9.10.2004

Buong araw ako sa Cebu kahapon. Lumipad ng alas siyete ng umaga at bumalik ng alas nuwebe ng gabi. Noon lang uli ako bumalik ng Cebu matapos ang anim na taon. Ang huli'y nang magbakasyon sandali at angkinin ang kuwarto sa taas ng garahe nina Steph. Mahal ko pa rin ang kuwartong iyon. Halos hindi na nga ako lumabas doon. Pipit ang gumigising sa'kin at mga kulay rosas na bouganvillea ng kapitbahay ang unang bumabati ng magandang umaga.

Mula sa huling pagbisita, wala pa ring masyadong nagbago sa akin at sa relasyon namin ng Cebu. Mahinhing Maynila pa rin ang tingin ko sa kaniya. "Bangkahi ko ug lami na baki" pa rin lang ang alam kong buong bisayang pangungusap. At malls pa rin lang ang nabibisita ko sa kaniya. Dumagdag pala, coffee shops pala ang tinambayan ko ngayon. Noong huli'y dumaan kaming National Bookstore at namili ng libro, kahapo'y tumungo ako sa Robinson's at namili ng libro. Sa parehong pagkakataon, wala akong inuwing pasalubong (kahit Dried Mangoes). Ang bitbit ko'y mga libro.

Gaya ng inaasahan nakipagkita ako sa mga kakilala sa Cebu. Nagtagpo kami nina Mia at Jeneen sa Bo's Coffee Shop. Nagkilanlan kami uli at minsan may sumusulpot na di inaasahang katahimikan. Ngunit di nagtagal bumalik ang lumang ritmo at magaan ang takbo ng kuwentuhan. Halos walang pinagbago. Ganoon pa rin ang isa't isa. Nagkaroon lang kami ng mga trabaho, tumanda ang mga hitsura nang kaunti, ngunit sila pa rin ang nakilala kong mga kaibigan noon.

Sa biyahe papuntang Mactan International Airport pauwi, nasumpungan ko ang Cebu ng gabi. Kung kailan nagsisiuwian ang mga tao at nagluluksa ang lansangan. Madilaw din ang ilaw sa daan at pakiramdam ko kilala ko ang lahat ng mukhang nakakasalubong ko. Palagay ko, kinukupkop ako ng Cebu. Marahil sa pagkakawangis nito sa Maynila. Marahil sa dami ng kaibigan doon. Pero parang hindi ako napadaan lang. Parang habang naririto ako ngayon, may ako na naroroon sa tapat ng lumang mall na nakasalampak sa sidewalk. Hindi sa hininihintay akong bumalik ngunit naroroon lang siya.

Hindi ko alam kung babalik pa ako uli ng Cebu at hindi ko rin naman hinahanap-hanap. Ngunit para siyang hindi nakilalang kaibigan. Nariyan lang siya lagi sa likuran.

<<

Ernan at 4:49 PM

0   comments

0 Comments

Post a Comment