3.12.2004
Kanina namili ako ng libro. Nito lang uli sa loob ng matagal na panahon. Dalawa o tatlong buwan siguro. Sa akin na babad sa libro, parang dalawa o tatlong taon ang tagal nun.Gaya ng lahat, hindi ko sinasadyang bumili ng libro. Saktong mahaba ang hintay sa counter ng palitan ng dolyar sa SM City kaya minabuti kong palipasin ang oras sa pag-iikot. At saan pa ba ako dadalhin ng paa ko kundi sa mga libro.
Ang nabili ko: Ivanhoe ni Sir Walter Scott (panighaw uhaw sa hilig ko sa Classics at mga knights), The Question of Bruno ni Aleksandar Hemon (di ko siya kilala at wala akong balita sa libro ngunit mukhang interesante at saka 50 pesos lang siya), at Tilad na Dalit ni Teo Antonio (napagisip-isip ko na matagal na akong hindi bumibili ng libro ng mga tula, bukod pa roon, naririto ang Hindi na Takot sa Tubig at wala pa akong kopya ng tulang iyon).
Halos dalawang oras din akong tumingin-tingin. Sa sobrang tagal na, nakalimutan ko na ang panggigil sa pagbuklat ng mga libro. Ang hinayang sa pagbitiw ng isa at sabihin sa sarili na "saka na lang". Ang aliw sa pagsulpot-sulpot ng mga saleslady sa tabi mo at baka kasi may itatanong ka o kaya nama'y pinaghihinalaan ka lang na magnanakaw o gago. Ang tuwa na paglabas mo ng tindahan ay may bitbit ka ng bagong biling libro.
Mga maliliit na kasiyahan na bumubuo sa araw ko, sa buhay ko. Kay tagal ko ring di pinaunlakan ang sarili. Kasi nagtitipid. Kasi may mga 10 ata akong librong hindi pa nababasa sa bookshelf ko. Kasi wala lang.
------------
Nasa usapang libro na rin lang naman tayo, may isa pa akong kuwento.
May libro ka ba na nabasa noong kabataan mo na nagustuhan mo? Na gustung-gusto mo. Pero hindi mo na maalala ko ano iyon, kung ano ang mga pangalan ng mga karakter, kung sino ang nagsulat, kung ano ang pamagat ng libro. Ang naalala mo lang ay mga ilang tagpo at ang pagkabatid na gusto mo ang libro. Na isang beses, o kahit na ilang beses, mong nabasa sa kabataan pero pagkatapos noon ay wala na. Hindi mo na nabasa uli. At sinubukan mong hanapin pero hindi mo na natagpuan pa. Na pinagtanong-tanong mo pero walang nakakaalam. Kahit na iyong mga dalubhasa sa libro. Na mga 13 taon na ang nakakaraan at hindi mo pa rin nakakalimutan iyong librong mailap. Napakailap. Na inaakala mo na minsan ay inimbento mo lang noong kabataan. O kaya'y ibang libro at mali lang ang pagkaintindi mo. Na kapag nahanap mong uli malamang nasa Top 3 Favorite Book of All Time mo.
Alam mo ba ang pakiramdam ng binabanggit ko?
May isang libro ako na nabasa ko noong nasa Grade 5 o Grade 6 yata ako. Hiniram ko sa library namin. Nagustuhan ko. Gustung-gusto. Kinagiliwan ko. Apat na beses ko yatang hiniram. Binasa nang makailang ulit. Pag dating sa high school, hindi na nabasa uli. Kasi nasa elementary library iyun. Pambatang libro kasi. Kaya hinanap ko sa high school library wala. At binalikan ko sa elemntary library, hindi ko na makita. Sa paglipas, nakalimutan ko ang pamagat. Hindi pa kasi umiinog ang buhay ko sa libro noon. Mas importanteng alamin ang Speed at Agility ni Cable kaysa sa mga pamagat ng libro at lalong hindi ang awtor. Alam ko lang ang hitsura ng cover at kung saang section at shelf ng library nakalagay. Kaya hindi nakapagtataka na hindi ko mahanap.
Hindi ko nga nahanap. Nakalimutan ko ang pamagat. Ang naalala ko lang ay tungkol ito sa garden na lumalabas tuwing gabi. At may babae sa garden at naging kaibigan siya ng bida. Nakalimutan ko na ang iba, ang lahat. Iyon lang ang alam ko. Pero naaalala ko na maganda ang libro. Magandang maganda.
Hindi ko na siya nahanap. Akala ko nagkamali lang ako ng intindi at Secret Garden ang nabasa ko. Pero bukod sa parehas na may garden ang Secret Garden at ang mailap na libro, malayo ang kuwento ng dalawa.
Hindi ko na siya nahanap. Hanggang sa nitong linggo. Patalun-talon akong tumitingin sa imdb ng mga pelikula ng matapat ako sa isang pelikulang UK. Ang pamagat, Tom's Midnight Garden. Isang pelikulang pambata na halaw sa librong pambata. At bigla, may nag-click. Iyon ang libro na matagal ko nang hinahanap. Letse, kasimple ng pamagat nakalimutan ko pa.
