4.09.2005

Kailan lang naaksidente ako. Malaking katangahan. Nasa bubungan ako nang biglang uminit ang araw. Alam mo naman ako, hindi mahilig magsapin sa paa kahit tsinelas lalo na kapag nasa bahay. Kaya ayun, nang uminit ang araw, nag-init din bigla ang bubong, natusta ang talampakan ko. Kaya dali-dali akong bumalik sa loob ng bahay. Tumatakbo ako nang maumpog sa amba ng pintuan. Mabilis siguro ang takbo ko at malakas ang salpok ng bumbunan sa kahoy. Sa sobrang sakit napahiga ako. At nang paghawak ko sa ulo, may dugo na. Nabiyak pala ang balat ko at nasugatan ang tuktok.

Apat na pulgada raw ang haba ng sugat sa ulo ko. Ngunit sa habang iyon, iyung gitna (mga isang pulgada lang) ang pinakamalim at kinailanganing tahiin. Tatlong tahi lang naman.

Maayos na naman ang kalagayan ko. Sabi nga ng mga kaibigan, maayos ngang naumpog ang ulo ko at lehitimo na raw ang pagiging may sayad ko at nakalog ang utak.

Ngunit may mas mainam na idinulot ang umpog na yun at ang tatlong tahi. Naramdaman ko uli ang maging anak.

Oo, hindi naman maiaalis sa atin na anak tayo ng mga magulang natin. Pero iyong maramdaman mo na may magulang ka na nag-aalala sa'yo, nag-aalaga sa'yo, hindi 'yun araw-araw na naiisip at nadadama. Siguro nga nakasanayan ko na bilang anak na balewalain lahat ng mga bagay at gawa na iniaalay ng inay ko pero sino nga ba ang hindi na nasasanay sa atin at kinakaligtaan iyon?

Salamat sa pagkakaumpog ko, nakita kong muli ang inay ko bilang isang ina. Siya ang nagkumahog at hindi maipinta ang mukha sa kaba. Kahit pagod at dapat nagpapahinga, siya ang sumama sa ospital. E hindi naman kailangan sapagkat kaya na naman naming magkakapatid iyon. At pagdating doon, para siyang inahin na hindi umaalis sa tabi ko. Kahit walang maupuan, kahit walang magawa, kahit may kailangan siyang ibang gawin. Pinaubayaan ko siya.

At masarap maging anak uli. Hindi lang yung inaasikaso ka o tinatanong kung may masakit pa o kung ano pa ang gusto ko. Ngunit iyung alam mong may inay kang nasa tabi mo. Iyung kaalaman lang iyun ay sapat na. Bawi na nang umpog ko at sugat sa ulo.

Hindi lang ang sugat ko ang natahi noong araw na iyun, nasulsihan at napaigting din ako sa inay ko.

<<

Ernan at 12:53 AM

0   comments