9.18.2004


Three fights and a fight fight Blue and White!
One Big Fight!


Goodluck bukas.

Pagbigyan niyo muna ang kahipokrituhan ko. Kunyari masugid talaga akong fan. Ngunit hindi ba mas maigting at mas dalisay ang mga sentimyentong minsan lang binibitiwan?





Isang Huwebes, nakakulob ang isipan sa dami ng trabaho. Nagkililing ang telepono. Buti narinig pa. Buti hindi naaburido. Buti sinagot ang telepono.

Masigasig ang boses sa kabilang linya. Hinahanap si Ernan. Ako iyon. Ang sabi niya si Connie raw siya. Si Ate Connie pala. Pinantayan ko ang sigla ng boses niya. "O Ate Connie bakit po?"

"Naririto na ang package mo. Dinala pala nila sa small parcels. Buti ka'mo nakita namin bago i-RTS." Teka, package. Ate Connie? Ang kilala kong Ate Connie e nagpapahiram ng redheads at generator. Anong package?

Bigla luminaw ang lahat. "Punta ka rito sa post opis para kunin mo. May babayaran ka nga lang na storage fee." Sa post office pala 'to. Lumiwanag ang lahat. Maliwanag na maliwanag. Nahanap nila ang package na nawawala. Ang pinadala ni Tessa sa maling address. Sa address na pinuntahan ko at nilakad hanggang Sampaloc pa pero hindi natagpuan. Sa adddress sa may talipapahan na nag-iwan pa ako ng numero at baka sakali. Ang package na itinawag kong nawawala at baka naroroon sa post office. Ipinaiwan nila ang numero ko at tatawagin nila ako kapag nakita nila. Halos isang buwan na ang nakakaraan noon. Hindi na ako umaasa pang makita.

Pero heto. Kausap ko ngayon ang isang taga-post office. Si Ate Connie. Kinukuwenta niya ang babayaran ko para matubos ang package. "Two hundred fifty pesos. Sa bawat araw na extra na hindi mo kukunin, magbabayad ka ng five pesos. Ganito kasi rito. Storage fee. Naku kaya kunin mo na agad." Nakita nila ang package. Hind ko alam kung ano ang mas matingkad na damdamin. Ang tuwa na makukuha ko ang package na pinaghirapan ng sobra o ang malaking pagtatakha at amazement na gumagana ang post office natin.

Kinabukasan kinuha ko na ang package. Ang post pffice dito sa Quezon City ay malapit sa NIA road. Isang nasisirang gusali sa tabi ng mga barung-barong. May baratilyo sa harapan. Nakapagtataka kasi gaano naman karami ang taong napaparaan ng post office. Sa entresuwelo, pisak-pisak ang sementong hagdan.

Window 37 daw ako pupunta. Nagpakilala na ako. Sinabi ko na may tumawag sa akin. Maluwag ang ngiti ng babae, ikaw pala 'yun. Tinawag ang ibang kasamahan, kinukuha na raw ang number 29 na package. Sinilip nila ako. Aba, sikat pala ako at ang package ko. Sinamahan pa nila ako magbayad para sa storage fee. Kuwento ng kuwento ang babae. Kung paanong mapalad daw ako. Kung bakit naman daw kasi mali ang numero. Kung ano ba raw ang laman ng package.

Nagbayad ako sa isang matandang ale na kulay lila ang buhok. Natandaan ko siya. Sa kaniya ko dati kinuha ang isa pang padala. Ngunit abuhin at maputi ang buhok niya. Hindi kumupas at pinaglaruang lila. Malalaking kulot na lila. Dahil sa tuwa ko at nakita ko ang package at ayan na nga, hawak-hawak na nga ng babae, binati ko ang matandang ale. Sabi ko natatandaan ko siya kaso nga puti ang buhok niya. Biglang binida ng kasama ko na hindi raw nagpatina ng buhok si lola. Nag-Creamsilk black lang daw. "Ang galing ano?" A, itim pala siya dapat.