Tom's Midnight Garden. Si Philippa Pearce ang nagsulat, kung sino man siya. Hindi ko na kakalimutan uli. 1955 pa siya unang nalathala. Anong saya! Parang natagpuan ko ang ginto ng Yamashita. Parang nabuhay uli ang kabataan ko.
Tom's Midnight Garden. Tom's Midnight Garden. Tom's Midnight Garden. Hindi ko na kakalimutan pang uli.
Ngayong alam ko na ang librong hinahanap, saan kaya makakahanap ng kopya dito sa Maynila?
<<
Ernan at 4:06 AM
3.11.2004
EveningJuan Ramon Jimenez
At the pier now in the red and opal evening,
In the weeping wind of this evening,
By turns warm and cool,
The black ship is waiting.
Tonight we will still turn to
What is already nothing—
To where all is being left behind
Without us—
Disloyal to what is ours.
And the black ship is waiting—
We say: everything is ready!
And our eyes turn sadly back
Seeking something we do not know which is no more with us,
Something we have not seen,
Which has not been ours,
But is ours because it might have been!
Good-by! Good-by! Good-by! To everywhere, though we have not yet gone.
And, not wanting to, are almost going!
All is left behind with its life,
Left behind without ours.
Good-by from tomorrow—now we are homeless—
To you and in you, unknown to you, to myself even,
To you who never reached me, even though you were running,
To you whom I never reached, even though I hurried—
How sad the space between us!
...And, seated, we weep, still without going,
And, already far away, we weep with eyes
Against the wind and sun which are struggling crazily.
Huling mga buwan ng fourth year college, paulit-ulit kong binabasa iyang tula na iyan. Inilagay ko pa nga sa cork board sa lumang pubroom. Kuhang kuha kasi ng tula ang pakiramdam ng isang magtatapos. Lalo na kapag nasagutan na ang final exam at wala ka nang gagawin at hintayin na lang ang oras at graduation. Araw-araw pumapasok ka pa rin para tumambay kasi alam mong huling pagkakataon mo na ito. Hindi ka pa man handang umalis, pakiramdam mo pinapaalis ka na. Sa mga huling araw na iyon, andaming biglang dapat gawin o sana'y ginawa mo. Naalala ko kami, mga Heightsers ng batch namin, huling hirit na nilakad ang kahabaan ng Eagle's Park at tinawid ang Katipunan at pinuntahan ang McDo para bumili ng kape, at para humiga sa gitna ng Katipunan. Si Mia yata iyon at ako, humilata sa kahabaan ng Katipunan, lapat na lapat ang likod sa sementadong kalsada. Unang naramdaman ko, hindi panganib, kundi pagkagulat. Mainit pala sa likod ang Katipunan at hindi kasing lamig ng semento ng dingding ng Colayco.
Mahilig ako magbalik-tanaw. Kahit hindi hinihingi ng panahon. Lagi ko inaalala ang nakaraan. Hindi lang ang oras na ginugol sa Ateneo kundi yung mas nauna pa—ang high school, apartment, kabataan sa Pampanga. Melancholia. Kung papatimbangin nga sa akin ang tatlo (nakaraan, ngayon at bukas) mas binibigyan ko ng bigat ang nakaraan.
Ngunit dati iyan. Ngayon natututunan ko nang pabayaan ang nakalipas at huwag halukayin ang nabaon na. Alalahin paminsan-minsan ngunit hindi pilit balikan, tigilan ang panghihinayang at harapin ang bukas. Natututunan ko nang pahalagahan ang darating. Nasasaisip ko na rin ang bukas. Senyales ng pagtanda? Marahil. Mas magiging mabuti ba akong tao? Malalaman natin. Makakabuti ba? Sana naman.
Napagod na ako sa melancholia. Nakakapagod na laging mabigat ang damdamin. Kahit na, marahil, lumipas na ang pinakamasasayang araw ko. Oras na para buksan ang bintana, pintuan at lahat-lahat ng kalooban at pahingahin. Antabayan ang paparating, kung ano man iyon, kahit ano man iyon.
X
from Intimations of Immortality
William Wordsworth
Then sing, ye Birds, sing, sing a joyous song!
And let the young Lambs bound
As to the tabor's sound!
We in thought will join your throng,
Ye that pipe and ye that play,
Ye that through your hearts to-day
Feel the gladness of the May!
What though the radiance which was once so bright
Be now for ever taken from my sight,
Though nothing can bring back the hour
Of splendour in the grass, of glory in the flower;
We will grieve not, rather find
Strength in what remains behind;
In the primal sympathy
Which having been must ever be;
In the soothing thoughts that spring
Out of human suffering;
In the faith that looks through death,
In years that bring the philosophic mind.
