingan ko ng tingin ang ibang paninda. Kagyat nahulo ko na mga sanggol din ang iba. Mayroong mga ulo ng sanggol na pinisa sa bumbunan. Mga mukhang pinisak. May mga sanggol na nilapat para matuhog sa stick.

Nagitla ako. Ang binebenta ng tindera ay tao. Mga sanggol na pinatay. At binibili ito ng mga tao ng hindi nila alam. Kinakain nila ang kalaman nila. Hindi maalis ang titig ko sa mga paninda. Hanggang idura ng katabi ko ang mga ngipin ng kinakain niyang sanggol. Bumaliktad ang sikmura ko.

Pagkatapos ng panaginip na 'to, hindi na naging magaan ang tulog ko.



<<

Ernan at 10:52 AM

0   comments