12.27.2006
Nitong kapaskuhan, lagi ko na lang inirereklamo sa lahat na hindi ko man lang nararamdaman ang Christmas spirit. Walang masyadong mga palamuti at kumikislap-kislap na ilaw, kahit sa Makati. Walang himig ng Pasko. Ang tanging caroling na nakita ko ay sa Cavite pa at ang taunang caroling/solicit ng mga tiples/brothers ng Sto. Domingo sa bahay. Walang mga batang may pinitpit na tansan at de latang tambol na humaharang sa daan at sumisigaw ng We wishyu a meri krismas. Pati ang panahon hindi nakisama, kahit suminghap ka, wala ang laming ng Pasko.Wala talaga, walang dating ang Pasko. Hindi ko matanggap ang stock answer na tumatanda lang ako o kaya'y para sa bata lang ang Pasko. Kasi kahit naman nang mga nagdaang taon, hindi man masayang-masaya ang Pasko, nararamdaman ko pa rin naman.
Ang Pasko ko ay nauwi sa shopping, pagbabalot ng regalo, pananaga ng mga taxi drivers, trapik, siksikan sa mall, at pagmamadali dahil bigla ilang araw na lang pasko na pala. Isang holiday break na lang ito na may kasamang hassle at tuwa ng exchange gift at iba't ibang parties.
Kanina lang ako natauhan. Papasok ako ng opisina at naiisip na naman ang walang sayang Pasko nang mabaling ang tingin ko sa simbahan. Naisip ko, bakit sinusukat ko ang Pasko sa pagkanta ng carols, sa makulit na andap ng Christmas lights, sa init ng panahon, sa mga bagay? Binibigyang diin ko ang mga bagay na ito na hindi naman talaga buod ng kapaskuhan. At sa pagbibigay ko rito ng lubos na importansya, ako mismo ang naglagak na holiday break, exchange gift at parties lang talaga ang Pasko. Nakalimutan ko ang dahilan, corny oo, pero totoo. Bakit hindi ko inaankla ang kapaskuhan kay Kristo o sa spirtiwalidad man lang? Nakalimutan ko.
Hindi porke't walang palamuti hindi na feeling Pasko. Kaya pala hindi ko maramdaman, sa maling paraan ko pala hinahanap. Hindi ko nga talaga mararamdaman ang Pasko. Ikaw, naalala mo ba, naramdaman mo ba talaga ang Pasko?
Ernan at 11:38 PM
1 Comments
- at 12:18 PM said...
Naks. Reflective :P