3.05.2004

Taong gabi ako. Ipinagpalit ko na ang kahinahunan ng umaga sa haba ng gabi. Karaniwan, alas-dose ng tanghali ako nagigising. Matagal ko nang di nakikita ang pagtama ng kamay ng relos sa ika-pito habang maliwanag ang paligid.

Kaya malaki ang kunot ng mukha ko nang gisingin ako ng kapatid ko kaninang umaga dahil may iluluklok raw at kinakailangan nandoon ako. Alas-otso iyon at wala pang tatlong oras ang tulog ko. Kaysa masira ang araw at ang buong buwan ko sa talak ng nanay at tatay ko tungkol sa pagpupuyat, minabuti ko nang tumayo at umarte ng sobrang hilo at antok.

Lalo pang nalukot ang mukha ko nang malaman ko kung ano ang ibig sabihin ng iluluklok. May malaking litrato ng Hesu Kristo ni Sister Faustina sa may dingding sa sala at may matandang mestiso na naka-barong na puti na naghihintay. Ang iluluklok pala ay ang pinta ng Hesu Kristo na Maawain at ang paraan ng pagluluklok ay katekismo, konsekrasyon at dasal. Mahaba-habang usapan ito.

Wala pang ligo, hindi pa nakakapagsipilyo, ni hindi pa bumibisita sa banyo, naknamputsa, alas-otso pa lang at ang pinag-uusapan namin ay apocalypse. Ayon sa matandang mestiso na may dala na bendisyon, na nagpakilala bilang Mr. Gutierrez, hindi raw natuloy ang ikalawang pagdating ni Kristo noong 2000 sapagkat pinakiusapan daw ng mga anghel at santo ang Haring Diyos na huwag ituloy. Kaya ayun, napostpone daw hanggang 2005. Ibig sabihin, next year magugunaw na ang mundo. Ibig sabihin wala nang dahilan pang mag-aral ako para sa Masters ko at ibig sabihin magpakasaya na ako, pupunta na ako sa Brazil, mag-sky dive na ako, lalakarin ko ang buong Pilipinas.

Kaso, hindi ako naniniwala. Habang nagleleksiyon si Mr. Mestiso Gutierrez sa purgatoryo at ang pagpunta niya sa langit, iniisip-isip ko na kakawayan at hahatakin ko siya papuntang Impiyerno. Habang inilalahad niya ang unang tagpo ng kanyang Blessed Sr. Faustina at ng Diyos, nagngingitngit ako na nasisiraan lang ng ulo ang hitad na madre. Kung hindi ako lumaking Katolikong Sarado, nakakatakot ang mga kuwento ng milagro. Hindi ko painiwalaan at sasabihin kong kathang hibang.

Ngunit habang iniisip ang mga iyon, bumaliktad ang pakiramdam ko. Pinagdudahan ko ang duda ko sa paniniwala. Hindi masamang pagdudahan ang Diyos at relihiyon, ngunit dapat ding pagduduhan mo ang duda mo kung bakit hindi ka naniniwala.

Alas-otso pa lang ng umaga sumisirko-sirko na ang utak ko. Kaya't pinabayaan ko na lang ang pag-iisip. Saka na, kapag pumatak ang gabi at nagpakita na ang mga estrelya. Saka ko babalikan ang palaisipang iyan. Pansamantala, hinayaan ko na munang iluklok ang Hesu Kristong Maawain at pagtapos na pagtapos ng pagluluklok bumalik ako kaagad sa kama.

At nagising ako ng alas-dos. Hindi nagising para sa lunch namin ni Kat. Nang-indiyan na naman ako. Lagot!

Sakit ko na ito noon pang kolehiyo. Hindi ang pagsipot ngunit ang paggising ng late. Mula noon hanggang ngayon. Isa ngang isyu 'yan sa pag-alis ko sa Absi. Nirereklamo kasi na lagi akong late. Ang siste, sabi ko pag pasok ko, flexi time at binanggit ko na hindi ako morning person at malamang laging late. Ang sagot sa akin, basta ginagawa ko ang trabaho ko walang kaso. Kaso naging kaso sa magaling kong Head. Sa bagay, hindi lang naman 'yun lang ang dahilan. Napakarami at mas mabibigat pang iba kung bakit nilayasan ko ang trabaho ko sa Absi.

Ngayon nga, nanganganib akong ma-drop sa isang subject ko sa Masters. Kasi naman 8:00 am ng Sabado ang simula ng klase. At boring pa ang titser. Wala naman akong problemang ma-drop sapagkat hindi naman ako nag-aaral uli para kumuha ng titulo o diploma, kundi para lang mag-aral kasi masaya. Wala naman akong magagawa kasi pinagpilitan ng College Dean na kunin ko ang kursong iyon kasi pre-req daw.

Sa palagay ko, hindi na ako masasanay sa umaga. At hindi na akog magkakamaling magschedule ng kahit ano ng mas maaga sa alas-diyes. Kahit sabihin pa ng Diyos na ang maliligtas lang sa pangalawang pagdating niya sa 2005 e ang mga taong gising ng alas-sais ng umaga, matutulog ako at magkita-kita na lang tayo sa impiyerno at sa panaginip.

<<

Ernan at 5:34 PM

0   comments

0 Comments

Post a Comment