3.12.2004
Kanina namili ako ng libro. Nito lang uli sa loob ng matagal na panahon. Dalawa o tatlong buwan siguro. Sa akin na babad sa libro, parang dalawa o tatlong taon ang tagal nun.Gaya ng lahat, hindi ko sinasadyang bumili ng libro. Saktong mahaba ang hintay sa counter ng palitan ng dolyar sa SM City kaya minabuti kong palipasin ang oras sa pag-iikot. At saan pa ba ako dadalhin ng paa ko kundi sa mga libro.
Ang nabili ko: Ivanhoe ni Sir Walter Scott (panighaw uhaw sa hilig ko sa Classics at mga knights), The Question of Bruno ni Aleksandar Hemon (di ko siya kilala at wala akong balita sa libro ngunit mukhang interesante at saka 50 pesos lang siya), at Tilad na Dalit ni Teo Antonio (napagisip-isip ko na matagal na akong hindi bumibili ng libro ng mga tula, bukod pa roon, naririto ang Hindi na Takot sa Tubig at wala pa akong kopya ng tulang iyon).
Halos dalawang oras din akong tumingin-tingin. Sa sobrang tagal na, nakalimutan ko na ang panggigil sa pagbuklat ng mga libro. Ang hinayang sa pagbitiw ng isa at sabihin sa sarili na "saka na lang". Ang aliw sa pagsulpot-sulpot ng mga saleslady sa tabi mo at baka kasi may itatanong ka o kaya nama'y pinaghihinalaan ka lang na magnanakaw o gago. Ang tuwa na paglabas mo ng tindahan ay may bitbit ka ng bagong biling libro.
Mga maliliit na kasiyahan na bumubuo sa araw ko, sa buhay ko. Kay tagal ko ring di pinaunlakan ang sarili. Kasi nagtitipid. Kasi may mga 10 ata akong librong hindi pa nababasa sa bookshelf ko. Kasi wala lang.
------------
Nasa usapang libro na rin lang naman tayo, may isa pa akong kuwento.
May libro ka ba na nabasa noong kabataan mo na nagustuhan mo? Na gustung-gusto mo. Pero hindi mo na maalala ko ano iyon, kung ano ang mga pangalan ng mga karakter, kung sino ang nagsulat, kung ano ang pamagat ng libro. Ang naalala mo lang ay mga ilang tagpo at ang pagkabatid na gusto mo ang libro. Na isang beses, o kahit na ilang beses, mong nabasa sa kabataan pero pagkatapos noon ay wala na. Hindi mo na nabasa uli. At sinubukan mong hanapin pero hindi mo na natagpuan pa. Na pinagtanong-tanong mo pero walang nakakaalam. Kahit na iyong mga dalubhasa sa libro. Na mga 13 taon na ang nakakaraan at hindi mo pa rin nakakalimutan iyong librong mailap. Napakailap. Na inaakala mo na minsan ay inimbento mo lang noong kabataan. O kaya'y ibang libro at mali lang ang pagkaintindi mo. Na kapag nahanap mong uli malamang nasa Top 3 Favorite Book of All Time mo.
Alam mo ba ang pakiramdam ng binabanggit ko?
May isang libro ako na nabasa ko noong nasa Grade 5 o Grade 6 yata ako. Hiniram ko sa library namin. Nagustuhan ko. Gustung-gusto. Kinagiliwan ko. Apat na beses ko yatang hiniram. Binasa nang makailang ulit. Pag dating sa high school, hindi na nabasa uli. Kasi nasa elementary library iyun. Pambatang libro kasi. Kaya hinanap ko sa high school library wala. At binalikan ko sa elemntary library, hindi ko na makita. Sa paglipas, nakalimutan ko ang pamagat. Hindi pa kasi umiinog ang buhay ko sa libro noon. Mas importanteng alamin ang Speed at Agility ni Cable kaysa sa mga pamagat ng libro at lalong hindi ang awtor. Alam ko lang ang hitsura ng cover at kung saang section at shelf ng library nakalagay. Kaya hindi nakapagtataka na hindi ko mahanap.
Hindi ko nga nahanap. Nakalimutan ko ang pamagat. Ang naalala ko lang ay tungkol ito sa garden na lumalabas tuwing gabi. At may babae sa garden at naging kaibigan siya ng bida. Nakalimutan ko na ang iba, ang lahat. Iyon lang ang alam ko. Pero naaalala ko na maganda ang libro. Magandang maganda.
Hindi ko na siya nahanap. Akala ko nagkamali lang ako ng intindi at Secret Garden ang nabasa ko. Pero bukod sa parehas na may garden ang Secret Garden at ang mailap na libro, malayo ang kuwento ng dalawa.
Hindi ko na siya nahanap. Hanggang sa nitong linggo. Patalun-talon akong tumitingin sa imdb ng mga pelikula ng matapat ako sa isang pelikulang UK. Ang pamagat, Tom's Midnight Garden. Isang pelikulang pambata na halaw sa librong pambata. At bigla, may nag-click. Iyon ang libro na matagal ko nang hinahanap. Letse, kasimple ng pamagat nakalimutan ko pa.
Tom's Midnight Garden. Si Philippa Pearce ang nagsulat, kung sino man siya. Hindi ko na kakalimutan uli. 1955 pa siya unang nalathala. Anong saya! Parang natagpuan ko ang ginto ng Yamashita. Parang nabuhay uli ang kabataan ko.
Tom's Midnight Garden. Tom's Midnight Garden. Tom's Midnight Garden. Hindi ko na kakalimutan pang uli.
Ngayong alam ko na ang librong hinahanap, saan kaya makakahanap ng kopya dito sa Maynila?
<<
Ernan at 4:06 AM