7.25.2004
Nagpadala ng package si Tessa sa'kin. Sosorpresahin niya siguro ako pero siya ang nagulat. Mali kasi ang numero ng bahay na pinadalhan niya. Sa number 29 P. Florentino niya ipinadala ang package. E hindi naman ako nakatira doon. Hindi na niya mabawi pa sa post office dahil matagal na niyang naipadala. Malamang ang padala niya'y tumatawid na ng napakalawak na karagatan para marating ang #29. Kaya minabuti kong ako na ang maghahanap sa package. Hahanapin ko na lang ang #29 at ipagtatanong kung may natanggap silang package o kung may matatanggap sila ay kontakin ako.Ang kalye namin ay ipinangalan sa isang tauhan ni Rizal sa El Filibusterismo. Si Padre Florentino. Ang makabayang Filipinong pari. Ang huling tauhan na makikita sa El Fili. Siya na naglakas na magtapon ng baul na puno ng yaman, ang nangahas at nanawagan sa kabataan, si Padre Florentino, sa kanyang ngalan ako lumaki.
Mahaba-haba ang kalye ng P. Florentino. Dalawang lungsod ang tinatawid nito, ang Maynila at Quezon City. Sa Maynila inaabot nito ang Sampaloc at dito naman sa'min sa Quezon City, dire-diretso hanggang Roosevelt yata. Mahaba ang P. Florentino kaso hindi ito dire-diretso. Tatlong putol ito: ang sa Sampaloc na napuputol na ng Mayon, ang sa Quezon City mula sa D. Tuazon hanggang Biak-na-Bato, at ang huli sa tabi ng Sto. Domingo na nilalampasan pa ang Araneta.
Doon kami sa P. Florentino na malapit sa Biak-na-Bato. Ang huling bahay sa Biak-na-Bato ay 97. At dahil pababa ang numero ng mga bahay habang lumalapit ng Maynila, naisip ko na nandoon ang #29. May baong kendi at dala-dalang ID, sinimulan kong hanapin ang #29.
Habang naglalakad, bumalik ang alaala ko ng kabataan. Ang daan kasing ito ang tinatahak namin kapag kumakain kami ng Smokey's Hotdogs sa may Caltex sa Banawe. Hilig ko noon ang Pizza Dog at Wrap Around Dog. O kung walang gaanong pera at gustong gumala, sa may Sunshine Market kami bumibili na dalawang bloke ang layo sa bahay namin. Nilalakad namin ang P. Florentino.
Sa paglalakad, nakita ko uli ang dalawang malaking bahay ng intsik. Na hilig naming pinangangarolingan tuwing magpapasko. Kasi kapag nakatsamba ka, namimigay sila ng bente pesos. Kapag nakatawid ka ng Banawe, makikita mo na ang Manila Fidelity o Surety ba? Na hanggang ngayon ay hindi ko alam kung ano iyon. Sa tabi noon ay ang Bookman Publishing. Basag pa rin ang bintana nito. Pagkatapos nito ay mga bahay na. Mga bahay na maaayos. Mga bahay na ang mga nakatira ay hindi namin kakilala. May mga bahay na tila inabandona na. Na kapag nakitaan mong nilabasan ng tao ay aakalaing mong multo. Mga bahay na mukhang itinayo noong 1960's o 1970's. May bungalow. May mga ukit sa veranda. May terrace. Ang napansin ko'y ang iba'y nagtaas na ng tarangkahan at nagtayo ng mas matataas na sementadong bakod. Noon ko rin lang napansin na may townhouse na palang nakatayo sa kahabaan ng P. Florentino. Inabot ko ang D. Tuazon pero natapos ang putol na ito ng P. Florentino sa #33.
Minabuti ko nang diretsuhin hanggang Maynila. Nilakad ko hanggang Welcome. Dumaan ako sa may Cuenco. Sa pagtawid ko sa Mayon, kumilimlim ang langit at nagbadya ito ng patak ng paparating na ulan. Noon ko naisip na kapag umulan wala akong magagawa. Dahil wala akong dalang jacket o payong. Wala rin akong dalang pera, ni isang kusing, para makapag-jeep man lang papauwi. Kapag pumatak ang ulan, siguradong mababasa ako. Sigurado akong maiinip ako kung patitilain ko ito at maghihintay ako sa isang silong. Bubutihin ko na lang na tumakbo pauwi, mabasa at maligo sa ulan. Natawa ako sa sitwasyon ko. Papunta ako sa isang bahay na hindi ko alam kung saan, na hindi ko kilala kung sino, at ito't nagbabanta ang panahon ng ulan at wala akong panakbong man lang. Natawa ako sa sarili.
Sa parte na ito ng P. Florentino, hindi bahay ang sumalubong sa'kin. Mga malalaking gusali na tila pabrika. At ang simulang numero ay 13. Ibig sabihin nawawala ang #29. Pero naintriga pa rin ako kasi mahaba ang parte na ito ng P. Florentino. Baka ka'ko pataas ang numero dito at hindi pababa. Kasi kung mahaba ito, paano na lang ang mga nasa dulong bahay na malapit na sa UST, ano na ang numero nila? -29? Kaya tinuloy ko. At umabot nga ako sa #1. Nasa corner ito. Pagtawid mo ng kalye, napipinturahan na ng kahel ang sidewalk at kahel na rin ang street sign na nagsasabing P. Florentino. Sa parte ng Quezon City kasi'y bughaw ito. Ang #1 ay sakop pa ng Brgy. Teresita. Sa pagtawid mo sa kahel, ibang barangay na. Sampaloc na.
