2.26.2004
May pinagmanahan nga naman talaga ako, oo. Parehas kami ng tatay ko na impulse buyer. Iyon bang mapadaan lang sa tindahan, paglagpas ay may bitbit na.Kinulit ko lang ang tatay ko na ihatid kami, ako sa UP kasi may pasok at ang ate ko sa SM kasi mamimili ng grocery. Akalain ba namang pagsundo sa akin, agad inabot ng tatay ko ang bago niyang cellphone. Wala raw kasi siyang magawa habang hinihintay ang ate ko kaya tumingin-tingin. Sa kamalas-malasan, umabot siya sa mga nagbebenta ng cellphone. Ayun, may natipuhan. Bumili. Ngayon japorms na ang cellphone niya, colored screen at may camera. At nakupo! sigurado ako katakut-takot na tanungan at pangungulit sa features ng telepono niya. Paano ba mag-send ng message? Para saan ba ang bluetooth? Ang hina naman ng kiriring, lakasan mo nga. Ang problema, sampung beses mo nang ituro e nakakalimutan pa rin niya.
Kung sa bagay, mabuti na ring bumili siya ng bago kasi wala nga naman pala siyang ginagamit. Ibinato kasi niya ang lumang niyang cellphone sa kapatid ko nang mapika siya. Mainit kasi ang ulo niyan at mabilis pa mag-init. Kung ano ang nasa kamay, ihahampas o ihahagis. Nabato na niya ako ng mga kubiyertos, ang kuya ko ng silya, pero di hamak na ang cellphone niya ang pinkamahal niyang naitapon dahil sa galit.
Lalo pang matampuhin ang tatay ko ngayon dahil sa paniniwala niya may andropause siya. Natutuyo at nasasaid na raw ang testesterone niya. Iyon ayon sa mga pinagbabasa niya. Clinically depressed din daw siya at parang laging high dahil sa valium na iniinom niya.
Pero totoo namang may nararamdaman siya. Tumatanda na siya at di lang miminsan nawala sa sarili. Nagmamaneho sa Libis e nawalan ng alaala at hindi niya alam kung nasaan siya. Bumalik lang sa tamang katinuan noong nasa Greenhills na siya. Malayo-layo rin 'yun.
Dahil na nga siguro sa tumatanda na siya, ang hilig niyang tanungin ngayon e mga pangarap namin at mga balak sa buhay. Na wala naman kaming maisagot kasi nga di pa namin alam. At ang mga tanong na babalik sa mga kuwento niya noong dating nasa Mobil pa siya at mga lumang trabaho. Alam kong iniiwasan niya pero naririnig ko pa rin ang hinayang sa boses niya. Na lumipas na ang mga iyon at di na babalik. Na kung anuman ang itinakda niya dati para sa sarili ay hindi lahat naisakatuparan.
Pero walang nag-uusisa sa amin. Hindi ako ang magsisimulang magtanong kung paano ba siya dati. Ano ba ang hilig niya noon? Ano ba ang pangarap niya? Natupad ba?
Malamang naiisip ng iba na nararapat na may father-son talks. Pero ang mga ganoong eksena ay pampelikula lang o kaya'y ugaling Kanluranin. Sigurado ako hindi nagkaroon ng ganyang usapan ang lolo ko at ama ko. Hindi dahil sa walang pagkakataon kundi hindi lang. Manong. Hindi rin naman ibig sabihin nito'y walang pagmamalasakit sa isa't isa, sa ibang paraan ipinapakita. O mas sakto, sa hindi pagtatanong mo napapakita ang malasakit.
Para sa akin, hindi hinihiling ng isang ama-anak na relasyon ang magkaintindihan. Sapat na ang pakikibahagi na katapat ang serbesa. Ang kimkim ko ay sa akin, ang itinatago mo ay sa'yo. Ang tagpong iyakan o buong paglalahad ng lahat-lahat ay hindi kinakailangan. Isang tapik sa balikat at tagay lang ay sapat na.
Alam kong hindi mauunawaan ng iba ang ganitong sentimyento. Isa lang, maayos ang relasyon ng ama ko sa ama niya. At anupaman, maayos ang relasyon naming mga anak sa aming ama. Alam naming nagmamalasakit kami sa isa't isa. Ano pang mas klarong pag-uusap ang kinakailangan?
