1.02.2006
Nanaganip ako kagabi. Sa unang gabi ng taong 2006. Isang interesanteng panaginip. Natandaan ko pa halos lahat paggising. Magandang senyales.Ang unang tagpo sa panaginip ay sa isang kalye. Naglalakad ako papunta sa isang party. May nakaparadang kotse. May bumabang lalake. May isa pang lalake. Binaril niya ang naunang bumabang lalake. Bumulagta sa kalye ang naunang lalake. Patay.
Ang ikalawang tagpo. Sa isang magarang hotel. Nagtatanong ako ng availability ng kuwarto sa isang magandang receptionist. Sa tanong ko, ipinakita niya ang iba't ibang uri ng kuwarto. Hindi ko alam kung papaano ngunit alam kong nakatira ang lalakeng bumaril sa unang tagpo sa ika-apat na palapag ng hotel. Isang kuwarto sa ika-limang palapag, sa dulo. May bakas pa ng naunang tumira. May mga lumang litrato nakadikit sa salamin. May dalawang kama. Gaya ng pagkakaalam ko na ang lalakeng bumaril ay nakatira sa ika-apat na palapag alam kong ito ang dating kuwarto ng lalakeng nabaril. Matanda na pala ang lalake. Mga sitenta o otsenta anyos. Kaya't sinabi ko sa magandang receptionist na balak kong sa kuwartong iyon tumira. Matapobreng sagot ng magandang receptionist na hindi tinatanggap ang gift check na pambayad para sa kuwartong iyon. Gift check pala ang ibabayad ko. Ngunit agad akong suminghal na magbabayad ako ng pera. Marami pala akong pera sa bangko.
Ikatlong tagpo. Sa kuwarto ng matandang lalake na binaril. Sa dulo ng ika-limang palapag. Inaayos ko na ang aking mga gamit sa cabinet. Nag-iisip ako. Alam kong aalamin ko kung ano ang misteryo ng matanda. Ang kuwarto. Ang lalake sa ika-apat na palapag. Matagal-tagal akong mapipirme sa hotel na ito.
Doon nagtapos ang panaginip. Ngayong isinusulat ko na at inilalahad uli, magulo pala ang panaginip. Ngunit dahil panaginip samantalang nasa panaginip may sense ang lahat. Ang mga tauhan, ang mga tagpo, hindi humihingi ng kadahilanan. Ang mangyari't maramdaman ay siyang katotohanan.
Nanaginip ako kagabi. Unang gabi ng taong 2006. Alam ko pa rin ang panaginip nang magising. Matagal na akong hindi nakakaalala ng panaginip. Sa paggising, nararamdaman ko pa rin ang tono ng panaginip. Kaiba sa tono ng iba kong panaginip. Isang panaginip na kapanapanabik. Isang interesanteng paniginip. Magandang senyales.
<<
Ernan at 9:36 PM
1 Comments
- at 2:36 PM said...
maligayang pagbabalik, ernan! pang-murakami novel ang panaginip mo. :-)