Matapos akong magbayad, ibinigay na niya ang package. Pero ininspek muna. Parang shoebox ang package. Ang totoo'y hindi ko alam ang laman noon. Ngayon ko lang malalaman. Binuksan ni ate. Kumuha siya ng cutter at sinuyod ang gilid. Pinutol ang makapal na puting packing tape. Pagbukas, may isang shopping bag. Gap Essentials. Sa loob-loob ko, Gap? Sinilip niya. Isang CD, isang t-shirt at isang libro ang laman. Hindi ko nakita kung ano ang CD, ano hitsura ng damit o anong libro. "CD pala ang laman, tsaka tama ka damit nga." Ang sigaw ni ate sa ibang mga kasamahan sa kabilang kuwarto. Palaisipan din pala sa kanila ang package ko.

Iniabot niya sa'kin ang package. Pero hinanapan niya ako ng ID. Lagot, wala akong ID. Naiwan ko sa MTRCB. Sabi ko lumang SSS lang ang dala ko. Kasi nawala ang wallet ko. Okay na rin daw yun sabi niya sabay ngiti sa'kin at abot sa package. Banggit niya, "naririto ka na rin lang, kumuha ka na ng postal ID. Mahirap ang walang ID."

Oo nga. Akyat daw ako ng second floor para kumuha ng application. Sa Administration sa dulo. Pero paano aakyat ng second floor? Walang hagdanan. Kailangan mo pa palang lumabas at pumunta sa gilid ng gusali sa may bandang likuran. Naroroon daw ang hagdanan.

Parang warehouse ang loob ng post office. Isang malawak na lugar na napupuno ng mga pigeo holes na walang saraduhan. Mga shelves na may laman na mga sulat. Ang daming sulat! Umakyat ako sa second floor. May sign na nagpapahiwatig na ng mga sulat ay papuntang Cubao. Wala talagang mesa. Sa halip, mga maliliit na shelves ang kaharap ng mga upuan. Mga shelves na pinaglalagyan ng iba pang sulat. Mainit sa loob. Hindi aircon at iilan lang ang bentilador. Kaya ang mga empleyadong lalaki (halos lahat sila lalaki) ay nakahubad ng pang-itaas. Nakasabit ang mga damit at polo nila sa likod ng silya. Natutulog, naglalakad at nagtatrabaho silang parang mga tambay.

Sa dulo, ang admin pala ay isang puwesto na hinaharangan ng mesa. Humingi ako ng form. Fill-up-an ko raw at ibalik ko. Nakalimutan niya, kailangan daw may pa-fill up ako sa kartero namin. Pagkatapos ibalik, may 5 working days daw bago maibigay ang ID.

Umalis na ako. Hawak-hawak ang package sa isang kamay at ang form sa kabila. Katuwa ang lugar kung saan namamahinga saglit at nagpapalipat-lipat ang mga sulat ng mga taong mahahalaga sa'kin. Lalong bumibigat at nagbibigay importansiya sa bitbit na package. Lalong nahuhulo ang layo at gulo na binuno bago makarating sa'kin. Na nagdodoble kara ang mga katagang nabasa na I miss you. Ang mawala at matagpuan. Ang maalala.

<<

Ernan at 7:05 PM

0   comments


9.10.2004

Buong araw ako sa Cebu kahapon. Lumipad ng alas siyete ng umaga at bumalik ng alas nuwebe ng gabi. Noon lang uli ako bumalik ng Cebu matapos ang anim na taon. Ang huli'y nang magbakasyon sandali at angkinin ang kuwarto sa taas ng garahe nina Steph. Mahal ko pa rin ang kuwartong iyon. Halos hindi na nga ako lumabas doon. Pipit ang gumigising sa'kin at mga kulay rosas na bouganvillea ng kapitbahay ang unang bumabati ng magandang umaga.

