12.29.2005

Nasa opisina pa rin ako. Na naman.

Huling araw na ng pasok ngayong taon at halos naglalamay pa rin ako. Oo at tambak ang trabaho ngunit kailan bang hindi tambak? Ikatlong linggo ko pa lang sa trabahong ito, nalaman ko nang laging magiging tambak ang trabaho. Marami at masalimuot ang trabaho, given na 'yun. Nasabi na rin nga ni RJ na talagang workaholic lang kami. Totoo, pero hindi lang 'yan ang dahilan kung bakit ginagabi ako ngayon sa opisina.

Hindi ko namang inaasahan na hanggang ganitong oras e may ginagawa pa ako. Ikalawang gabi ko nang pinlano na pupunta ako ng World Pyro Olympics. Kaso pangalawang sunod na pagkakataon nang hindi natuloy. Dahil napipirme ako sa opisina. Dahil hindi ako makaalis.

Lampas sa trabaho ang nagtatali sa akin sa opisina. Ang totoong dahilan ay ang mga kasamahan ko sa trabaho. Na kapag nakasama na sila, hindi ako makaalis. Wala namang gimik, kadalasan kaunting inom at kuwentuhan lang, pero ang hirap kumalas kapag kasama na sila. Hindi naman talaga kami tropa pero may nagtatali sa aming kung ano na hindi ko pa mangalanan. May unawaan na malalim na hindi pa maibulalas. May idealismo at pakikibahagi na pinagkukunan ng lakas at tuwa.

Kaya heto, malamang at nagliliyab na ng kung anong kulay ang langit sa Manila Bay, at nandito pa rin ako sa opisina, gutom na hinihintay ang inorder na Chicken Steak mula sa KFC, nakikipagkulitan sa mga kasamahan, at walang pagod, at walang pinaghihinayangan.

<<

Ernan at 9:25 PM

0   comments

0 Comments

Post a Comment