<<
Ernan at 1:44 PM
3.05.2004
Taong gabi ako. Ipinagpalit ko na ang kahinahunan ng umaga sa haba ng gabi. Karaniwan, alas-dose ng tanghali ako nagigising. Matagal ko nang di nakikita ang pagtama ng kamay ng relos sa ika-pito habang maliwanag ang paligid.Kaya malaki ang kunot ng mukha ko nang gisingin ako ng kapatid ko kaninang umaga dahil may iluluklok raw at kinakailangan nandoon ako. Alas-otso iyon at wala pang tatlong oras ang tulog ko. Kaysa masira ang araw at ang buong buwan ko sa talak ng nanay at tatay ko tungkol sa pagpupuyat, minabuti ko nang tumayo at umarte ng sobrang hilo at antok.
Lalo pang nalukot ang mukha ko nang malaman ko kung ano ang ibig sabihin ng iluluklok. May malaking litrato ng Hesu Kristo ni Sister Faustina sa may dingding sa sala at may matandang mestiso na naka-barong na puti na naghihintay. Ang iluluklok pala ay ang pinta ng Hesu Kristo na Maawain at ang paraan ng pagluluklok ay katekismo, konsekrasyon at dasal. Mahaba-habang usapan ito.
Wala pang ligo, hindi pa nakakapagsipilyo, ni hindi pa bumibisita sa banyo, naknamputsa, alas-otso pa lang at ang pinag-uusapan namin ay apocalypse. Ayon sa matandang mestiso na may dala na bendisyon, na nagpakilala bilang Mr. Gutierrez, hindi raw natuloy ang ikalawang pagdating ni Kristo noong 2000 sapagkat pinakiusapan daw ng mga anghel at santo ang Haring Diyos na huwag ituloy. Kaya ayun, napostpone daw hanggang 2005. Ibig sabihin, next year magugunaw na ang mundo. Ibig sabihin wala nang dahilan pang mag-aral ako para sa Masters ko at ibig sabihin magpakasaya na ako, pupunta na ako sa Brazil, mag-sky dive na ako, lalakarin ko ang buong Pilipinas.
Kaso, hindi ako naniniwala. Habang nagleleksiyon si Mr. Mestiso Gutierrez sa purgatoryo at ang pagpunta niya sa langit, iniisip-isip ko na kakawayan at hahatakin ko siya papuntang Impiyerno. Habang inilalahad niya ang unang tagpo ng kanyang Blessed Sr. Faustina at ng Diyos, nagngingitngit ako na nasisiraan lang ng ulo ang hitad na madre. Kung hindi ako lumaking Katolikong Sarado, nakakatakot ang mga kuwento ng milagro. Hindi ko painiwalaan at sasabihin kong kathang hibang.
Ngunit habang iniisip ang mga iyon, bumaliktad ang pakiramdam ko. Pinagdudahan ko ang duda ko sa paniniwala. Hindi masamang pagdudahan ang Diyos at relihiyon, ngunit dapat ding pagduduhan mo ang duda mo kung bakit hindi ka naniniwala.
Alas-otso pa lang ng umaga sumisirko-sirko na ang utak ko. Kaya't pinabayaan ko na lang ang pag-iisip. Saka na, kapag pumatak ang gabi at nagpakita na ang mga estrelya. Saka ko babalikan ang palaisipang iyan. Pansamantala, hinayaan ko na munang iluklok ang Hesu Kristong Maawain at pagtapos na pagtapos ng pagluluklok bumalik ako kaagad sa kama.
At nagising ako ng alas-dos. Hindi nagising para sa lunch namin ni Kat. Nang-indiyan na naman ako. Lagot!
Sakit ko na ito noon pang kolehiyo. Hindi ang pagsipot ngunit ang paggising ng late. Mula noon hanggang ngayon. Isa ngang isyu 'yan sa pag-alis ko sa Absi. Nirereklamo kasi na lagi akong late. Ang siste, sabi ko pag pasok ko, flexi time at binanggit ko na hindi ako morning person at malamang laging late. Ang sagot sa akin, basta ginagawa ko ang trabaho ko walang kaso. Kaso naging kaso sa magaling kong Head. Sa bagay, hindi lang naman 'yun lang ang dahilan. Napakarami at mas mabibigat pang iba kung bakit nilayasan ko ang trabaho ko sa Absi.
Ngayon nga, nanganganib akong ma-drop sa isang subject ko sa Masters. Kasi naman 8:00 am ng Sabado ang simula ng klase. At boring pa ang titser. Wala naman akong problemang ma-drop sapagkat hindi naman ako nag-aaral uli para kumuha ng titulo o diploma, kundi para lang mag-aral kasi masaya. Wala naman akong magagawa kasi pinagpilitan ng College Dean na kunin ko ang kursong iyon kasi pre-req daw.
Sa palagay ko, hindi na ako masasanay sa umaga. At hindi na akog magkakamaling magschedule ng kahit ano ng mas maaga sa alas-diyes. Kahit sabihin pa ng Diyos na ang maliligtas lang sa pangalawang pagdating niya sa 2005 e ang mga taong gising ng alas-sais ng umaga, matutulog ako at magkita-kita na lang tayo sa impiyerno at sa panaginip.
<<
Ernan at 5:34 PM