2.26.2004

May pinagmanahan nga naman talaga ako, oo. Parehas kami ng tatay ko na impulse buyer. Iyon bang mapadaan lang sa tindahan, paglagpas ay may bitbit na.

Kinulit ko lang ang tatay ko na ihatid kami, ako sa UP kasi may pasok at ang ate ko sa SM kasi mamimili ng grocery. Akalain ba namang pagsundo sa akin, agad inabot ng tatay ko ang bago niyang cellphone. Wala raw kasi siyang magawa habang hinihintay ang ate ko kaya tumingin-tingin. Sa kamalas-malasan, umabot siya sa mga nagbebenta ng cellphone. Ayun, may natipuhan. Bumili. Ngayon japorms na ang cellphone niya, colored screen at may camera. At nakupo! sigurado ako katakut-takot na tanungan at pangungulit sa features ng telepono niya. Paano ba mag-send ng message? Para saan ba ang bluetooth? Ang hina naman ng kiriring, lakasan mo nga. Ang problema, sampung beses mo nang ituro e nakakalimutan pa rin niya.

Kung sa bagay, mabuti na ring bumili siya ng bago kasi wala nga naman pala siyang ginagamit. Ibinato kasi niya ang lumang niyang cellphone sa kapatid ko nang mapika siya. Mainit kasi ang ulo niyan at mabilis pa mag-init. Kung ano ang nasa kamay, ihahampas o ihahagis. Nabato na niya ako ng mga kubiyertos, ang kuya ko ng silya, pero di hamak na ang cellphone niya ang pinkamahal niyang naitapon dahil sa galit.

Lalo pang matampuhin ang tatay ko ngayon dahil sa paniniwala niya may andropause siya. Natutuyo at nasasaid na raw ang testesterone niya. Iyon ayon sa mga pinagbabasa niya. Clinically depressed din daw siya at parang laging high dahil sa valium na iniinom niya.

Pero totoo namang may nararamdaman siya. Tumatanda na siya at di lang miminsan nawala sa sarili. Nagmamaneho sa Libis e nawalan ng alaala at hindi niya alam kung nasaan siya. Bumalik lang sa tamang katinuan noong nasa Greenhills na siya. Malayo-layo rin 'yun.

Dahil na nga siguro sa tumatanda na siya, ang hilig niyang tanungin ngayon e mga pangarap namin at mga balak sa buhay. Na wala naman kaming maisagot kasi nga di pa namin alam. At ang mga tanong na babalik sa mga kuwento niya noong dating nasa Mobil pa siya at mga lumang trabaho. Alam kong iniiwasan niya pero naririnig ko pa rin ang hinayang sa boses niya. Na lumipas na ang mga iyon at di na babalik. Na kung anuman ang itinakda niya dati para sa sarili ay hindi lahat naisakatuparan.

Pero walang nag-uusisa sa amin. Hindi ako ang magsisimulang magtanong kung paano ba siya dati. Ano ba ang hilig niya noon? Ano ba ang pangarap niya? Natupad ba?

Malamang naiisip ng iba na nararapat na may father-son talks. Pero ang mga ganoong eksena ay pampelikula lang o kaya'y ugaling Kanluranin. Sigurado ako hindi nagkaroon ng ganyang usapan ang lolo ko at ama ko. Hindi dahil sa walang pagkakataon kundi hindi lang. Manong. Hindi rin naman ibig sabihin nito'y walang pagmamalasakit sa isa't isa, sa ibang paraan ipinapakita. O mas sakto, sa hindi pagtatanong mo napapakita ang malasakit.

Para sa akin, hindi hinihiling ng isang ama-anak na relasyon ang magkaintindihan. Sapat na ang pakikibahagi na katapat ang serbesa. Ang kimkim ko ay sa akin, ang itinatago mo ay sa'yo. Ang tagpong iyakan o buong paglalahad ng lahat-lahat ay hindi kinakailangan. Isang tapik sa balikat at tagay lang ay sapat na.

Alam kong hindi mauunawaan ng iba ang ganitong sentimyento. Isa lang, maayos ang relasyon ng ama ko sa ama niya. At anupaman, maayos ang relasyon naming mga anak sa aming ama. Alam naming nagmamalasakit kami sa isa't isa. Ano pang mas klarong pag-uusap ang kinakailangan?

Minsan nagpapalabo lang ang mga salita.

<<

Ernan at 4:33 AM

0   comments

0 Comments

Post a Comment