Mula sa huling pagbisita, wala pa ring masyadong nagbago sa akin at sa relasyon namin ng Cebu. Mahinhing Maynila pa rin ang tingin ko sa kaniya. "Bangkahi ko ug lami na baki" pa rin lang ang alam kong buong bisayang pangungusap. At malls pa rin lang ang nabibisita ko sa kaniya. Dumagdag pala, coffee shops pala ang tinambayan ko ngayon. Noong huli'y dumaan kaming National Bookstore at namili ng libro, kahapo'y tumungo ako sa Robinson's at namili ng libro. Sa parehong pagkakataon, wala akong inuwing pasalubong (kahit Dried Mangoes). Ang bitbit ko'y mga libro.

Gaya ng inaasahan nakipagkita ako sa mga kakilala sa Cebu. Nagtagpo kami nina Mia at Jeneen sa Bo's Coffee Shop. Nagkilanlan kami uli at minsan may sumusulpot na di inaasahang katahimikan. Ngunit di nagtagal bumalik ang lumang ritmo at magaan ang takbo ng kuwentuhan. Halos walang pinagbago. Ganoon pa rin ang isa't isa. Nagkaroon lang kami ng mga trabaho, tumanda ang mga hitsura nang kaunti, ngunit sila pa rin ang nakilala kong mga kaibigan noon.

Sa biyahe papuntang Mactan International Airport pauwi, nasumpungan ko ang Cebu ng gabi. Kung kailan nagsisiuwian ang mga tao at nagluluksa ang lansangan. Madilaw din ang ilaw sa daan at pakiramdam ko kilala ko ang lahat ng mukhang nakakasalubong ko. Palagay ko, kinukupkop ako ng Cebu. Marahil sa pagkakawangis nito sa Maynila. Marahil sa dami ng kaibigan doon. Pero parang hindi ako napadaan lang. Parang habang naririto ako ngayon, may ako na naroroon sa tapat ng lumang mall na nakasalampak sa sidewalk. Hindi sa hininihintay akong bumalik ngunit naroroon lang siya.

Hindi ko alam kung babalik pa ako uli ng Cebu at hindi ko rin naman hinahanap-hanap. Ngunit para siyang hindi nakilalang kaibigan. Nariyan lang siya lagi sa likuran.

<<

Ernan at 4:49 PM

0   comments


9.03.2004

Sa isang survey sa kabataan noong 2003 napag-alaman na lalo silang nawawalan ng kumpiyansa sa gobyerno at sa bansa. Na karamihan sa kanila, sa atin, ay ninanais na mangibang bayan para guminhawa ang buhay. Lalong umiigting ang pagkakabit ng halaga na mabuting buhay sa stateside.

Kahit saan mas maigi kaysa rito sa Pinas, maski Iraq, maski sa ngipin ng giyera. Nakakalungkot.

Bukod sa pag-aayos ng ekonomiya, dapat matanto na kinakailangan ding baguhin ang tingin natin sa sarili, sa kinabukasan, sa bayan. Katambal ng mga programa para maiangat ang kalidad ng buhay ay dapat ang mga programa na nagpapatibay na mabuti rito sa Pinas. Na dito na lang tayo. Na dito tayo dapat. Magtiwala sa sarili, sa kapuwa.

Kaya nga nakakagulat sa pinatupad na ordinansa sa Maynila, sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila pa man din. Saan ka makakakita na bawal magsalita ng sariling wika sa loob ng buong pamantasan. Ni hindi man lang international school. Kagila-gilalas. Bawal ang Filipino, dapat Ingles lang. Para raw mas maging competent ang mga estudyante. Matutong makipagsabayan. Kayanin ang makabagong hadlang.

Paano nito maitatama ang mali? Dumaragdag lamang. Maigi siguro na sa loob ng klase ng Ingles ngunit hindi sa buong pamantasan. Sinasabi lang ng ordinansang ito na mas magaling ang Ingles, hamak lang ang Pinoy. Walang ibubuga.

Kalunos-lunos tayo. Lalo na at wala man lang akong naririnig na di pagsang-ayon kanino man. Maski sa media, maski sa mga guro ng Pinoy.

Para sa kabuuang artikulo, pumunta rito.

<<

Ernan at 9:19 PM

0   comments