6.23.2004

Mahilig kaming magtambak ng mga bagay. Ang nanay ko lahat itinatago. Nahawa na nga sa kanya ang ate ko kasi lahat ng boxes at wrapper e itinatabi at baka magamit uli. Ako naman sa plastic bag. Kahit gaano kaliit o gaano kalaki itinutupi ko at inilalagay sa isang cabinet na sadyang pang plastic bag lang. Parang pinanghihinayangan namin ang bawat gamit. Baka kasi magamit pa. Pero kadalasan hindi na nagagamit. Kaya dumadagdag lang sa kalat sa bahay.

Kapag itinabi na ang gamit nakakalimutan namin 'to lagi. Gaya na lang ng rack sa banyo na lalagyan ng mga shampoo at kung anu-ano. Kahapon lang nailagay. E tatlong taon nang nakatambak iyon sa bahay. Nang maglinis ang bago naming kasama sa bahay, nakita niya ang box ng rack. Tinanong niya ang nanay ko tungkol doon. Saka lang naalala ng nanay ko na naitabi pala niya ito.

Ganyan din sa mga bagay na inilagay pansamantala sa isang tabi, ang nangyayari nagiging permanente na doon. Kaya matapos ang Pasko, kapag hindi inalis kaagad ang mga palamuti at decorations, papatak ang Valentine's Day at meron pa kaming Christmas balls na nakasabit. Buti na lang at malaki ang Christmas tree at abala kaya naliligpit agad. Pero naalala ko na may mga taon na pangalawang linggo na ng Enero o kumukuti-kutitap pa rin ang Christmas tree namin.

Minsan, nang ako ang nakatoka na magligpit at magatago ng Christmas tree, inabot ako ng kalahating araw sa pagabaklas lang ng puno at pagsisilid nito. Habang tinatanggal ko kasi ang mga dahon e kumakain ako at nagbabasa ng libro. Kaya ang bagal-bagal ng usad ko. Na ikinainis naman ng nanay ko. Bakit daw kasi ang bagal-bagal ko? Ang sagot ko naman sa kanya, bakit ako magmamadali? Wala naman akong gagawin buong araw. Ano ang hahabulin ko? Kapag nailigpit ko ang Christmas tree sa isang oras, tapos? Anong gagawin ko?

Hindi ko maintindihan ang pagmamadali. Para sa akin kasi, magmamadali lang dahil may hinahabol. Dahil may kasunod na gagawin, dahil may nakapila sa likod. Pero kung wala naman. Bakit? I-enjoy mo na lang ang sandali kaysa pagurin ang sarili at maghabol ng balewala.

Ngayon ko lang napagtanto na Pinoy na Pinoy pala ang attitude na 'yun. Nasasaisip ko ang isang lumang joke ng isang magsasaka at isang kastila.

Tuwing dumadaan ang kastila sa bukid ng isang Pinoy na magsasaka, napapansin niyang lagi itong nakahilig sa puno at nagpapahinga sa lilim nito. Hindi ito nag-aararo. Bagkus, natutulog lang. Kaya isang araw, nilapitan na ng kastila ang magsasaka, sinabi nito na "You lazy bum. Why don't you work the fields?"
Naalimpungatan ang pinoy, "And if I work the fields, then what?"
Kastila, "You harvest more?"
Pinoy, "And if I do, then what?"
Kastila, "You sell it. And you earn more."
Pinoy, "If I earn more, then what?"
Kastila, "Then you have more money for leisure."
Sagot ng Pinoy, "This is leisure." At natulog siyang ulit.




<<

Ernan at 3:09 PM

2   comments


6.21.2004

Pagod ang katawan pagkagaling sa Subic. Nalamog yata ng bumabad sa jacuzzi, nabanat ng husto ng maglaro ng frisbee at basketball sa swimming pool. Walang gaanong tulog at walang disenteng pagkain. Napaso ang kaliwang siko sa makina ng go kart, nakayod ang tuhod sa pag-aagaw ng frisbee, naging drum ang ulo nang mapasukan ng tubig ang tainga habang naglalaro ng basketball, nabugbog ang gulugod sa pagsalpok ng pambatang swing kung saan pinagpilitang pagkasiyahin ang mahaba't patpating katawan.

Kaya noong Biyernes, pag dating sa Maynila, umaalma ang katawan. Nabatak. Hindi naman kasi sanay sa physical work out. Wala akong ehersisyo at wala rin namang balak. Masaya sa pagiging tamad at out of shape.

At dahil umaalma ang katawan, humilata lang ako. Hanggang Linggo. Nakahilata at nanonood ng TV at DVD. Pinalagpas ko ang Fete noong Sabado. Dapat pupunta ako. Kaso nag-aya ang pamilya na pumunta ng Pampanga. Paalis na nang inatake ako ng katamaran, hindi na lang ako sumama. Sa halip, naiwan at nanood na lang ng 3 magkasunod na DVD.

Nakahiga. Malambot na unan. Masayang pelikula. Masarap isantabi lahat ng pinagkakaabalahan. Hindi lang ang trabaho. Pati ang mga gimik. Para sa'kin, minsan, effort din ang lumabas. Masarap magpaka-homebody. Paggising mo sa umaga, hindi mo na kailangang magpalit o maligo muna. Walang inaalalang meeting, walang pakialam sa oras. Sinasabayan ng mabigat mong katawan ang pag-alpas ng mga minuto at gumagaan ang kalooban mo.

