12.17.2004
Ang haba ng pila kay FPJ, abot na sa tapat ng bahay namin. Kung saan-saan na pumalupot ang pila, sa loob ng Sto. Domingo, sa labas, sa Sto. Domingo Avenue, sa kahabaan ng Quezon Avenue, sa Cuenco, sa Biak-na-Bato, at heto nga nilampasan na ang bahay namin, dire-diretso pa sa panulukan ng madilim na Banawe. Tatlong gabi na 'to at walang patid ang linya.Halo-halo ang mga nakapila. May mga oras na parang pila sa concert ni Jolina at minsan may mga bus pa na dumarating. Mga estudyante, mga matatanda, pamilya, magsyota, magkaka-opsina. Pumipila sila ng lampas tatlong oras para mapadaan ng limang segundo sa harap ng labi ni FPJ (para maki-usyuso na rin siguro).
May mga white screen silang inilagay sa kalye. Pinapalabas doon ang mga lumang pelikula ni FPJ. Inaabangan ko nga ang Panday. Makikinood sana ako kasama ang mga bata. Masaya sigurong mapanood ang Panday sa kalye, isipin na lang ang hagikgikan at mga mabibilog na mata ng mga bata. Panday panday panday. Naiisip ko tuloy ang tagpo sa Cinema Paradiso. Sa kultura nating maka-komunidad at mahilig manood ng sine, parang kulang nga ang mga ganitong pagpapalabas, ang sama-sama sa lansangan.
Nag-iingay ang mga nakapila sa labas ng bahay namin. Pinapasadahan kasi sila ng camera ng mga nagrereport ng balita.
Ang daming gumagalang kay FPJ. Sabi ko nga, hindi ka man sang-ayon sa pagtakbo niya sa pagka-presidente, hindi mo maikakaila na mabuti siyang tao. Sigurado ko, ikaw man nakurot ang puso nang nalaman mong namatay na siya. Kahit kaunti, kahit sandali lang, may bumahid na lungkot sa puso mo.
Mababaw lang ang pagkakilala ko kay FPJ. Kapag minsanang nakikita, nagmamano. Noong bata ako, malimit na pumunta sa lugar namin si FPJ. Nagtatawag ng inuman. Lalo na kapag nanalo ang kabayo niya sa karera. Kahit ala-una ng madaling araw, mangangatok ng bahay 'yan at mag-aaya ng inuman. Kami namang mga bata, magigising. Pipila kami sa kanya at magmamano, binibigyan niya kami ng pera. Panalo uminom si FPJ. Magdamagan, hanggang umaga. Kadalasan, susuray-suray na sa alas-nuwebe ng umaga kung siya'y magpaalam.
Ngayon, minsan, lumulusot na Tito Ronnie ang tawag ko sa kanya. Buhat 'yan sa kabataan ko. Kapag nariyan kasi siya, Tito Ronnie siya nagpapatawag. Force of habit na ngayon kapag nasasambit e parang feeling close ang dating ko.
Pero close lang ako sa kaya by association. Kung meron mang ganoon. Kaibigan ng pamilya ang katiwala niya mula pa noong diseotso anyos siya. Kapit-bahay dati ang matalik na kaibigan ni Susan Tagle. Nang makita ko nga ang sinasabi nilang huling litrato ni FPJ, napa-nye ako. Si Tita Pagi ang katabi niya. Sa FPJ studios pala kinuhaan, diyan lang sa may Del Monte.
Lagi ngayong maayos ang bahay. Hindi kasi namin alam kung sino ang biglang mapapadaan. Noong unang gabi nga ni FPJ sa Sto. Domingo, marami raw ang humimpil at nagpalipas ng oras sa bahay galing Arlington bago sumabak sa simbahan at sa kaguluhan. Nakinood pa raw ng One Missed Call ang isang anak ni FPJ. Ang nanay ko nga, buong araw tumambay sa simbahan noong unang araw ni FPJ sa Sto. Domingo. Apat na beses sumilip sa labi at babalik pa yata sa Sabado. Ako naman, gusto kong maranasan ang mahabang pila. Baka sa Linggo, sa kasagsagan, makikipila ako. Sinong gustong sumama?
<<
Ernan at 8:28 PM