2.16.2004

Buong akala ko malalim ang ugat ko sa high school at elementarya. Na sa lampas 10 taong kong kasalo ang mga kaklase e kilala ko na sila kahit papaano. Ngunit hindi.

Tinuya ako ng Friendster. Mayroon pala akong hindi kakilala sa batch namin. Hindi ko maisip kung paanong nangyari iyon gayong wala pang 200 ang bilang naming lahat at iisa lang ang palapag ng lahat ng classroom. Sa ayaw at sa gusto mo, makakabangga mo sila sa hallway o makikita man lang sa caf habang lunchtime. At ang mga kakilala ko, hindi ko pala talaga lubos na kakilala. Sadya lang ba talaga akong makakalimutin o may sariling mundo lang ba talaga ako?

Oo makakalimutin ako, aminado. Pero hindi sa kasong ito sapagkat ni isang kislap ng alala wala talaga. Binubuo ko ang mukha nila noon mula sa mga litrato nila ngayon at pagkakataong baka kilala ko sila sa mga testimonial ng mga kakilala ko. At lagi isa lang ang nabubuo ko, kilala siya ng iba kong kaklase pero ako hindi talaga. Mga bestfriends, katambay at kung kaanu-ano nila. Sa akin, blanko.

Sariling mundo? Oo naman. Hanggang ngayon nga may sarili akong inuukit na mundo e. 4th year high school na yata ako e nagtuturumpo, habulan at teks pa ako. Dala na rin ito siguro ng pagiging malapit ng eskuwelahan sa bahay ko at ng pagiging isip-bata. Kaya pagpatak ng uwian, uwi kaagad ako. Ni wala nga akong gimik noong high school. Hindi nagdisco kasama sila. Hanggang pagpunta lang sa mga bahay-bahay at panonood ng sine.

Ngayon ngang binabalikan ko, parang tinalikuran ko ang mga kaklase ko dahil mas kumapit ako sa mga kabatak sa bahay (na kakilala ko mula pa noong sanggol ako). Sila ang kasa-kasama sa pag-inom, sa yosi, sa panonood ng bold, sa kuwentuhan hanggang madaling araw, sa pagpaplanong paglalayas, sa hiritan, sa disco, sa pagtakas, sa madaling salita, sa paglaki. Sila ang nagpalaki sa akin, ang nagluwal ng kabataan ko.

Binuwag ng Friendster ang ilusyon na mahigpit ang ugnayan namin ng aking high school days. Hindi rin pala. Pero huwag magkamali, may mga kaibigan rin akong natagpuan sa eskuwelahan. Na hanggang ngayon kasa-kasama at malalim ang ugnayan. Ang ipinakita ng Friendster ay mangilan-ngilan lang sila. Hindi sindami ng inaakala.

Napaisip tuloy ako. Ilang mga taong dapat kakilala ang nakalimutan ko na? Na kapag nagkurus ang landas namin ay hindi ko man lang lilingunin? Bagkus dire-diretso lang akong maglalakad, karag-karag ang sariling mundo.

Ernan at 4:13 AM

0   comments

0 Comments

Post a Comment