8.24.2005

Matagal na akong di sumasagot ng ganito. Ito sa udyok ni Neva.

3 pangalan na ginagamit:
1. Ernan
2. Nan
3. Ernie Bird

3 screen name na nagamit:
1. paanipedro
2. adam duritz
3. sam

3 gusto sa sariling pisikal na kaanyuan:
1. buhok
2. katangkaran
3. hinlalaki

3 ayaw sa sariling pisikal na kaanyuan:
1. paa
2. ngipin
3. balat

3 bahagi ng pamanang yaman:
1. inuman
2. pakikisama
3. paghahanda sa pista

3 bagay na kinatatakutan:
1. sakuna
2. matatulis na bagay na malapit sa mata
3. gitna ng karagatan

3 bagay na kailangang kailangan sa araw-araw:
1. barya
2. kendi
3. cellphone

3 bagay na suot ngayon:
1. t-shirt na nabili sa tiyangge sa may Marikina Riverside noong nakaraang Pasko
2. board shorts
3. puting brip

3 sa paboritong musikero o banda: (wala sa ayos)
1. Everything But The Girl
2. The Beatles
3. R.E.M.

3 sa paboritong kanta: (wala rin sa ayos)
1. No Rain ng Blind Melon
2. Corcovado ni Jobim
3. This Mess We're In ni PJ Harvey at Thom Yorke

3 bagay na nais sa isang relasyon:
1. pagmamalasakit
2. pagmamahal
3. katapatan

2 katotohanan at 1 kasinungalingan (wala sa ayos):
1. May mp3 ni Sarah Geronimo at ng Creed sa computer.
2. 37 beses na napanood ang Little Mermaid.
3. May autograph ni Jolina Magdangal, Mike Tan at Ryza sa dyornal.

3 pisikal na kaanyuan na nakaka-akit para sa'yo:
1. karakas o tindig
2. ngiti
3. nangungusap na mata

3 sa paboritong hobbies:
1. tulog
2. pagbabasa
3. paglalakad-lakad

3 bagay na gusto mo ngayon din:
1. matapos ang documentary sa barangay
2. matapos ang research paper
3. bakasyon

3 karerang binalak o binabalak:
1. manunulat
2. production
3. instructional designer

3 lugar na gusto mong pagbakasyunan:
1. Brazil
2. Ireland
3. Israel

3 pangalan ng bata na gusto mo: (ngunit hindi para sa magiging anak)
1. amiel
2. kid
3. yoni

3 bagay na gustong gawin bago mamatay:
1. makipagbati sa buhay
2. makipagbati sa Diyos
3. makipagbati sa sarili

3 katangian na stereotypical na panlalaki:
1. burp ng malakas
2. madalasang pangangamot ng tiyan o pagkambiyo sa publiko
3. pagbibigay ng paliwanag na "e babae kasi, kaya!"

3 crush na celebrity:
1. kate hudson
2. cate blanchett
3. claire forlani

3 tao na gusto mong sumagot nito ngayon na:
1. peter chanliong
2. mikki palacio
3. armi de los reyes

<<

Ernan at 2:28 AM

0   comments


Pretend game. 'Yan ang tawag ng isang kaibigan ko sa paglalaro namin ng mga kapwa geeks ko ng Dungeons and Dragons. Kung sa bagay, husto naman talaga ang ipinataw niyang paglalarawan. Ang D&D, sa puno't dulo ay salu-salong kuwentuhan at pagbuo ng isang masalimuot na istorya at mundo na pinagbibidahan ng bawat isa sa pamamagitan ng karakter niya. Ang bawat tauhan ay nakakalipad, nagiging imbisibol, namamatay at nabubuhay uli, kasama ang mga elves, will o' wisps, harpies, at kung ano pang nilalang na mabuo ng isipan. Buong umaga at buong tanghali (minsan buong gabi rin) magkakatapat at nagkukuwentuhan tungkol sa quests, initiative, armor class, at guwardiya-sarado ang kani-kaniyang dice na hindi lang anim ang sides kundi may 20, 12, 10, 4 at ang paborito kong d8.

