12.14.2005

Kinukutuban ako na magiging masama ang araw na ito. Sa dibdib ko, sa loob, sinasaklot ang puso ko ng pangamba, maya't maya pinipisil-pisil. Sinabayan pa ng pamimigat ng panahon.

Hindi ko alam kung saan nanggaling o ano ang pinagmulan. Ngunit halos nakakaseguro ako sa kalalabasan ng araw na ito.

Sa mga ganitong araw, malamang sa malamang tama ang kutob ko. Kasi lahat ng mga bagay ay iniinda ko. May magsabi lang ng kaunti sa'kin ay nanunuot kaagad ang masamang salita. Naka-antabay ako sa mga maling magaganap at halos inuudyok ko ngang mangyari.

Ngunit kahit alam kong ganito, at alam kong ang pananaw ko'y nagpapahigpit sa saklot ng pangamba, wala akong magawa, patuloy lang ako. Gusto ko na nga lang sumiksik sa isang tabi at manatili doon buong araw para palipasin lang ang oras at hanggang sa lumuwag ang pangamba sa dibdib.

Umuugong sa isipan ko ang binaggit ng isang karakter ni Kerima Polotan, "I wish I could cross over to the safer side of today." Kaunti, nalalaman ko na ang pakiramdam ng mawalan ng pag-asa.

<<

Ernan at 2:52 PM

0   comments

0 Comments

Post a Comment