6.11.2004

Parang dila ng ahas, nahahati ang pag-iisip natin. Sa Ingles. Sa Filipino.

Isipin na lamang ang mga numero. Kaya mong mag-isip ng siyam. Basta siyam lang. Walang iba kundi siyam lang. Kaya mo ring isipin na siyam na kambing. Basta may siyam na kambing.

Pero kapag may dumating na matadero at kinatay ang dalawang kambing, mahihirapan ka na. Siyam bawasan ng dalawa ay pito. Pitong kambing. Pang-Batibot ang ganitong isip.

Kapag nagkaganyan na at may kinatay na dalawang kambing sa siyam na nasa bukid, babaliktad na ang utak at lilipat sa Ingles. Mas madaling isipin na nine minus two equals seven. At sasabihin mo, seven na kambing. O kaya'y ibabalik mo uli sa purong pinoy. Pitong kambing. Ngunit ang punto, inikut-ikot mo ang pagbabawas, ang pagdadagdag, ang pagdami, ang pagkonti sa Ingles.

Marahil o malamang dahil itinuturo sa atin ito sa Ingles.

Ngunit hindi lamang 'yan. Hindi lamang mga numerong natatagpuan sa klase kundi pati sa araw-araw na rin.

Isipin mo ang 7th Avenue. Sa bagay, pangalan kasi. E paano ang numero ng telepono mo sa bahay? O ang cellphone number ng girlfriend mo?

Di ba't Ingles ang binabalingan mo. Four One Six Seven Two Four Six. 416-7246, telephone number. Zero One Nine Seven Three Three One Nine Seven Four One, 0917-3319741, cellphone number.

Subukan mo sa Pinoy. Apat Isa Anim Pito Dalawa Apat Anim. Naintindihan mo ba? Ako hindi. Hindi tumatatak sa isip. Parang sinabi mong apat, naghahanap ako kaagad na ano? Apat na ano? Piso? Tinapay? O kaya'y basta apat lang. Apat. Wala nang kasunod.

Idagdag pa pala natin ang EspaƱol.

Kapag nagbilang di ba kay simple sabihin na isa dalawa...pero kapag sapit ng labindalawa, dose trese katorse kinse. O di kaya'y twelve thirteen fourteen fifteen. Sa larong Bingo mas madaling sabihing doble cuatro kaysa apatnapu't apat. O kaya sa G sarado. Singkuwenta.

Nakakainis na ewan ano, kung iisipin. Para malaman lang kung ilan na lang ang natitirang kambing, kailangan mo pang dumaan sa iba-ibang wika. Pero ang masaya rito, kadalasan hindi na natin napapansin. O dapat bang malungkot. E ang totoo, hindi na tayo komportable sa sariling wika. Ang gusto natin, parang Chowking. Pinilipinong banyaga. Halo-halo. Yung may ice cream sa ibabaw at sago sa ilalim.

Nine minus two at siyam bawasan ng dalawa. Iisa pa rin naman ang kalalabasan. Samu't saring pagbibilang, samu't saring numero. Pero iisa ang punterya. Naghihiwalay man ang utak natin, nagkakaintindihan pa rin tayong lahat. Na kapag may kinatay na kambing, naknamputsa! may pulutan tayo. Ilabas na ang serbesa at simulan ang inuman.

<<

Ernan at 12:06 PM

0   comments

0 Comments

Post a Comment