Paminsan-minsan, kinakailangang pagbigyan mo namang ang katamaran.

<<

Ernan at 2:57 PM

0   comments


6.11.2004

Parang dila ng ahas, nahahati ang pag-iisip natin. Sa Ingles. Sa Filipino.

Isipin na lamang ang mga numero. Kaya mong mag-isip ng siyam. Basta siyam lang. Walang iba kundi siyam lang. Kaya mo ring isipin na siyam na kambing. Basta may siyam na kambing.

Pero kapag may dumating na matadero at kinatay ang dalawang kambing, mahihirapan ka na. Siyam bawasan ng dalawa ay pito. Pitong kambing. Pang-Batibot ang ganitong isip.

Kapag nagkaganyan na at may kinatay na dalawang kambing sa siyam na nasa bukid, babaliktad na ang utak at lilipat sa Ingles. Mas madaling isipin na nine minus two equals seven. At sasabihin mo, seven na kambing. O kaya'y ibabalik mo uli sa purong pinoy. Pitong kambing. Ngunit ang punto, inikut-ikot mo ang pagbabawas, ang pagdadagdag, ang pagdami, ang pagkonti sa Ingles.

Marahil o malamang dahil itinuturo sa atin ito sa Ingles.

Ngunit hindi lamang 'yan. Hindi lamang mga numerong natatagpuan sa klase kundi pati sa araw-araw na rin.

Isipin mo ang 7th Avenue. Sa bagay, pangalan kasi. E paano ang numero ng telepono mo sa bahay? O ang cellphone number ng girlfriend mo?

Di ba't Ingles ang binabalingan mo. Four One Six Seven Two Four Six. 416-7246, telephone number. Zero One Nine Seven Three Three One Nine Seven Four One, 0917-3319741, cellphone number.

Subukan mo sa Pinoy. Apat Isa Anim Pito Dalawa Apat Anim. Naintindihan mo ba? Ako hindi. Hindi tumatatak sa isip. Parang sinabi mong apat, naghahanap ako kaagad na ano? Apat na ano? Piso? Tinapay? O kaya'y basta apat lang. Apat. Wala nang kasunod.

Idagdag pa pala natin ang EspaƱol.

Kapag nagbilang di ba kay simple sabihin na isa dalawa...pero kapag sapit ng labindalawa, dose trese katorse kinse. O di kaya'y twelve thirteen fourteen fifteen. Sa larong Bingo mas madaling sabihing doble cuatro kaysa apatnapu't apat. O kaya sa G sarado. Singkuwenta.

Nakakainis na ewan ano, kung iisipin. Para malaman lang kung ilan na lang ang natitirang kambing, kailangan mo pang dumaan sa iba-ibang wika. Pero ang masaya rito, kadalasan hindi na natin napapansin. O dapat bang malungkot. E ang totoo, hindi na tayo komportable sa sariling wika. Ang gusto natin, parang Chowking. Pinilipinong banyaga. Halo-halo. Yung may ice cream sa ibabaw at sago sa ilalim.

Nine minus two at siyam bawasan ng dalawa. Iisa pa rin naman ang kalalabasan. Samu't saring pagbibilang, samu't saring numero. Pero iisa ang punterya. Naghihiwalay man ang utak natin, nagkakaintindihan pa rin tayong lahat. Na kapag may kinatay na kambing, naknamputsa! may pulutan tayo. Ilabas na ang serbesa at simulan ang inuman.

<<

Ernan at 12:06 PM

0   comments


6.05.2004

Pangatlong sunud-sunod na gabi na itong may kababalaghan o may kalokohang nangyayari.

Una ko itong napansin ito noong New Year. Kasama ko noon ang kaibigang si Ronald. Tapos na ang kasagsagan ng putukan at naubusan na kami ng serbesa at pulutan. Minabuti naming bumili sa pinakamalapit na 24 hour grocery store. Naglalakad kami noon sa kahabaan ng Quezon Avenue, masayang nagkukuwentuhan, di namin napansin na patay ang isa sa mga ilaw sa kalye. Pagdaan namin, biglang lumiwanag. Noon lang namin napansin na dedo ang ilaw. Nang nakalayo kami, namatay uli ang ilaw. Sa pagbalik namin, bitbit ang beer at pagkain, napadaan kami uli sa ilalim ng ilaw na nabanggit kanina. Aba! biruin mo, sumindi ang ilaw. At paglagpas uli namin, namatay uli ito. Natawa kaming kinabahan. At doon nagtapos iyon.

Pero nitong linggo, naglalakad papauwi at nangyari na naman ang tulad noon. Pero sa ibang poste ng ilaw. Ngayon nama'y sa kalye ng Biak na Bato. May poste doon ng ilaw na walang liwanag kasi lagi na lang sira ang bumbilya nito. Kung hindi ninakaw, tinirador o kaya'y binato't binasag. Kaya nga laking gulat ko nang magsindi ang ilaw nang mapadaan ako.

Kagabi, nangyari na naman uli. Nakapatay ito pero saktong pagtapat ko rito'y bumukas ang ilaw. Walastik at nangyari uli kanina. Kinukutuban tuloy ako na baka minamaligno ako. O di kaya'y may special powers ako. Baka nadedevelop na ang aking mutant genes. Kumakawala siguro sa katawan ko ang electric currents.

Ano man ang dahilan, nakakamangha. Pinapatunayan nito si Ritsos.

<<

Ernan at 2:28 AM

0   comments