6.05.2004
Pangatlong sunud-sunod na gabi na itong may kababalaghan o may kalokohang nangyayari.Una ko itong napansin ito noong New Year. Kasama ko noon ang kaibigang si Ronald. Tapos na ang kasagsagan ng putukan at naubusan na kami ng serbesa at pulutan. Minabuti naming bumili sa pinakamalapit na 24 hour grocery store. Naglalakad kami noon sa kahabaan ng Quezon Avenue, masayang nagkukuwentuhan, di namin napansin na patay ang isa sa mga ilaw sa kalye. Pagdaan namin, biglang lumiwanag. Noon lang namin napansin na dedo ang ilaw. Nang nakalayo kami, namatay uli ang ilaw. Sa pagbalik namin, bitbit ang beer at pagkain, napadaan kami uli sa ilalim ng ilaw na nabanggit kanina. Aba! biruin mo, sumindi ang ilaw. At paglagpas uli namin, namatay uli ito. Natawa kaming kinabahan. At doon nagtapos iyon.
Pero nitong linggo, naglalakad papauwi at nangyari na naman ang tulad noon. Pero sa ibang poste ng ilaw. Ngayon nama'y sa kalye ng Biak na Bato. May poste doon ng ilaw na walang liwanag kasi lagi na lang sira ang bumbilya nito. Kung hindi ninakaw, tinirador o kaya'y binato't binasag. Kaya nga laking gulat ko nang magsindi ang ilaw nang mapadaan ako.
Kagabi, nangyari na naman uli. Nakapatay ito pero saktong pagtapat ko rito'y bumukas ang ilaw. Walastik at nangyari uli kanina. Kinukutuban tuloy ako na baka minamaligno ako. O di kaya'y may special powers ako. Baka nadedevelop na ang aking mutant genes. Kumakawala siguro sa katawan ko ang electric currents.
Ano man ang dahilan, nakakamangha. Pinapatunayan nito si Ritsos.
<<
Ernan at 2:28 AM