2.17.2007
Si Breughel the Elder ang trip kong pintor ngayon. Una ko ngang ginawa sa opisina ngayong pagpasok ng bagong taon ay palitan ang wallpaper ng desktop ko. Pinta na ni Breughel ang nakapaskil doon. Pati na rin sa computer ko sa bahay.Ayon sa wikipedia, isa siyang Dutch at isang mahalagang pintor na nabuhay noong Renaissance period. Ang kagalingan niya ay sa pagpapakita at pagsasabuhay ng araw-araw na gawain ng mga pesante. Malamang naantig ng mga pinta niya ang nagtatagong sosyolohiyo sa sarili. Hindi siya tanyag sa mga portrait ng mga babae o ng patron niya. Bagkus, kilala siya sa mga pinta niya ng mga simpleng ritwal at kasiyahan, sa pagbusisi at kakaibang tingin sa mga pangyayari.
Pansinin na lang ang isa sa mga pinakakilala niyang pinta, ang Landscape with Fall of Icarus. Hanapin mo nga si Icarus. Naririyan siya, nalulunod sa isang tabi. At walang nakapapansin. Isang magandang basa sa isang mitolohiya. Tinulaan pa ni WH Auden.
At ito pa ang iba pa niyang mga gawa.
The 'Little' Tower of Babel
The Procession to Calvary
The Fight Between Carnival and Lent
The Triumph of Death
Labels: pinta
Ernan at 6:25 PM
2.13.2007
Napahiya naman ako. Ang lakas ng loob kong sabihing "Nagbalik na ako" pero isang buwan ko lang naman pala kakayanin. Bokya din naman pala ang babagsakan ko.Kasi naman ang lindol sa Taiwan, ginulantang pati ang internet. Ilang linggo tuloy na walang serbisyo, hindi tuloy ako nakapag-post. Ayun, sa utak ko na lang namahinga ang mga ideya at obserbasyon ko. Nauwi tuloy ako sa katamaran.
Ngayon nga medyo pinilit ko pa ang sarili para mag-log in dito sa blogger at magsulat ng kahit anong post. Kailangan ko uli ng disiplina, kailangan ko ng focus. Hindi lang maging malay, maging tutok.
Masyado akong kalat. Hindi na rin lang sa pagsusulat, pati sa gamit, sa buhay at sa sarili na rin. Ang mga damit ko hindi naka-ayos. Ang mga papeles sa opisina, magulo. Hindi ko na makita ang mga kopya ng mga lumang tula (lahat! ang mga may pag-asa at balak rebisahin). Pati pencil case na naglalaman ng samu't saring lapis, bolpen, at USB ko nawala ko rin. Ang daming tinatahak at pinapasok. Siguro kailangan ko ng crash course sa management ulit o dapat kaya mag-yoga excercises ako tuwing umaga.
Pero isa-isa tinatanggal ko na ang mga buhol, pinaplantsa ang mga gusot, inaayos ang sabug-sabog. 'Yun nga lang, may mga bagong buhol, may nagugusot ulit, nagwawatak-watak. Ganyan talaga. Kailangan lang maging Hercules sa paninindigan at lubos ang intensiyon.
Kaso wala pa ako doon. Ang determinasyon ko'y singpatpatin ng pangangatawan ko. Pero buti na lang 'yun, mas madaling palusugin.
Sa susunod ko na ilalahad ang mga nangyari ng Enero. (Oo gagawin ko, kasi kailangan kong isulat para hindi makaligtaan. Kailangan ko ng tala -- sa totoo, hindi para sa inyo ang blog na ito, hindi para may mabasa kayo o ikuwento ko ang mga nangyari sa buhay ko. Free flow ensayo 'to. Para sa'kin. Kumbaga, live jamming)
Gets mo? Hindi. Pasensya na.
Ernan at 1:08 AM