8.24.2005

Pretend game. 'Yan ang tawag ng isang kaibigan ko sa paglalaro namin ng mga kapwa geeks ko ng Dungeons and Dragons. Kung sa bagay, husto naman talaga ang ipinataw niyang paglalarawan. Ang D&D, sa puno't dulo ay salu-salong kuwentuhan at pagbuo ng isang masalimuot na istorya at mundo na pinagbibidahan ng bawat isa sa pamamagitan ng karakter niya. Ang bawat tauhan ay nakakalipad, nagiging imbisibol, namamatay at nabubuhay uli, kasama ang mga elves, will o' wisps, harpies, at kung ano pang nilalang na mabuo ng isipan. Buong umaga at buong tanghali (minsan buong gabi rin) magkakatapat at nagkukuwentuhan tungkol sa quests, initiative, armor class, at guwardiya-sarado ang kani-kaniyang dice na hindi lang anim ang sides kundi may 20, 12, 10, 4 at ang paborito kong d8.

Nagsimula akong maglaro ng D&D noong high school. Pagkatapos na pagkatapos ng Street Fighter Arcade phase ko. Si Donald Chua ang nagturo sa'kin maglaro. Isang kapitbahay na mas nakakatanda sa'kin ng isang taon ng high school. Mataba si Chua at nakasalamin at bagong salta sa lugar namin. Ibig sabihin, hindi siya sa lugar namin lumaki. Lumipat yata sila noong grade 6 ako. Xerox na manual pa ang gamit namin noon. At ang nakahiligan pa namin e ang DragonLance na campaign. Paladdin yata ang una kong karakter. Isang quest lang ang naalala ko, ang magtayo ng simbahan para sa isang deity bilang daan sa kapatawaran namin dahil ginalit namin siya. Tapos paladdin pa yata ang karakter ko noon.

Nahinto akong mag-D&D sa high school noong mawala si Chua. Nawalan kasi kami ng DM. Hindi na akong muli naglaro ng D&D hanggang makatapos ako ng kolehiyo. Naglaro ako uli sa udyok ni Ceres. Hinatak niya ako sa gaming group nila at pagkatapos noon, 2 taong dire-diretsong RPG tuwing weekend. Pero natigil din iyon, marahil dahil sa maraming pinagkaabalahan ang bawat isa. Trabaho, love life, angst at kung ano pa.

Ngayon, lampas isang taon na akong di naglalaro. At di ko alam kung gaano ko na-miss ang paglalaro hanggang sa mag-uwi kanina ang utol ko ng Dragon Magazine. At bumulaga sa akin ang mga terminong anti-magic field, dodge, artifacts, gps. Nangati akong bigla para sa D&D. Nagplano ako uli ng karakter. Elven bard kaya o wizard na enchantments ang focus o straightforward na half-orc fighter? Gusto ko uli maglaro.

Uy, mga katropa, laro naman tayo uli?

<<

Ernan at 1:21 AM

0   comments

0 Comments

Post a Comment