8.15.2007

Labing isang araw din akong may bitbit ng makapal at hardbound na libro. Bitbit ko kahit saan. Kahit umuulan. At binabasa ko rin kahit saan, kahit umuulan. Kahit sa jeep, ilang minuto sa opisina, bago magsimula ang sine na premiere ng Jack na Blades of Glory, kahit sa Master Class ni Quentin Tarantinto sa Cinemalaya, sa elevator, habang kumakain, habang nanonood ng TV, habang nagmomonitor para sa Heroes promo, pagkagising, at lalo na bago matulog.

Sa mga pagkakataong 'yun, kapag binabasa ko ang libro, kadalasan may nakikiusyuso. Minsan may nagtatanong. May interesado. Kasi Harry Potter ang binabasa ko. At sa loob ng 11 araw, natapos ko ang Harry Potter Books 5, 6 at 7. Oo, sunud-sunod kong binasa.



Hindi naman talaga ako fan ng series. At nagtataka nga ang karamihan na binabasa ko ang Harry Potter. Hindi naman ako book snob. Mangyari lang e alam ko ang gusto at hindi ko gusto. At higit pa, ang maganda sa hindi maganda.

At ang Harry Potter? Okay lang. Sabi ko nga, mas maiging Harry Potter ang binabasa ng marami kaysa ang mga mapagkunwari tulad ng Eleven Minutes ni Coelho o Tuesdays with Morrie ni Mitch Albom.

Naiintindihan at nakikita ko kung bakit maraming nahuhumaling sa Harry Potter. Ako nga sunud-sunod kong binasa ang Harry Potter at hindi ko maibaba ang libro. Ngunit natuto na akong huwag sukatin ang kagandahan ng libro (o ng pelikula) sa pagiging gripping nito o page turner. Hindi magkatambis ang dalawa. Ilang araw ko bang binitawan at binalikan ang Hundred Years of Solitude ni Garcia Marquez? Gaano katagal bago ko tuluyang natapos ang Dubliners ni James Joyce? Samantalang tinapos ko naman ng isang sitting ang The Other Side of Midnight ni Sidney Sheldon. Oo't may merit maging page turner. Ngunit hindi 'yun lang sukat at magiging suma total sa kagandahan ng isang akda.

May mga pagkakataon din namang nagkakasalubong ang dalawa. Na bukod sa maganda na ang libro ay hindi mo pa maibaba. Halos bumagsak ako sa accounting dahil nang magpahinga sa pag-aaral, nagkamali akong buklatin ang The Passion ni Winterson. Ayun, hindi na ako nag-aral at tinapos na lang nobela hanggang umaga. Kinailangan kong malaman ang mangyayari sa pag-ibig ni Henri kay Villanelle.

At si Harry? Gusto kong malaman kung paano magtatapos ang tunggali nila ni Voldemort. Ito ang kalakasan ng Harry Potter. Nanaisin mong malaman ang mangyayari, makihalibulo sa kuwento. At buhay na buhay si Harry sa'yo. At ang ibang mga karakter. Pero minsan naiisip ko na baka malaking tulong ang mga pelikula para buhayin ang mga karakter. Kasi kadalasan kulang ang pagsulat ni JK Rowling.

Hindi lang sa paglalarawan ngunit pati na rin sa paglalahad. Makailang ulit ba akong umismid sa mga nakagugulong parirala niya at uri ng pagsusulat. May mga pagkakataon pang nagbubuo siya ng tension at bigla sa susunod na chapter ay babawiin niya ito. At lagi na lang easy way out ang may-akda. Sa tried and true, sa mga palasak kumikiling. Katamaran o kakulangan lang talaga? Gaya ng formula niya na kailangang i-explain ni Dumbledore ang lahat-lahat kay Harry, ang mentor-student template. Na kahit sa huling libro, na patay na si Dumbledore, nauwi ang libro sa isang ghost or near death experience. Samantalang magical world ang Harry Potter. May ibang paraan naman para mailahad niya ang gusto niyang ilahad nang hindi umuuwi sa ilang ulit na bang ginawa. Sayang ang yaman na ipinundar niya sa mundo at siya rin naman pala ang magbabalewala nito.

Isa pang malaking issue ko kay JK Rowling ay ang pagsusulat ng battle sequences. Salat na salat. Mas magiging makulay sana ang libro kung nagbigay siya ng ilang mga pangungusap para pagandahin ang pag-aaway. Ang labas tuloy animo'y Star Wars na nagbabarilan sa pamamagitan ng magic wands.

Nagustuhan ko pa rin naman ang Harry Potter. Ngunit malay ako sa mga kakulangan nito. Okay lang na basahin ang Harry Potter. Kahit mag-marathon pa mula Book 1 hanggang Book 7. Hindi ako mangungutya o tatawa. Ang hinihingi ko lang, palawakin ang utak at magbasa pa ng ibang libro.

Labels: ,

Ernan at 4:24 PM

0   comments

0 Comments

Post a Comment