9.18.2004


Three fights and a fight fight Blue and White!
One Big Fight!


Goodluck bukas.

Pagbigyan niyo muna ang kahipokrituhan ko. Kunyari masugid talaga akong fan. Ngunit hindi ba mas maigting at mas dalisay ang mga sentimyentong minsan lang binibitiwan?





Isang Huwebes, nakakulob ang isipan sa dami ng trabaho. Nagkililing ang telepono. Buti narinig pa. Buti hindi naaburido. Buti sinagot ang telepono.

Masigasig ang boses sa kabilang linya. Hinahanap si Ernan. Ako iyon. Ang sabi niya si Connie raw siya. Si Ate Connie pala. Pinantayan ko ang sigla ng boses niya. "O Ate Connie bakit po?"

"Naririto na ang package mo. Dinala pala nila sa small parcels. Buti ka'mo nakita namin bago i-RTS." Teka, package. Ate Connie? Ang kilala kong Ate Connie e nagpapahiram ng redheads at generator. Anong package?

Bigla luminaw ang lahat. "Punta ka rito sa post opis para kunin mo. May babayaran ka nga lang na storage fee." Sa post office pala 'to. Lumiwanag ang lahat. Maliwanag na maliwanag. Nahanap nila ang package na nawawala. Ang pinadala ni Tessa sa maling address. Sa address na pinuntahan ko at nilakad hanggang Sampaloc pa pero hindi natagpuan. Sa adddress sa may talipapahan na nag-iwan pa ako ng numero at baka sakali. Ang package na itinawag kong nawawala at baka naroroon sa post office. Ipinaiwan nila ang numero ko at tatawagin nila ako kapag nakita nila. Halos isang buwan na ang nakakaraan noon. Hindi na ako umaasa pang makita.

Pero heto. Kausap ko ngayon ang isang taga-post office. Si Ate Connie. Kinukuwenta niya ang babayaran ko para matubos ang package. "Two hundred fifty pesos. Sa bawat araw na extra na hindi mo kukunin, magbabayad ka ng five pesos. Ganito kasi rito. Storage fee. Naku kaya kunin mo na agad." Nakita nila ang package. Hind ko alam kung ano ang mas matingkad na damdamin. Ang tuwa na makukuha ko ang package na pinaghirapan ng sobra o ang malaking pagtatakha at amazement na gumagana ang post office natin.

Kinabukasan kinuha ko na ang package. Ang post pffice dito sa Quezon City ay malapit sa NIA road. Isang nasisirang gusali sa tabi ng mga barung-barong. May baratilyo sa harapan. Nakapagtataka kasi gaano naman karami ang taong napaparaan ng post office. Sa entresuwelo, pisak-pisak ang sementong hagdan.

Window 37 daw ako pupunta. Nagpakilala na ako. Sinabi ko na may tumawag sa akin. Maluwag ang ngiti ng babae, ikaw pala 'yun. Tinawag ang ibang kasamahan, kinukuha na raw ang number 29 na package. Sinilip nila ako. Aba, sikat pala ako at ang package ko. Sinamahan pa nila ako magbayad para sa storage fee. Kuwento ng kuwento ang babae. Kung paanong mapalad daw ako. Kung bakit naman daw kasi mali ang numero. Kung ano ba raw ang laman ng package.

Nagbayad ako sa isang matandang ale na kulay lila ang buhok. Natandaan ko siya. Sa kaniya ko dati kinuha ang isa pang padala. Ngunit abuhin at maputi ang buhok niya. Hindi kumupas at pinaglaruang lila. Malalaking kulot na lila. Dahil sa tuwa ko at nakita ko ang package at ayan na nga, hawak-hawak na nga ng babae, binati ko ang matandang ale. Sabi ko natatandaan ko siya kaso nga puti ang buhok niya. Biglang binida ng kasama ko na hindi raw nagpatina ng buhok si lola. Nag-Creamsilk black lang daw. "Ang galing ano?" A, itim pala siya dapat.

Matapos akong magbayad, ibinigay na niya ang package. Pero ininspek muna. Parang shoebox ang package. Ang totoo'y hindi ko alam ang laman noon. Ngayon ko lang malalaman. Binuksan ni ate. Kumuha siya ng cutter at sinuyod ang gilid. Pinutol ang makapal na puting packing tape. Pagbukas, may isang shopping bag. Gap Essentials. Sa loob-loob ko, Gap? Sinilip niya. Isang CD, isang t-shirt at isang libro ang laman. Hindi ko nakita kung ano ang CD, ano hitsura ng damit o anong libro. "CD pala ang laman, tsaka tama ka damit nga." Ang sigaw ni ate sa ibang mga kasamahan sa kabilang kuwarto. Palaisipan din pala sa kanila ang package ko.

Iniabot niya sa'kin ang package. Pero hinanapan niya ako ng ID. Lagot, wala akong ID. Naiwan ko sa MTRCB. Sabi ko lumang SSS lang ang dala ko. Kasi nawala ang wallet ko. Okay na rin daw yun sabi niya sabay ngiti sa'kin at abot sa package. Banggit niya, "naririto ka na rin lang, kumuha ka na ng postal ID. Mahirap ang walang ID."

Oo nga. Akyat daw ako ng second floor para kumuha ng application. Sa Administration sa dulo. Pero paano aakyat ng second floor? Walang hagdanan. Kailangan mo pa palang lumabas at pumunta sa gilid ng gusali sa may bandang likuran. Naroroon daw ang hagdanan.

Parang warehouse ang loob ng post office. Isang malawak na lugar na napupuno ng mga pigeo holes na walang saraduhan. Mga shelves na may laman na mga sulat. Ang daming sulat! Umakyat ako sa second floor. May sign na nagpapahiwatig na ng mga sulat ay papuntang Cubao. Wala talagang mesa. Sa halip, mga maliliit na shelves ang kaharap ng mga upuan. Mga shelves na pinaglalagyan ng iba pang sulat. Mainit sa loob. Hindi aircon at iilan lang ang bentilador. Kaya ang mga empleyadong lalaki (halos lahat sila lalaki) ay nakahubad ng pang-itaas. Nakasabit ang mga damit at polo nila sa likod ng silya. Natutulog, naglalakad at nagtatrabaho silang parang mga tambay.

Sa dulo, ang admin pala ay isang puwesto na hinaharangan ng mesa. Humingi ako ng form. Fill-up-an ko raw at ibalik ko. Nakalimutan niya, kailangan daw may pa-fill up ako sa kartero namin. Pagkatapos ibalik, may 5 working days daw bago maibigay ang ID.

Umalis na ako. Hawak-hawak ang package sa isang kamay at ang form sa kabila. Katuwa ang lugar kung saan namamahinga saglit at nagpapalipat-lipat ang mga sulat ng mga taong mahahalaga sa'kin. Lalong bumibigat at nagbibigay importansiya sa bitbit na package. Lalong nahuhulo ang layo at gulo na binuno bago makarating sa'kin. Na nagdodoble kara ang mga katagang nabasa na I miss you. Ang mawala at matagpuan. Ang maalala.

<<

Ernan at 7:05 PM

0   comments

0 Comments

Post a Comment