7.19.2004

Kakaiba ang panaginip ko kagabi.

Nagsimula sa isang tindahan sa sidewalk. Tindahan na parang sa divisoria. Iyong nakasalampak sa sahig ang nagtitinda at napapayungan o naka-tolda ang paninda. Sa panaginip, dalawang tindahan lang ang ipinakita. Ngunit kutob ko marami sila. Hindi ko alam kung lalake o babae ang nagbebenta. Walang gaanong ingay, walang gaanong gulo. Pero palengke iyon.

Ang tinitinda ay mga pinatuyong isda. Mga isdang pinaarawan. Mga isdang inasnan. Mga isdang nakatuhog sa stick. Iihawin o kaya piprituhin.

Pero may isang bumili. Hindi ko siya kilala. Isang mama. Katabi ko lang. Pinili niya ang isang tumpok sa gawing kanan. Bumili siya ng isa. Kumuha. Kinagat. Kinain.

Laking gulat ko ng sinabi niyang hindi naman ito isda. Mga sanggol 'to na pinitpit niyo. Sigurado ako dahil sa mga ngipin. Matitigas. Hindi ito tinik. Ngipin 'to ng sanggol.

Tinignan ko ang tumpok. May ngipin nga sa gitna. Akala mo'y tinik. Pero kung susuyurin mo ng tingin, ngipin nga.

Binalingan ko ng tingin ang ibang paninda. Kagyat nahulo ko na mga sanggol din ang iba. Mayroong mga ulo ng sanggol na pinisa sa bumbunan. Mga mukhang pinisak. May mga sanggol na nilapat para matuhog sa stick.

Nagitla ako. Ang binebenta ng tindera ay tao. Mga sanggol na pinatay. At binibili ito ng mga tao ng hindi nila alam. Kinakain nila ang kalaman nila. Hindi maalis ang titig ko sa mga paninda. Hanggang idura ng katabi ko ang mga ngipin ng kinakain niyang sanggol. Bumaliktad ang sikmura ko.

Pagkatapos ng panaginip na 'to, hindi na naging magaan ang tulog ko.



<<

Ernan at 10:52 AM

0   comments

0 Comments

Post a Comment