3.09.2007
Ano bang dating ng mukha ko at lagi na lang akong kinukuwentuhan ng mga taong hindi kakilala? Lagi na lang. Ang aleng katabi sa simbahan, taxi driver, kasunod sa pila sa McDonald's, o kaya turistang naglalakad sa Cubao. Kinakausap ako at nagkukuwento ng kung anu-anong mga bagay.Gaya na lang kanina.
Galing ako sa opisina sa Antipolo. Pauwi na. Naghihintay ng jeep sa Sumulong Hi-way. May kasabay akong nag-aabang, babae, na tiga-opisina. Hindi ko masyado kilala. Hindi ko talaga kilala. Na-deduce ko lang na pareho kami ng pinagtatatrabahuhan kasi nginitian niya ako at tumango. (O baka naman nakikipag-flirt siya, posible!) Ngumiti si babae. Ngumiti ako. Tumango siya. Ngumiti ako ulit. Tapos dumistansya. Hindi ko siya kilala at ayokong makipag-usap. Wala ako sa mood makipag-small talk. Ang tagal ng hintay bago may dumaang pampasaherong sasakyan. Sumakay siya. Ako hindi. Wala talaga ako sa mood makipag-small talk at unnecessary conversation. Kapag sumakay ako, mapipilitan lang akong ngumiti at makipag-usap kahit dalawang pangungusap lang. Ayoko.
Hindi ako sumakay. Pinauna ko ang babae. Matagal ulit ang hintay bago may dumating na ibang masasakyan. Sumakay ako. Puno. Sumabit na lang ako. May mamang sumabit sa tabi ko. Mukhang sanggano. Tumitingin-tingin sa'kin. Ngumiti. (Baka nakikipag-flirt din, huwag po!). Wala akong magagawa. Pareho kaming nakasabit sa jeep na humaharurot pababa ng Sumulong Hi-way, magkadikit pa ang balikat namin, ngumiti ako pabalik.
Nagsalita si mamang sanggano. Pinuna na ang tagal ko raw naghihintay. (Baka stalker!) Napansin niya ako kasi kumakain daw siya ng balut sa may tapat ng inaabangan ko. Ang tagal ko daw bago sumakay. Napasagot ako. Wala akong magawa. Mabilis ang jeep at isang siko lang puwede akong mahulog. Sumagot ako na "oo nga po e." Maikli. Simple. Walang puwedeng idagdag. Non-committal. Sabay tingin sa harap at sa langit. Ang simpleng irap. Ang mabait na tse, huwag mo akong pansinin. Hindi ako interesado. Ayokong makipag-usap.
Pero dumire-diretso si mamang sanggano. Nagkuwento. Nagkuwento. At nagkuwento. Ngumingiti lang ako at sumasagot ng opo, a ganun po ba, oo nga e, aah... At pagbaba niya sa Major Diaz (sinabi niya sa akin kung saan siya bababa at kung bakit siya kumakain ng balut) nalaman ko na Romy ang pangalan niya; ang unang trabaho ay sa Francisville na pagmamay-ari ng isang Taiwanese; muntik na siyang mangibang-bayan kaso pinigilan ng ina, namatay kasi ang ama niya at siya ang nag-alaga sa pamilya; may mga pinsan at pamangkin sa Domsat na pinanghihinaan ng loob; may pinsan na may bahay sa Dela Paz na walang nakatira pero anim ang kuwarto; may asawa na siya at mahirap daw ang buhay may-asawa, iba sa buhay binata; 36 ang edad niya, at kapag sinasabi niya ang kanyang edad nagugulat ang mga tao kasi babyface siya pero, pero may kaunting wrinkles na siya, hindi naman halata kasi smiling face siya.
Smiling face daw siya, inamin ni mamang sangganong Romy. Ako rin, the whole time, smiling face lang.
Lagi na lang. Hindi ko alam kung bakit. Nagbubuhos ng saloobin sa akin ang mga estranghero. Hindi naman ako pala-imik. Baka mukhang baul ang mukha ko. O kaya butas ng isang dingding ng templo sa Angkor Wat. Ewan. Hindi ko alam. Pero oo nga, totoo. Smiling face din ako.
Ernan at 1:07 AM
1 Comments
- at 5:47 PM said...
ang galing naman ng post mo, natuwa ako. actually, hindi lang ako natuwa kundi natawa. lalo na kay mamang romy na mukhang sanggano. naalala ko tuloy yung commercial ng TM -- yun bang sastre na maskulado, tapos sa bandang dulo eh kasama nya ang kapatid nyang equally maskulado pero san sila papunta? sa palengke. nakapayong pa ng dilaw at may buhat na bayong. naisip ko tuloy baka ganun ang itsura ni mang romy. hehehehehe.
hindi lang ako naintriga kay mang romy. nagkainteres din ako sa itsura mo. bakit nga kaya gustong gusto nilang mag-open up sa'yo? but then again, alam ko namang top secret sa blog ang tunay na itsura ng blogger.
i'll just be content reading your blogs. after a hard day's work, nakaka-relax magbasa ng ganitong mga entries. salamat sa entertainment.