4.04.2007
Kung sinasabi nilang patay ang industriya ng pelikula, masiglang masigla naman ang TV sa Pinas ngayon. Pero hindi naman talaga ako mahilig sa mga teleserye kaya hindi rin ako nahuhumaling. Buti na lang kamo at maraming kapanapanabik na mga palabas na banyaga. Kung papansinin mo nga, halos lahat na yata ng palabas sa US ay napapanood na dito sa atin, salamat na rin sa mga cable channels. Nagbubuhat ba ako ng silya? Aba oo. Pero di mo makakaila na totoo naman ang binanggit ko.At dahil kung tutuusin, kahit papaano, in-the-know naman ako kapag dating sa TV (lalo na sa cable), gumawa ako ng listahan ng sampung pinakakaabangan kong palabas sa TV. Baka mahikayat ko kayong panoorin ang mga ito.
Magsimula muna tayo sa mga honorable mentions.
Psych. Purong kalokohan ang palabas na 'to. Tungkol sa isang henyong slacker na magaling makatanda ng detalye na nagpapanggap na psychic. Isipin mo ang Monk, tanggalin mo ang nakakasawang quirky oc character at gawin mo 'tong mas hip. Thursday 8:00 pm sa C/S.
Prison Break Season 2. Ano pa ba ang dapat sabihin? Naadik ang lahat sa season 1 at ngayong nakalaya na sila, siyempre gusto kong tumutok sa adventures nila. Thursday 10:00 pm sa C/S.
Sana Maulit Muli. Kababanggit ko pa lang kanina na walang amor sa'kin ang mga teleserye pero nakalusot ito. Si Kim Chiu ang dahilan. Ang cute niya. Ang sarap niyang panoorin. Kahit minsan mukha siyang siyana sa mga suot niya. Weekdays 8:00 pm sa ABS-CBN.
American Idol Season 6. Palpak ang Pinoy Idol pero umaatikabo pa rin ang American Idol. May anghang pa rin ang mga komentaryo ni Simon at malandi pa rin si Paula. Kahit wala ni isa sa mga contestant ang paparis sa'kin kumanta, gusto ko pa rin malaman kung sino ang susunod sa yapak ni Taylor? Wednesday at Thursday 6pm sa Star World. Wednesday at Thursday 10:00 pm sa ABC.
30 Rock. 30 rason. Tina Fey, Tina Fey, Tina Fey, Tina Fey, Tina Fey, Tina Fey, Tina Fey, Tina Fey, Tina Fey, Tina Fey, Tina Fey, Tina Fey, Tina Fey, Tina Fey, Tina Fey, Tina Fey, Tina Fey, Tina Fey, Tina Fey, Tina Fey, Tina Fey, Tina Fey, Tina Fey, Tina Fey, Tina Fey, Tina Fey, Tina Fey, Tina Fey, Tina Fey, Tina Fey. (sounds like bread). Wednesday 9:30 pm sa Jack TV. Thursday 9:00 pm sa Star World.
At ang sampung the best naman talaga.
10. Shark
Alam kong naglipana na ang napakaraming palabas tungkol sa mga abogado. Pero ibahin niyo ang Shark. Bukod sa ang bida ay ang walang kaparis na si James Woods, interesante pa ang character na ginagampanan niya. Magaling na abogado si Sebastian Stark pero kupal. Alam niya 'yun at hindi siya humihingi ng paumanhin. Mahusay ang pagkakasulat at puno ng mga witty kupal lines gaya ng "Your job is to win. Justice is God's problem." o ng "Truth is relative. Pick one that works." At siyempre pa, mahusay ang pagganap ni James Woods. Ipapalabas sa C/S.
9. Ugly Betty
Naging modern day fairy tale na ang kuwento ni Betty La Fea na nakailang remake na at naging hit pa sa buong mundo. At Ugly Betty na nga ang take ng Amerika sa kuwento na nagsasabi na ang tunay na kagandahan ay nasa kalooban. Halaw nga ang mga karakter at ang ugat ng kuwento pero sa kalagitnaan ng series ay lumayo ito sa takbo ng istorya ng mga naunang bersiyon. At dito, lalo pang naging interesante ang Ugly Betty. Nakakaaliw ang pagmamaldita ni Vanessa Williams bilang boss ni Betty at siyempre pa sakto si America Ferrera sa role niya bilang Ugly Betty, kita mo't nagtamo pa ng Golden Globe Award. Sunday 9:15 pm sa Studio 23.
8. Entourage Season 3
Nagtapos ang season 2 sa isang nakakagulat na hiwalayan. At ngayong Hunyo, magbabalik na sa US TV ang Entourage. Ano na ang nangyari kay Vince? Paano na si Ari? E ang mga boys? As usual, boys will be boys. Wala pa ring kuwenta ang mga drama ni Drama, nanggagantso pa rin si Turtle at good boy pa rin si Eric. Tuloy ang adventures at mis-adventures nila. Entourage ang superstar melodrama para sa mga lalaki. Ano pa ba ang hihilingin mo? Nagkaroon na nga ng recurring role si Mandy Moore as Mandy Moore at nandito pa si Emmanuelle Chiqri. Boobs, booze at joint. Hindi ba masarap maging sabit sa Entourage. Ipapalabas sa HBO.
7. Weeds
Mary Louise Parker at juts. Sino ba namang makakatanggi sa kombinasyong 'yan. Ang Weeds ay tungkol sa isang single mother na nangangalakal ng marijuana para maibsan ang kanyang kahirapan. Hindi ba natatangi ang konsepto ng Weeds? At hindi lang sa konsepto, natatangi din ang pagganap (siyempre) ni Mary Louise Parker at (siyempre) ang riot na mga eksena. Ipapalabas ng 2nd Avenue.
6. Heroes
Ito, hindi na kailangan ng paliwanag o paglilinaw. Alam na ng lahat kung ano ang Heroes. Mga simpleng tao na nagkaroon ng kakaibang kapangyarihan. Ang #1 show sa US. Ang dinodownload ng lahat ng tao. Sunday 8:00 pm sa RPN. Monday 9:00 pm sa C/S simula May 28.
5. Tennis (French Open, Wimbledon, US Open)
4. The Office (Season 3)
3. The Black Donnellys
2. Firefly
1. Naruto Shippuuden Chronicles
Ernan at 10:04 AM