11.30.2004
Kung napadaan ka kanina sa Quezon Avenue at may nakita kang lalaking naglalakad sa kalye na nakasuot ng jacket na madilim na asul ang kulay, malamang ako 'yun.Sinalanta ng malakas na ulan ang gabi kanina. Alas-otso at nasa may tapat ako ng McDonald's Quezon Avenue. Papauwi na. Walang tigil ang ulan kaya maraming nag-aabang. Pero ilang jeep, fx at taxi na ang dumaan na walang laman at hindi ko pinara. Ewan. Nakakatamad lang kasi. Siguro may 20 minutos din akong nag-aabang sa wala doon sa kalye. Naka-ilang palit na ang mga tao sa tabi ko. Una sabi ko'y sa Welcome na jeep ako sasakay. Pero may dumaan at huminto, hindi ako sumakay. Sabi ko naman fx na lang kasi umuulan. Ang daming Quiapo na fx pero ni isa hindi ko pinara. Sabi ko baka taxi kasi malakas nga ang ulan. Sa puntong ito ko naisip na ayaw ko lang talagang sumakay. Hindi naman talaga kasi ako pala-taxi dahil namamahalan ako. Ka'ko, naghahanap lang ako ng katuwiran, maglakad na lang kaya ako.
Ayun na nga. Itinalukbong ko ang hood sa ulo, ipinasok ang cellphone sa loob na bulsa ng jacket, at naglakad ako papauwi sa gitna ng napakalakas na ulan. Mula McDonald's QA hanggang Sto. Domingo. Malayo-layo rin 'yun.
Na-miss ko pala 'yun. Ang maglakad lang. Oo, oo, lagi akong naglalakad. Pero iba ang paglalakad na walang dahilan. Iyung tipong tamang solo at wala kang iniintinding iba kaya ang iniintindi mo ay ang mga bagay na malapit sa loob mo. Mga paglalakad na hinahalungkat ang kung anu-ano. Mas nakakapag-isip kasi ako kapag naglalakad. Magaan ang takbo ng utak at madaling magpalipat-lipat sa iba-ibang ideya, iba-ibang paningin.
Madami akong natuklasan sa kalagayan ko ngayon at sa sarili ko. Natumbok ko ang katamaran sa lahat ngayon. Tamad na kasi akong upuan ang isang bagay nang matagalan. Maski sa pagsusulat, hindi ko na kinakaya ang magdamagan o kahit isang oras lang. Dapat agaran may lumalabas. Parang laging nangangati ang isipan at katawan na may gawin. Hindi ako mapirmi at matahimik sa isang gawain o bagay. Na ibigay ang buong pokus. Na siya lang ang aalalahanin ko at wala nang iba pa. Natuwa ako masyado sa multi-tasking. At pati ang kalooban ko'y lagi nang nagmumulti-task. Sakit ng trabaho na dapat kong waksiin. Kutob ko nga'y kung sakaling babantayan ko ang anak na may sakit, hindi ko kakayaning hawakan lang ang kamay niya at bantayan siya ng buong gabi. Malamang magbubukas ako ng TV o magbabasa ng libro. Hindi dapat. Dapat nasa kaniya lang ang atensiyon ko. Gaya ng sa pagsibol ng isang tula o sa panonood sa buhay. Dapat wala akong ibang iniisip at pinaggugugulan ng atensiyon sa mga pagkakataong iyun. Kaya nga't sasanayin kong uli ang sarili na manahimik. Na mangusap sa sandali.
Nakakatakot, kasi parang nakaligtaan ko na kung papaano. Magsisimula uli ako sa pinakasimula. Magsasanay tumitig sa alangaang. Magtitipon ng pasensiya. Mag-aaral magmasid.
Gaya sa paglalakad. Dati-rati kasi'y madalas kong magawa iyun. Ngayon, hindi na.
Sa pag-uwi ko nga, nagulat ang lahat dahil basang-basa ako. Tinanong nila kung ganoon ba kalakas ang ulan. Sabi ko oo pero kasi'y naglakad din ako papauwi. Ang takhang tanong ng nanay ko ay bakit. Ang sagot ko, wala lang. Ngayon ko lang uli nabigkas iyon ng dalisay at walang halong ni isang katiting na kapekehan.
Nakalimutan ko nang magkibit-balikat at sumagot ng wala lang. Huminto sa tigib-tigib na itinatapon ng mundo at magsimula uli. Wala lang at sinusubukan kong punan ang wala.
Paghubad ko nga ng jacket at pantalon, ang bigat-bigat. Isinabit ko sa likod ng pinto ng banyo, punung-puno ng tubig-ulan.
<<
Ernan at 1:49 AM