Nagsimula akong maglaro ng D&D noong high school. Pagkatapos na pagkatapos ng Street Fighter Arcade phase ko. Si Donald Chua ang nagturo sa'kin maglaro. Isang kapitbahay na mas nakakatanda sa'kin ng isang taon ng high school. Mataba si Chua at nakasalamin at bagong salta sa lugar namin. Ibig sabihin, hindi siya sa lugar namin lumaki. Lumipat yata sila noong grade 6 ako. Xerox na manual pa ang gamit namin noon. At ang nakahiligan pa namin e ang DragonLance na campaign. Paladdin yata ang una kong karakter. Isang quest lang ang naalala ko, ang magtayo ng simbahan para sa isang deity bilang daan sa kapatawaran namin dahil ginalit namin siya. Tapos paladdin pa yata ang karakter ko noon.

Nahinto akong mag-D&D sa high school noong mawala si Chua. Nawalan kasi kami ng DM. Hindi na akong muli naglaro ng D&D hanggang makatapos ako ng kolehiyo. Naglaro ako uli sa udyok ni Ceres. Hinatak niya ako sa gaming group nila at pagkatapos noon, 2 taong dire-diretsong RPG tuwing weekend. Pero natigil din iyon, marahil dahil sa maraming pinagkaabalahan ang bawat isa. Trabaho, love life, angst at kung ano pa.

Ngayon, lampas isang taon na akong di naglalaro. At di ko alam kung gaano ko na-miss ang paglalaro hanggang sa mag-uwi kanina ang utol ko ng Dragon Magazine. At bumulaga sa akin ang mga terminong anti-magic field, dodge, artifacts, gps. Nangati akong bigla para sa D&D. Nagplano ako uli ng karakter. Elven bard kaya o wizard na enchantments ang focus o straightforward na half-orc fighter? Gusto ko uli maglaro.

Uy, mga katropa, laro naman tayo uli?

<<

Ernan at 1:21 AM

0   comments


8.23.2005

Bakit kung kailan tambak ang gawain saka naman nangangati ang isip na magsulat? Patong-patong ang trabaho pero heto at hinatak ako ng hilig sa harap ng computer para magsulat sa blog kahit alas-tres na ng madaling araw at nangangawit at nanlalamig na ang likod sa pagod.

Naaalala ko tuloy ang mga araw sa kolehiyo kung saan nagsusulat kapag mas marami ang gawain. Halimbawa na lang noong Finance finals kung saan huminto ng halos isang oras para magsulat ng tula o sampung minuto bago ang Philo orals at kumakaskas sa papel ang panulat dahil biglang may sumipang imahen. Tila yata laging sumasabay ang pagsusulat sa ibang gawain. Kapag hilong talilong na at hindi magkandaugaga sa pag-aasikaso sa mundo, saka ako tatapikin ng pagsusulat sa likod at itutulak sa harap ng dyornal.

Gayunpaman, sa dinami-dami ng napagdaanang trabaho, mukhang wala masyadong ibinunga. Sa tinagal-tagal ng pamamahinga, kakaunti lang ang naisulat. At ang nasa babang tula lang ang maayos-ayos. Hindi pa nga lubusang tapos, salin pa.


Tagumpay
ni Denis Johnson

Ang ale na ang mukha'y katatapos lang malukot
sa tuwang kay wagas

at bigat na tila lungkot ay nanalo
ng awto sa isang gameshow, para sa kanyang pamilya,

para sa milya-milyang madlang nahihimasmasan
ng milyun-milyong telebisyon tungo sa kawalan

ng alangaan. Samantala pinipitpit ng mga sigaw
ang hangin sa loob ng studio hanggang sa katigasan

hindi na muling gagalaw ang mga manonood, dahan
dahang mahuhuli, parang mga sinaunang hayop na nakatitig

inaalam ang panlolokong nagaganap sa nakahihintakutang usad
ng malaking bloke ng yelo. Bigla na lang nagtayog ang aking

kalungkutan, inuulit kong muli sa mukha ng ale, sa tanging
tunay na mukha, ngayon, minsan pa, hindi ako nagtagumpay.


Hindi pa nga tapos ang salin. Hayaan na nga.

<<

Ernan at 2:52 AM

0   comments