10.13.2004
Bigla naging manginginom ako. Tatlong araw na sunud-sunod na inuman.Ang una sa serye ng inuman ay kami nina RC. Si Sharon, RC, Vanessa at ako. Habang kumakain ng hapunan sinabayan namin ng inom. Usapang pagbabalak na naman ang nangyari. Kailangan ganito, kailangan ganoon bago matapos ang taon. Oo, tumpak. Matapos ang hapunan at maikling inuman bumalik ako sa 6th floor at doon natagpuan si Ninya. Nag-uusap kami nang lumindol. Akala ko'y tinamaan lang ako ng serbesang ininom ko kanina kaya palagay ko gumegewang ang kuwarto. Hindi pala. Sabi ni Ninya, "lumilindol. Tara shut down natin ang computer." Binunot ko naman ang switch ng CD player saka pumasok sa banyo. Naiihi kasi ako. Bumaba kami at natakot na baka magka-aftershock kaya nag-aya akong uminom uli. Kuwentong barbero, kuwentong kutsero at dalawang bote lang. Matapos noon, umuwi na kami.
Sumunod na araw ay ang birthday celebration at thanksgiving ni Ivy sa Parang, Marikina. Humabol lang ako kasi galing akong trabaho. Nadatnan ko si Neva, Ramon, Alwynn, Jasper, Paul S, at Larry. Nagsimula na sila at tinitira nila ang piniritong manok na pagkalinamnam. Masayang nagkita-kita kaming uli. Ang tagal na kasi. Pinag-usapan ang mga taong naroroon, ang mga taong wala roon, kung sino ang tumitira kanino, sino ang bagong lumiyad, sino ang bagong lumabas, maka-Debbie Gibson ba o Tiffany, libro, pelikula, kumusta ka na, ang tanda na natin. Mga usapan ng matagal nang magkakakilala. Sa pag-uwi, pinagkasya namin ang lahat sa maliit na sasakyan ni Neva. Nawala pa kami. Ngunit nakatagpo naman ng tatlong trak ng patay na baboy.
At kinabukasan noon, La Naval. Piyesta sa amin. May handaan at maraming tao. Nakita ko ang mga kabarkada ng bata. Sa sobrang busy kasi hindi na kami nagkikita-kita. Putsa, si Ron nga na kapitbahay ko e anim na buwan kong hindi nakita. Nakatutuwa na maayos ang kalagayan naming lahat at iba't iba na ang pinagkakaabalahan. Dahil walang puwesto, sumibat kami nina Tony at Ron para uminom sa labas. Mga hinayang at sungay na tumutubo ang usapan na kasabay ng serbesa. Sayang dapat nung high school pa, laman loob din iyon, nagyon mo iharap sa'kin yun. 'Yang mga katagang 'yan ang tema ng usapan. Saglit lang kami, kasi may meeting ako ng umaga kinabukasan, may pasok sa trabaho si Tony at may duty si Ron. Matatanda na nga kami at may sense of responsibility na. Hindi na katulad noon na inuman hanggang bumigay kahit may exam bukas. Habang wala ka pang tama, mag-set ka na ng alarm clock para magising ka. At kapag nahihilo ka na at masakita ang ulo, mauna ka nang humanap ng puwesto at matulog.
Kapag nakainom ka, parang dumudulas ang isipan. Dire-diretso lang ang mga naiisip mo. Naiintindihan ko na ang kapit ni Nick Joaquin sa bote. Pero pare, nakakatamad magsulat. Masarap lang na humahagibis ang mga ideya.
Dumudulas din ang usapan at lumuluwag ang loob. Sinasabi nga na kultura na natin ang inuman. Na kahit anong galaw, may inuman. Noon nga, walang business deal na nagaganap kundi sa harap ng isang boteng alak lang. Kaparte na ng selebrasyon natin ang pag-iinom. Mula pagkabuhay hanggang kamatayan. Panganganak, binyag, kasal, lamay. Lahat 'yan may halong inuman. Basta lahat ng importanteng events ay kinakailangang may inuman. Birthday, promotion, anniversary. Kahit hindi importante, pampaluwag loob lang, stress o broken heart, nalulumbay at nalulungkot, inom. Sa bawat sulok, sa bawat kalye, sa bawat tindahan, may umiinom. Mapa-Merlot o gin bilog. Sa inuman tayo nagkakasundo lahat. Si Erap nga napatawad natin sa pagiging alcoholic niya. Mapa-executive o piyon, naiintindihan kapag sinabing, "tama na 'yan, inuman na!"
<<
Ernan at 1:01 PM
10.06.2004
May maling nagaganap kung pati sa pagkanta'y wala akong oras. Kaya kahit madaling araw na at mag-aalas kuwatro:I am thinking it's a sign
that the freckles in our eyes are mirror images
and when we kiss they're perfectly aligned.
And I have to speculate
that God Himself did make
us into corresponding shapes
like puzzle pieces from the clay.
And true it may seem like a stretch
but it's thoughts like these that catch
my troubled head when you're away
and when I am missing you to death.
