4.01.2007
Hunyangong araw.Nagkasabay ang April Fool's Day at ang Palm Sunday. Mga pagkakataon ng gaguhan, balimbingan at trayduran. Namimilog pa man din ang buwan.
Inikot at nalamutak ang araw ko ngayon. Hindi naman malala. Hindi naman naging kaliwa ang kanan o naging uwak ang tagak.
Sa mga simpleng bagay. Gaya ng pagloloko ng internet connection at pagpapalya ng router. Ng pagkawala ng ilang gamit at matapos usisain ang buong bahay matatagpuan sa mesa.
Pero ang pinakamahalaga. Ang katamaran ng parehong magulang kong magsimba. Kahit Palm Sunday. Kahit diyan lang sa Sto. Domingo na 3 minutong lakad lang mula sa bahay. Hindi sila nagsimba. Nakakagulat. Dahil sila ang nanggigising sa amin ng ala-5 ng umaga para bumiyahe ng 4 na oras para magsimba ng 1 oras sa Manaoag at umuwi agad matapos ang simba. Ang namamalo sa'kin dati kapag hindi ako nagrorosaryo sa Alay. Na ngayon, hindi na gumigimik kundi rin lang sa simbahan ang tuloy.
Hunyangong araw. Hindi nagsimba ang magulang ko. At kami lang magkakapatid ang tumuloy. May mga hawak na palaspas at winagayway namin sa ere. Parang inaalo ang namimilog na buwan.
Hindi nagsimba ang magulang ko. At kami lang magkakapatid ang nagsimba. Ito na yata ang joke ng taon. Bukas, makalawa baka hindi na ipako si Kristo.
Labels: muni
Ernan at 8:31 PM
1 Comments
- at 10:09 AM said...
Di talaga ako nagsisimba. Pag feel ko lang at seryoso ako. O may kailangan.
Trivia: Grumadweyt ako sa college on April 1, 2000.
So di ko sure if I really did. Hehe.