9.03.2004
Sa isang survey sa kabataan noong 2003 napag-alaman na lalo silang nawawalan ng kumpiyansa sa gobyerno at sa bansa. Na karamihan sa kanila, sa atin, ay ninanais na mangibang bayan para guminhawa ang buhay. Lalong umiigting ang pagkakabit ng halaga na mabuting buhay sa stateside.Kahit saan mas maigi kaysa rito sa Pinas, maski Iraq, maski sa ngipin ng giyera. Nakakalungkot.
Bukod sa pag-aayos ng ekonomiya, dapat matanto na kinakailangan ding baguhin ang tingin natin sa sarili, sa kinabukasan, sa bayan. Katambal ng mga programa para maiangat ang kalidad ng buhay ay dapat ang mga programa na nagpapatibay na mabuti rito sa Pinas. Na dito na lang tayo. Na dito tayo dapat. Magtiwala sa sarili, sa kapuwa.
Kaya nga nakakagulat sa pinatupad na ordinansa sa Maynila, sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila pa man din. Saan ka makakakita na bawal magsalita ng sariling wika sa loob ng buong pamantasan. Ni hindi man lang international school. Kagila-gilalas. Bawal ang Filipino, dapat Ingles lang. Para raw mas maging competent ang mga estudyante. Matutong makipagsabayan. Kayanin ang makabagong hadlang.
Paano nito maitatama ang mali? Dumaragdag lamang. Maigi siguro na sa loob ng klase ng Ingles ngunit hindi sa buong pamantasan. Sinasabi lang ng ordinansang ito na mas magaling ang Ingles, hamak lang ang Pinoy. Walang ibubuga.
Kalunos-lunos tayo. Lalo na at wala man lang akong naririnig na di pagsang-ayon kanino man. Maski sa media, maski sa mga guro ng Pinoy.
Para sa kabuuang artikulo, pumunta rito.
<<
Ernan at 9:19 PM