And when you are out there on the road
for several weeks of shows
and when you scan the radio
I hope this song will guide you home.
They will see us waving from such great heights
"come down now" they'll say
but everything looks perfect from far away
"come down now" but we'll stay
I tried my best to leave
this all on your machine
but the persistent beat
it sounded thin upon the sending.
and that frankly will not fly
you'll hear the shrillest highs
and lowest lows with the windows down
and this is guiding you home.
They will see us waving from such great heights
"come down now" they'll say
but everything looks perfect from far away
"come down now" but we'll stay
Alam mo 'yung pakiramdam na napagsarhan ng tindahan. Nagmamadali ka, maglakad-takbo kang parang natatae, gumuguhit ang pawis sa likod pero diretso ka lang. At sa malayo nakikita mo ang tindahan, bukas pa, may ilaw. Pero kapag malapit ka na, makikita mong nagsasara. Unti-unting binababa ang tarngkahan, sinususian ang pinto. Lalo kang magmamadali. Kakaripas ka ng takbo. Halos madapa ka na. Pagdating mo sa tindahan, wala na. Sarado na. Hindi ka nila pagbibilhan.
Nakukutuban ko na ganyan ang magiging pakiramdam ko. Na nagmamadali para sa wala.
<<
Ernan at 3:56 AM
10.01.2004
Nagpagupit na ako. Sa wakas. Sigurado akong maraming nakahinga ng maluwag. Ilang tao na ba kasi ang nagparining sa'kin at nag-utos na magpagupit na ako.Salamat kay Joan Chabs na master cutter, hair artist, straight back hair obsessive. Tatlong linggo na yata naming iniiskedyul ang gupit na 'to pero di magkatugma ang oras namin. Wala kasi akong libreng oras.
Plugging. Kung gusto niyo magpagupit, text niyo lang si Joan Chubs. At sasagot siya kapag may load na siya. Haha.
Habang ginugupitan ako ni Chabs, noon ko lang naisip na ngayong taon dalawang beses pa lang ako magpapagupit. Samantalang ang utol kong lalaki'y nakaka-tatlo na at malamang naka-apat o lima na ang mga babae.
Ang huli kong gupit ngayong taon e noong Abril pa. Holy Monday. At nakasara ang karamihan ng pagupitan. Mahaba-haba ang buhok ko noon at ayaw kong paiklian ng husto kaya hindi ako pumunta ng barberya. Walang bukas na salon. Kaya hinabol pa namin ang stylist ng ate ko (ng buong pamilya ko na ngayon) sa may bandang Roosevelt para lang magpagupit.
Ako ang taong walang pakialam sa hitsura. Mas mainam sigurong lagyan ng pang-abay na pamanahon. Ako ang taong kadalasang walang pakialam sa hitsura. Obvious ba?
Nagugulat nga ako kasi may nagugulat pa rin tuwing nababanggit ko na hindi ako nagsusuklay. Na pagkatapos maligo, patutuyuin lang ng tuwalya ang buhok, lalapatin ng palad, 'yun na ang style at ang ayos ng buhok ko.
Kaya nga hindi nakakapagtaka na makalimutan kong magpagupit. O mas mainam, hindi ko iniisip magpagupit. Kung pagsusuklay araw-araw na nga lang ay hindi ko binibigyang importansiya, iyon pang bibisita ako sa hair expert.
Ang nag-uudyok sa'kin na magpagupit e mga praktikal na kadahilanan. Gaya noong Abril. Ilang linggo nang nagtatalak ang nanay ko. At sigurado akong hindi ako tatantanan nun. E Holy Week na, dapat tahimik, hassle free. Siguradong uuwi kami sa bahay sa Pampanga. Wala akong iwas sa pagalit ng nanay ko niyan tsong. Hindi puwedeng gumimik o lumakwatsa. Kaya sige, pagupit na. At gaya nitong huli. Napakainit ng mahabang buhok. Ngayon ko lang naintindihan kung bakit nagtataas ng buhok sa likod ang mga babae. Ang init sa batok. Parang may oven ka sa likod. Hindi ko na makayanan, kaya hayan, paputol.
Naiintindihan ko kung bakit ang mga babae e nagpapagupit kapag may lakin dinaramdam o problema. Iba kasi ang pakiramdam ng bagong gupit. Parang hinulma ka ulit. Parang puwedeng puwede kang magsimula uli. Pero kahit gayunpaman, hindi ko makita ang sariling gagawing sagot iyon o comfort habit. Na putsa tatakbo ako sa barberya kapag may hassle sa buhay. Huwag na uy. Pero hindi ko rin naman pinapasalingan ang mga gumagawa noon. Kanya-kanyang paraan 'yan ng pagsakay. Kanya-kanyang handle.
"Something’s wrong ’cause my mind is fading
Ghetto-blasting disintegrating
Rock ’n’ roll, know what I’m saying
And everywhere I look there’s a devil waiting
Got a devil’s haircut in my mind"
Ayus! Beck!
<<
Ernan at 1:16 PM