10.13.2004

Bigla naging manginginom ako. Tatlong araw na sunud-sunod na inuman.

Ang una sa serye ng inuman ay kami nina RC. Si Sharon, RC, Vanessa at ako. Habang kumakain ng hapunan sinabayan namin ng inom. Usapang pagbabalak na naman ang nangyari. Kailangan ganito, kailangan ganoon bago matapos ang taon. Oo, tumpak. Matapos ang hapunan at maikling inuman bumalik ako sa 6th floor at doon natagpuan si Ninya. Nag-uusap kami nang lumindol. Akala ko'y tinamaan lang ako ng serbesang ininom ko kanina kaya palagay ko gumegewang ang kuwarto. Hindi pala. Sabi ni Ninya, "lumilindol. Tara shut down natin ang computer." Binunot ko naman ang switch ng CD player saka pumasok sa banyo. Naiihi kasi ako. Bumaba kami at natakot na baka magka-aftershock kaya nag-aya akong uminom uli. Kuwentong barbero, kuwentong kutsero at dalawang bote lang. Matapos noon, umuwi na kami.

Sumunod na araw ay ang birthday celebration at thanksgiving ni Ivy sa Parang, Marikina. Humabol lang ako kasi galing akong trabaho. Nadatnan ko si Neva, Ramon, Alwynn, Jasper, Paul S, at Larry. Nagsimula na sila at tinitira nila ang piniritong manok na pagkalinamnam. Masayang nagkita-kita kaming uli. Ang tagal na kasi. Pinag-usapan ang mga taong naroroon, ang mga taong wala roon, kung sino ang tumitira kanino, sino ang bagong lumiyad, sino ang bagong lumabas, maka-Debbie Gibson ba o Tiffany, libro, pelikula, kumusta ka na, ang tanda na natin. Mga usapan ng matagal nang magkakakilala. Sa pag-uwi, pinagkasya namin ang lahat sa maliit na sasakyan ni Neva. Nawala pa kami. Ngunit nakatagpo naman ng tatlong trak ng patay na baboy.

At kinabukasan noon, La Naval. Piyesta sa amin. May handaan at maraming tao. Nakita ko ang mga kabarkada ng bata. Sa sobrang busy kasi hindi na kami nagkikita-kita. Putsa, si Ron nga na kapitbahay ko e anim na buwan kong hindi nakita. Nakatutuwa na maayos ang kalagayan naming lahat at iba't iba na ang pinagkakaabalahan. Dahil walang puwesto, sumibat kami nina Tony at Ron para uminom sa labas. Mga hinayang at sungay na tumutubo ang usapan na kasabay ng serbesa. Sayang dapat nung high school pa, laman loob din iyon, nagyon mo iharap sa'kin yun. 'Yang mga katagang 'yan ang tema ng usapan. Saglit lang kami, kasi may meeting ako ng umaga kinabukasan, may pasok sa trabaho si Tony at may duty si Ron. Matatanda na nga kami at may sense of responsibility na. Hindi na katulad noon na inuman hanggang bumigay kahit may exam bukas. Habang wala ka pang tama, mag-set ka na ng alarm clock para magising ka. At kapag nahihilo ka na at masakita ang ulo, mauna ka nang humanap ng puwesto at matulog.

Kapag nakainom ka, parang dumudulas ang isipan. Dire-diretso lang ang mga naiisip mo. Naiintindihan ko na ang kapit ni Nick Joaquin sa bote. Pero pare, nakakatamad magsulat. Masarap lang na humahagibis ang mga ideya.

Dumudulas din ang usapan at lumuluwag ang loob. Sinasabi nga na kultura na natin ang inuman. Na kahit anong galaw, may inuman. Noon nga, walang business deal na nagaganap kundi sa harap ng isang boteng alak lang. Kaparte na ng selebrasyon natin ang pag-iinom. Mula pagkabuhay hanggang kamatayan. Panganganak, binyag, kasal, lamay. Lahat 'yan may halong inuman. Basta lahat ng importanteng events ay kinakailangang may inuman. Birthday, promotion, anniversary. Kahit hindi importante, pampaluwag loob lang, stress o broken heart, nalulumbay at nalulungkot, inom. Sa bawat sulok, sa bawat kalye, sa bawat tindahan, may umiinom. Mapa-Merlot o gin bilog. Sa inuman tayo nagkakasundo lahat. Si Erap nga napatawad natin sa pagiging alcoholic niya. Mapa-executive o piyon, naiintindihan kapag sinabing, "tama na 'yan, inuman na!"

<<

Ernan at 1:01 PM

0   comments

0 Comments

Post a Comment