2.20.2004
Pana-panahon may natitipuhan akong salita. Isang salita na kinamamanghaan ko. Na sa loob ng mga ilang linggo, paulit-ulit na bumabalik sa isipan at kinukulit ang dila ko para sambitin.Ewan ko kung ganito rin ang ibang tao pero nakakaaliw na bigkasin nang bigkasin ang isang salita hanggang parang manigas ito at mawalan ng bisa. Hanggang mahati sa mga pantig at lumabas ang ibang katangian. Hanggang ang salitang binibigkas ay hindi na ang salitang binibigkas. O paikut-ikutin ang salita sa isipan at himaymayin ang bawat letra. Hanggang tumambad ang kaibuturan nito. Ang laman sa loob ng kahulugan.
Iba-iba at halo-halo ang mga salitang ito. Minsan Ingles, minsan Filipino, minsan Capampangan, minsan Kastila o kahit na salitang Aleman na hindi ko naman talaga alam ang ibig sabihin o paano man lang gamitin. Kung saan-saan ko napupulot. Nabasa sa pahayagan o sa libro, nabanggit ng kausap o ako mismo, narinig sa radyo o napakinggan sa isang kanta.
Ngayon ang paborito kong salita ay barag. Barag. Nakakatuwa ang pagiging omnatopaeic niya. Kahit hindi mo alam kung ano ang ibig sabihin, halos nakukuha mo na ang kahulugan.
Barag. Sigurado ako na una kong naka-enkuwentro ang salitang ito sa paglalaro ng holen. Barag ang holen kapag may uka ito at may tama. May dimples ika nga o parang crater ng buwan. Barag ngunit hindi basag. Ang basag na bagay ay pira-piraso na samantalang ang barag na bagay ay buo pa rin, may tama nga lang. Barag at basag. Katuwang isipin na pagkatapos ng letrang r sa alpabeto ay s na. Barag bago basag.
Matitigas at matitibay na bagay lang ang nababarag. Marmol, holen, isang bloke ng semento. Ang marurupok, kaagad na nababasag. Salamin, baso, bintana.
Barag. Mabilis, walang hinto. Walang pagdududa. Ang lupit ng letrang r sa gitna. Sumasayad at kumakapit sa dila. Tila binabarag talaga ang salita. At ang matigas na g sa dulo parang nagpapahiwatig ng kabuuan, pinipitpit ang mga pantig.
Sinipat ko sandali sa mga talatinigan ko ang salitang barag. Wala siya. Ano ibig sabihin nito, salitang kanto ang barag at hindi pa nagagawang legal? Isa na naman ba ito sa mga salitang imbento namin ng kabataan? Pero alam ko hindi e sapagkat maraming nakakaiintindi at gumagamit ng barag.
Hay. Napaalalaahanan na naman tuloy ako kung gaano pa kabata ang wikang Filipino. Lalo pa't kung ikukumpara ito sa Ingles o sa mga Romantic Languages. Kailangan nga ba natatag ang Filipino? Wala pang isang daang taon. Isipin na lamang iyon.
At ito ang laging nakakalimutan ng lahat, nililinang natin ang sariling wika sa araw-araw. Kaparte tayo sa pagbuo nito at kung saan direksiyon ito tutungo. Kadalasan winawalang bahala natin at binabasura ito. Nariyan na ang mga hinaing ng mga tao sa mga konyos at pa-ingles ingles. Ang pinakababahala ko ay itong nakakarami at sikat na paggamit ng wika ay siyang nagiging wika talaga kapagdaka. Na kung babalewalain ng karamihan ang wika nila, balewala ang lalabas na wika.
Ewan ko sa iba pero ako nasasabik ako tuwing iisipin ko na kasama ako sa pagtatatag ng wika natin. At kung gagawa na rin lang, pagtibayin na natin ang atin. Kaya nga pumapanig ako sa Sentro ng Wika at sa UP na mentalidad kaysa sa La Salle. Ang namamayani kasi sa La Salle (ewan ko kung hanggang ngayon), basta baybayin mo sa Filipino, aba! Filipino na ang salitang iyon. Sa palagay ko, trabahong tamad iyon.
Tamad na magsaliksik at alamin talaga ang lakas ng kultura at wika natin. Bago ka man lang manghiram sa ibang bansa, aba! may lampas 100 wika kang mapaghihiramin na atin. Cebuano, Ilonggo, Capampangan, Tsabakano, Waray. Kadami na sigurado ako may mahahanap kang puwede mong ipangtumbas sa salitang hinahanap mo. Siyempre may kakulangan dito, gaya ng mga salitang bunga ng teknolohiya gaya ng computer. Malamang wala nga iyan. Sa mga pagkakataong iyan, sige humiram ka at payamanin lalo ang wika natin.
Hindi ko nga napapansin napaghahalo-halo ko na ang mga iba't ibang wika. Mula sa mga Bisaya nakuha ko ang tihik na lagi ko nang ginagamit. Sa Capampangan ang sapak. At ang dugyut (Ilonggo nga ba 'to o Bisaya pa rin ba?). Sa palagay ko, sa paghahalo-halong ito at malayang hiraman ng salita ay lalo nating pinapatibay at pinasisigla ang sariling wika.
<<
Ernan at 4:03 AM