8.23.2005
Bakit kung kailan tambak ang gawain saka naman nangangati ang isip na magsulat? Patong-patong ang trabaho pero heto at hinatak ako ng hilig sa harap ng computer para magsulat sa blog kahit alas-tres na ng madaling araw at nangangawit at nanlalamig na ang likod sa pagod.Naaalala ko tuloy ang mga araw sa kolehiyo kung saan nagsusulat kapag mas marami ang gawain. Halimbawa na lang noong Finance finals kung saan huminto ng halos isang oras para magsulat ng tula o sampung minuto bago ang Philo orals at kumakaskas sa papel ang panulat dahil biglang may sumipang imahen. Tila yata laging sumasabay ang pagsusulat sa ibang gawain. Kapag hilong talilong na at hindi magkandaugaga sa pag-aasikaso sa mundo, saka ako tatapikin ng pagsusulat sa likod at itutulak sa harap ng dyornal.
Gayunpaman, sa dinami-dami ng napagdaanang trabaho, mukhang wala masyadong ibinunga. Sa tinagal-tagal ng pamamahinga, kakaunti lang ang naisulat. At ang nasa babang tula lang ang maayos-ayos. Hindi pa nga lubusang tapos, salin pa.
Tagumpay
ni Denis Johnson
Ang ale na ang mukha'y katatapos lang malukot
sa tuwang kay wagas
at bigat na tila lungkot ay nanalo
ng awto sa isang gameshow, para sa kanyang pamilya,
para sa milya-milyang madlang nahihimasmasan
ng milyun-milyong telebisyon tungo sa kawalan
ng alangaan. Samantala pinipitpit ng mga sigaw
ang hangin sa loob ng studio hanggang sa katigasan
hindi na muling gagalaw ang mga manonood, dahan
dahang mahuhuli, parang mga sinaunang hayop na nakatitig
inaalam ang panlolokong nagaganap sa nakahihintakutang usad
ng malaking bloke ng yelo. Bigla na lang nagtayog ang aking
kalungkutan, inuulit kong muli sa mukha ng ale, sa tanging
tunay na mukha, ngayon, minsan pa, hindi ako nagtagumpay.
Hindi pa nga tapos ang salin. Hayaan na nga.
<<
Ernan at 2:52 AM