6.21.2004

Pagod ang katawan pagkagaling sa Subic. Nalamog yata ng bumabad sa jacuzzi, nabanat ng husto ng maglaro ng frisbee at basketball sa swimming pool. Walang gaanong tulog at walang disenteng pagkain. Napaso ang kaliwang siko sa makina ng go kart, nakayod ang tuhod sa pag-aagaw ng frisbee, naging drum ang ulo nang mapasukan ng tubig ang tainga habang naglalaro ng basketball, nabugbog ang gulugod sa pagsalpok ng pambatang swing kung saan pinagpilitang pagkasiyahin ang mahaba't patpating katawan.

Kaya noong Biyernes, pag dating sa Maynila, umaalma ang katawan. Nabatak. Hindi naman kasi sanay sa physical work out. Wala akong ehersisyo at wala rin namang balak. Masaya sa pagiging tamad at out of shape.

At dahil umaalma ang katawan, humilata lang ako. Hanggang Linggo. Nakahilata at nanonood ng TV at DVD. Pinalagpas ko ang Fete noong Sabado. Dapat pupunta ako. Kaso nag-aya ang pamilya na pumunta ng Pampanga. Paalis na nang inatake ako ng katamaran, hindi na lang ako sumama. Sa halip, naiwan at nanood na lang ng 3 magkasunod na DVD.

Nakahiga. Malambot na unan. Masayang pelikula. Masarap isantabi lahat ng pinagkakaabalahan. Hindi lang ang trabaho. Pati ang mga gimik. Para sa'kin, minsan, effort din ang lumabas. Masarap magpaka-homebody. Paggising mo sa umaga, hindi mo na kailangang magpalit o maligo muna. Walang inaalalang meeting, walang pakialam sa oras. Sinasabayan ng mabigat mong katawan ang pag-alpas ng mga minuto at gumagaan ang kalooban mo.

Paminsan-minsan, kinakailangang pagbigyan mo namang ang katamaran.

<<

Ernan at 2:57 PM

0   comments

0 Comments

Post a Comment