Nagsimula ang numero sa Sampaloc sa 2129. Napailing ako. Pagdating din dito, iba na ang timpla ng paligid. Mas maliit at masinsin ang mga bahay. Mas maraming bata. Mas maingay. Sabado iyon ng hapon at marami ang nakaupo sa labas ng bahay nila at nakatambay lang. May mga batang naglalaro ng tsinelas, may videokarera sa isang tabi, may nagtsitsismisan sa may tindahan.
Timpla ito ng buhay namin dati sa apartment. Ang bawat tao sa maliliit na eskinita at kalye ay magkakakilala. Iyong tipo na kapag umuwi ka ay alam mong nasa bahay ka na kapag apak mo pa lang sa kalye. Alam mong kilala ka ng lahat ng makakasalubong at hindi ka man batiin ay hindi na kailangan pa. Na kapag may naligaw na ibang tao ay mahihiya dahil alam niyang hindi siya taga-roon. Mas magaan ang kalooban mo, nawawala ang kaba. Sa ganyang mga kalye at lugar, gaya ng sa'min dati, kapag wala kang magawa lumabas ka lang. Ang kapitbahay ay talagang kapitbahay. Laging may tao sa labas, anumang oras. Marami rin siyempreng away at tsismis. Ngunit pampasaya at pampadagdag ito ng timpla ng buhay.
Matapos maglibut-libot sandali sa Sampaloc, bumalik na ako. Pinagbigyan ako ng langit dahil sa Banawe na bumuhos ang ulan. Pagdating sa bahay, tumawag ako sa barangay hall. Itinanong ko kung may number 29 nga ba talaga sa P. Florentino. Mayroon daw ang sabi ng nakasagot sa'kin na babae. Doon raw banda sa talipapa. Nagpasalamat ako at ibinababa ang telepono.
Naguluhan ako. Hindi ko kasi alam kung saan ang talipapa. Tinanong ko sa nanay ko, doon raw sa kabilang putol ng Sto. Domingo ang talipapa. Bigla nagliwanag, baka ang naputol na numero na #32 hanggang #14 ay inilipat doon sa P. Florentino na iyon.
Kinabukasan ng umaga, sinuyod ko ang putol na iyo ng P. Florentino. Kung sa ibang parte ng P. Florentino ay mga naglalaking bahay at mga kabit-kabit na bahay. Doon sa parteng iyon ng P. Florentino, parang squatter na. Mga hollow blocks na hindi napinturahan, mga karton at plywood ang bahay. Nasa kalagitnaan na ako ng kalye e wala pa rin akong nakitang bahay na nagdidisplay ng numero ng bahay. Kaya't minabuti kong itanong sa isang tindahan. #92 raw sila. Naguluhan ako. Dahil sa putol ng P. Florentino namin ay may #92 din. Magulong bilangan ito. Pero hindi iyon ang problema ko ngayon. Ang package at #29 ang nangingibabaw. Tanong ko kung asan ang #29. Doon daw iyon sa may talipapa. Tinanong ko kung saan ang talipapa, lampas pa raw iyon ng Araneta.
Tinawid ko ang Araneta, may talipapa nga. At dito, lalo pang mahihirap at marurusing ang mga bahay. Ang dulo nito ay sa pagtawid ng malaking kanal. Sa dulo ay may malaking gate na laging nakasara na naghahati sa lunos na lugar na ito at sa maaayos na bahay sa subdibisyon sa kabila.
Bumalik ako sa gitna. Nagtanong uli ako sa isang tindahan. Hinanap ko ang #29. Hindi alam ng tindera kung saan ang #29. Ni hindi niya alam kung ano ang numero ng bahay nila. Saktong may lumabas na mama. Tinanong ng tindera ang mukhang utol nito. At sa laking suwerte ko naman, ang tindahan na iyon ang #29. Pero walang package ang dumating. Iniwan ko na lang ang pangalan at numero ko. Baka sakaling i-deliver ang package. Ka'ko'y pakitawagan na lang ako.
Matapos ang mahabang prusisyon at paghahanap sa #29 natagpuan ko rin. Hindi ko nahanap ang package at parang may kumukulit sa dibdib ko na baka natanggap na nila ang package o may nakakuha na at hindi nila ito ibibigay sa'kin. Susubukan kong hanapin ito sa post office. Good luck sa'kin. Ngunit kahit hindi naresolbahan ang isyu ng package ko, may natagpuan naman ako. Nakilala kong uli ang kalye na kinalakhan ko. Ang Padre Florentino na kumukupkop sa samu't saring kabataan, sa ilang Isagani at Simoun, ang maikli't mahabang kuwento ng buhay sa tatlong putol na daan.
<<
Ernan at 7:17 PM