Minsan nagpapalabo lang ang mga salita.
<<
Ernan at 4:33 AM
2.20.2004
Pana-panahon may natitipuhan akong salita. Isang salita na kinamamanghaan ko. Na sa loob ng mga ilang linggo, paulit-ulit na bumabalik sa isipan at kinukulit ang dila ko para sambitin.Ewan ko kung ganito rin ang ibang tao pero nakakaaliw na bigkasin nang bigkasin ang isang salita hanggang parang manigas ito at mawalan ng bisa. Hanggang mahati sa mga pantig at lumabas ang ibang katangian. Hanggang ang salitang binibigkas ay hindi na ang salitang binibigkas. O paikut-ikutin ang salita sa isipan at himaymayin ang bawat letra. Hanggang tumambad ang kaibuturan nito. Ang laman sa loob ng kahulugan.
Iba-iba at halo-halo ang mga salitang ito. Minsan Ingles, minsan Filipino, minsan Capampangan, minsan Kastila o kahit na salitang Aleman na hindi ko naman talaga alam ang ibig sabihin o paano man lang gamitin. Kung saan-saan ko napupulot. Nabasa sa pahayagan o sa libro, nabanggit ng kausap o ako mismo, narinig sa radyo o napakinggan sa isang kanta.
Ngayon ang paborito kong salita ay barag. Barag. Nakakatuwa ang pagiging omnatopaeic niya. Kahit hindi mo alam kung ano ang ibig sabihin, halos nakukuha mo na ang kahulugan.
Barag. Sigurado ako na una kong naka-enkuwentro ang salitang ito sa paglalaro ng holen. Barag ang holen kapag may uka ito at may tama. May dimples ika nga o parang crater ng buwan. Barag ngunit hindi basag. Ang basag na bagay ay pira-piraso na samantalang ang barag na bagay ay buo pa rin, may tama nga lang. Barag at basag. Katuwang isipin na pagkatapos ng letrang r sa alpabeto ay s na. Barag bago basag.
Matitigas at matitibay na bagay lang ang nababarag. Marmol, holen, isang bloke ng semento. Ang marurupok, kaagad na nababasag. Salamin, baso, bintana.
Barag. Mabilis, walang hinto. Walang pagdududa. Ang lupit ng letrang r sa gitna. Sumasayad at kumakapit sa dila. Tila binabarag talaga ang salita. At ang matigas na g sa dulo parang nagpapahiwatig ng kabuuan, pinipitpit ang mga pantig.
Sinipat ko sandali sa mga talatinigan ko ang salitang barag. Wala siya. Ano ibig sabihin nito, salitang kanto ang barag at hindi pa nagagawang legal? Isa na naman ba ito sa mga salitang imbento namin ng kabataan? Pero alam ko hindi e sapagkat maraming nakakaiintindi at gumagamit ng barag.
Hay. Napaalalaahanan na naman tuloy ako kung gaano pa kabata ang wikang Filipino. Lalo pa't kung ikukumpara ito sa Ingles o sa mga Romantic Languages. Kailangan nga ba natatag ang Filipino? Wala pang isang daang taon. Isipin na lamang iyon.
At ito ang laging nakakalimutan ng lahat, nililinang natin ang sariling wika sa araw-araw. Kaparte tayo sa pagbuo nito at kung saan direksiyon ito tutungo. Kadalasan winawalang bahala natin at binabasura ito. Nariyan na ang mga hinaing ng mga tao sa mga konyos at pa-ingles ingles. Ang pinakababahala ko ay itong nakakarami at sikat na paggamit ng wika ay siyang nagiging wika talaga kapagdaka. Na kung babalewalain ng karamihan ang wika nila, balewala ang lalabas na wika.
Ewan ko sa iba pero ako nasasabik ako tuwing iisipin ko na kasama ako sa pagtatatag ng wika natin. At kung gagawa na rin lang, pagtibayin na natin ang atin. Kaya nga pumapanig ako sa Sentro ng Wika at sa UP na mentalidad kaysa sa La Salle. Ang namamayani kasi sa La Salle (ewan ko kung hanggang ngayon), basta baybayin mo sa Filipino, aba! Filipino na ang salitang iyon. Sa palagay ko, trabahong tamad iyon.
Tamad na magsaliksik at alamin talaga ang lakas ng kultura at wika natin. Bago ka man lang manghiram sa ibang bansa, aba! may lampas 100 wika kang mapaghihiramin na atin. Cebuano, Ilonggo, Capampangan, Tsabakano, Waray. Kadami na sigurado ako may mahahanap kang puwede mong ipangtumbas sa salitang hinahanap mo. Siyempre may kakulangan dito, gaya ng mga salitang bunga ng teknolohiya gaya ng computer. Malamang wala nga iyan. Sa mga pagkakataong iyan, sige humiram ka at payamanin lalo ang wika natin.
Hindi ko nga napapansin napaghahalo-halo ko na ang mga iba't ibang wika. Mula sa mga Bisaya nakuha ko ang tihik na lagi ko nang ginagamit. Sa Capampangan ang sapak. At ang dugyut (Ilonggo nga ba 'to o Bisaya pa rin ba?). Sa palagay ko, sa paghahalo-halong ito at malayang hiraman ng salita ay lalo nating pinapatibay at pinasisigla ang sariling wika.
<<
Ernan at 4:03 AM
2.16.2004
Buong akala ko malalim ang ugat ko sa high school at elementarya. Na sa lampas 10 taong kong kasalo ang mga kaklase e kilala ko na sila kahit papaano. Ngunit hindi.Tinuya ako ng Friendster. Mayroon pala akong hindi kakilala sa batch namin. Hindi ko maisip kung paanong nangyari iyon gayong wala pang 200 ang bilang naming lahat at iisa lang ang palapag ng lahat ng classroom. Sa ayaw at sa gusto mo, makakabangga mo sila sa hallway o makikita man lang sa caf habang lunchtime. At ang mga kakilala ko, hindi ko pala talaga lubos na kakilala. Sadya lang ba talaga akong makakalimutin o may sariling mundo lang ba talaga ako?
Oo makakalimutin ako, aminado. Pero hindi sa kasong ito sapagkat ni isang kislap ng alala wala talaga. Binubuo ko ang mukha nila noon mula sa mga litrato nila ngayon at pagkakataong baka kilala ko sila sa mga testimonial ng mga kakilala ko. At lagi isa lang ang nabubuo ko, kilala siya ng iba kong kaklase pero ako hindi talaga. Mga bestfriends, katambay at kung kaanu-ano nila. Sa akin, blanko.
Sariling mundo? Oo naman. Hanggang ngayon nga may sarili akong inuukit na mundo e. 4th year high school na yata ako e nagtuturumpo, habulan at teks pa ako. Dala na rin ito siguro ng pagiging malapit ng eskuwelahan sa bahay ko at ng pagiging isip-bata. Kaya pagpatak ng uwian, uwi kaagad ako. Ni wala nga akong gimik noong high school. Hindi nagdisco kasama sila. Hanggang pagpunta lang sa mga bahay-bahay at panonood ng sine.
Ngayon ngang binabalikan ko, parang tinalikuran ko ang mga kaklase ko dahil mas kumapit ako sa mga kabatak sa bahay (na kakilala ko mula pa noong sanggol ako). Sila ang kasa-kasama sa pag-inom, sa yosi, sa panonood ng bold, sa kuwentuhan hanggang madaling araw, sa pagpaplanong paglalayas, sa hiritan, sa disco, sa pagtakas, sa madaling salita, sa paglaki. Sila ang nagpalaki sa akin, ang nagluwal ng kabataan ko.
Binuwag ng Friendster ang ilusyon na mahigpit ang ugnayan namin ng aking high school days. Hindi rin pala. Pero huwag magkamali, may mga kaibigan rin akong natagpuan sa eskuwelahan. Na hanggang ngayon kasa-kasama at malalim ang ugnayan. Ang ipinakita ng Friendster ay mangilan-ngilan lang sila. Hindi sindami ng inaakala.
Napaisip tuloy ako. Ilang mga taong dapat kakilala ang nakalimutan ko na? Na kapag nagkurus ang landas namin ay hindi ko man lang lilingunin? Bagkus dire-diretso lang akong maglalakad, karag-karag ang sariling mundo.
Ernan at 4:13 AM
2.09.2004
Magsimula uli sa simula.Ernan at 2:49 AM